IKALAWANG KABANATA : KAPALARANG NAGHIHINTAY (Tagpo 22)

97 3 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG... AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKATLONG KABANATA

KAPALARANG NAGHIHINTAY

Ikadalawampo't dalawang Tagpo

Maaliwalas na ang panahon. Matindi na ang sikat ng araw. Wala na ang bagyong si Egay.. Bumaba na ang tubig. Halos wala ng baha sa bawat lugar. Halos dalawang linggo rin si Ernie na kinupkop ni Althea, ang babaing nagligtas sa kanyang buhay at malauna'y dinungisan pa niya ang sariling dangal nang di-sinasadya.

At ngayo'y paano niya sasabihin kay Altheang paalam na? Mabigat ang puso ni Ernie na suot na ang t-shirt at pantalong maong nang siya'y sinagip sa tiyak na kamatayan ni Althea.

Napansin ni Althea ang malalim na buntong-hininga ni Ernie."Bakit malungkot ka? Para kang namatayan...cheer up Ernie!" ang nakangiting sabi ni Althea na pilit ipinapanatag ang sarili sa pag-alis ni Ernie.

"Sa tutuo lang di ko alam kung paanong sasabihin sa iyong paalam na matapos kong isuko sa iyo ang aking pagkalalaki," ang seryosong nawika ni Ernie.

Natatawa si Althea sa inaakalang pagbibiro ni Ernie.

"Ikaw talaga, nagbibiro ka na naman..." binabasa ni Althea ang nasa isip ni Ernie.

"Seryoso ko...sa maniwala ka man o hindi...ikaw ang kauunahang babaeng isinuko ko ang aking pagkalalaki!"

Napalakas na ang tawa ni Althea.

"Huwag mong sabihing pareho pa tayong virgin?" ang usisang nagtatawa ni Althea.Tumango si Ernie. At sa pagkakataong iyon, sabay na silang tumatawa nang malakas.

"Ikaw ha? Pinagluluko mo lang ako..."ganting tugon na patuloy na tumatawa si Althea sabay habol kay Ernie na magpapahabol naman.

Aabutan ni Althea si Ernie. Susunggaban niya si Ernie sa beywang at pareho silang mawawalan ng balanse habang kapwa nagtatawa pa rin. Kikilitiin niya si Ernie. Mapapahalgapak naman ng tawa si Ernie.

"Di ako nagbibiro...virgin pa nga ako..." ang nagtatawang sabi ni Ernie. "Kusa palang natutuhan ang sex kahit hindi pinag-aaralan.", sambot pa ni Ernie na patuloy na nagtatawa.

Gumugulong sa sahig na nagtatawanan pa ang dalawa hanggang mapagod sila sa katatawa. Ilang saglit pa'y kapwa nagiging seryoso na ang dalawa.

"Paano si Ine?" ang bulong ni Althea habang nakayakap kay Ernie.

"Kakausapin ko siya. Ipagtatapat ko ang nangyari sa ating dalawa," ang tugon ni Ernie.

"Paano kung ipaglaban ka niya?" ang patuloy na pagtatanong ni Althea.

Saglit na natigilan si Ernie. Kumalas sa pagkakayakap si Althea. Umupo sa malambot na sala. Nag-iisip nang malalim. Sinundan siya ni Ernie. Naupo sa tabi niya.

"Huwag kang mag-alala. Palagay ko, mauunawaan naman niya tayo," ang bawing pagpaparamdam ng pagmamahal ni Ernie kay Althea.

"Huwag ka nang magtampo," ang alo pa ni Ernie.

"Sige na...umalis ka na! Gawin nating magaan ang ating paghihiwalay para kapwa tayo hindi masaktan. Iisipin ko na lang na isang magandang karanasan itong nangyari sa ating dalawa! Hindi ko kayang agawin ka kay Ine...kung magbunga man itong nangyari sa atin...wala kang dapat alalahanin...kaya kong buhayin ang magiging anak natin," ang mahinahon at matatag na mga salita ng paninindigan ni Althea.

Natigilan si Ernie. Napipilan. Di halos makahuma sa mga narinig kay Althea. Wala siyang nagawa. Banayad at puno ng pagmamahal na idinampi niya ang kanyang mga labi sa pisngi ni Althea.

"Kay buti mo...anuman ang maging kahinatnan ng pag-uusap namin ni Ine, malalaman mo...pramis, babalikan kita!" tanging ang mga salitang ito ang namutawi sa mga labi ni Ernie.

Mabibigat ang mga paang humakbang na si Ernie patungo sa pintuan ng tahanang bahay na bato ng pamilya ni Althea. Tinawag siya ni Althea.

"Ernie..."

Di nakatiis si Ernie. Binalikan niya muli si Althea at nagyakap sila nang mahigpit na kapwa lumuluha.

Saglit na napahinto si Ernie, humarap kay Althea. Tumayo si Althea mula sa pagkakaupo sa sala. Nilapitan si Ernie. May inabot na apat na tiglilimandaang piso si Althea.

"Alam ko...kailangan mo 'yan...!"

"Salamat Althea...babayaran kita...pagbabalik ko..." ang nawika na lamang ni Ernie habang inaabot ang halagang dalawang libomg pisong pabaon sa kanya ni Althea.

Pagkatapos, tuloy-tuloy na muli nitong tutunguhin ang pintuan nang marinig niya muli ang mahinang tinig ni Althea.

"Ernie..."

Di-makatitiis si Ernie. Muli, pipihit siya at sa matinding sigabo ng damdamin,mabilis niyang babalikan si Althea at muli, buong higpit na magyayakap ang dalawa na kapwa lumuluha.


"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon