IKALIMANG KABANATA : IGINUHIT NA PANGARAP (Tagpo 46-B)

52 2 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"


Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul


IKALIMANG KABANATA


IGINUHIT NA PANGARAP


Ikaapat na po't anim na Tagpo (B)


Kapwa nalasing na sina Ernie at Louie sa brandy na kanilang ininom. Nahiga na sa kanyang kama si Louie na ilang saglit pa'y nakatulog na naghihilik pa. Tumabi naman si Ernie at yumakap sa anak na si Jershey. Gaya ni Louie, ilang saglit pa'y naghihilik na rin si Ernie. Habang mahimbing na natutulog, may naulinigan si Ernie na isang magandang tinig ng babae na tinatawag ang kanyang pangalan.


"Ernie...Ernie...." anya ng isang malamyos na tinig.


Tila naaalimpungatan siyang dahan-dahang napadilat. Saglit na nakiramdam. Tinapik-tapik ang sarili. Tiniyak sa sariling di siya nananaginip. Patuloy niyang nauulinigan ang tinig ng isang babaing tinatawag ang kanyang pangalan."Ernie...Ernie...."


Nang matiyak niyang di siya nananaginip, dahan-dahang napabalikwas si Ernie sa pagkakahiga. Himbing na himbing pa rin sina Jershey at Louie sa pagkakatulog. Sa patuloy na pagtawag ng tinig, tila ref magnet itong humihila kay Ernie upang tumayo at hanapin ang pinagmumulan ng tinig. Tinungo ni Ernie ang pinto. 

Binuksan ang pinto habang patuloy niyang nauulinigan ang tinig ng babaing tumatawag sa kanyang pangalan. Tumambad sa kanyang harapan ang isang babaing napakaseksi na naka-two piece bikini at lutang na lutang ang mala-diyosang kagandahan sa kanyang mala-sutlang kutis.

Pilit na kinikilala ni Ernie ang mahiwagang babaing may takip sa mukha na tanging ang malalantik na pilik-mata at magagandang matang may dalang gayuma ang kanyang naaaninag sa sinag ng buwan sa kalangitan.


"Ernie...halika samahan mo ako..." habang nakalahad ang isang kamay ng mahiwagang babae na naghihintay na hawakan ni Ernie.


Walang nagawa si Ernie kundi sundin ang ipinag-uutos ng babae. Parang nahihipnotismo siya. Wala sa sariling naging sunod-sunuran na lang siya sa babae.


"Saan mo ko dadalhin?" tila wala sa loob na pagtatanong ni Ernie.


Nang mahawakan ng babae ang kamay ni Ernie, agad hinatak siya patakbo sa may swimming pool ng hotel. At sabay silang tumalon sa tubig at sumisid habang magkahawak ang tigisang kamay. At makalipas ang ilang sandali pa, kapwa umibabaw sa tubig na habol ang mga hininga. Sa pagsulpot nila sa ibabaw ng tubig, natangay ang tabing sa mukha ng babae, laking gulat ni Ernie nang makilala ang kanyang kaulayaw sa mga sandaling yaon."Arianne! " ang di-makapaniwalang tinig ni Ernie.


Sa kabiglaanan ni Ernie, bigla na lamang siyang siniil ng halik ni Arianne na parang uhaw na uhaw sa kanyang mga labi. Walang patumangga. Sabik na sabik! Tila kahoy naman na unti-unting nagliliyab na si Ernie. Tuluyan nang nadarang. Wala na sa sarili. Gumaganti na rin siya ng mga nagliliyab na mga halik. Kapwa wala na silang pakialam sa kanilang paligid.

Nang biglang may humatak na kamay sa buhok ni Arianne, mariin ang pagkakasabunot, galit na galit! Parang binuhusan nang malamig na tubig ang nag-aapoy na damdamin ng dalawa na kapwa namangha sa di-inaasahang pangyayari.


Di-malaman ni Ernie ang gagawin. Labis na nasorpresa si Arianne sa di-inaasahang panauhin.


LikeCommentShareWrite a comment...

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon