IKASIYAM NA KABANATA : AGAW-LIWANAG-AT-DILIM (TAGPO 92)

18 2 0
                                    

"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKASIYAM NA KABANATA

AGAW-LIWANAG-AT-DILIM

Ikasiyam-na-po't Dalawang Tagpo

Pagkatapos ng misa, inabutan ng sobre ni Ine si Padre Tinio at pinauwian pa ng handa na inilagay sa isang 'native' na basket na yari sa sawali. Pinauwian din ng handa si Dr. Montelibano na siyang-siya sa ginawang pag-estima sa kanya ng mag-asawang Ernie at Ine.

Matapos mabayaran ni Ine si Bennie, ang manager ng Inang Ko Po Catering Services, nag-impake na ang mga waiter. Pagkaalis ng catering services, umakyat na sina Ine, Althea, Jershey at Luisa sa 'renovated old house' at inakopa ang isang bakanteng silid para magpahinga. Sa dating kinapupuwestuhan ng silid na nasunog noon, duon naman pumasok ang mag-iinang Liling, Beet at Efren para magpahinga na rin.

Naiwan naman sa ibaba sina Ernie, Louie, Atong, Mang Damian at mga ka-tropang bikolanong trabahador sa balotan na masayang nagtatagayan, paminsan-minsang nagkakantiyawan at nagbibiruan habang nag-aawitan sa videoke. May umaawit nang solo-solo. May pumipiyok at mayroon namang sa taas ng tono, nabibilaukan kayat umuugong ang tawanan. Kadalasan, mga awiting puro kalokohan ng Big Three Sulivan ang kanilang sinasabayan hanggang sa sapitin na ng dilim ang mga nag-iinuman.

Nang makaramdam ng panunubig si Ernie, tumayo ito at tinungo ang cr sa may labas malapit sa pagawaan ng balot. Pagkatapos niyang umihi, nakatanggap siya ng text sa selfon niya. Kay Althea galing ang text at gusto siyang makausap.

Walang lingon-likod na dinaanan ni Ernie ang mga nag-iinumang magugulo na at pawang mga tumatalansik na ang mga laway sa kalasingan. Tinungo ni Ernie at inakyat nang pagewang-gewang ang malapad na hagdanan. Dinatnan niya si Althea na naghihintay sa kanya sa may sala.

"Althea...bakit may problema ba? ang pag-uusisa ni Ernie matapos maupo sa may sala na sabik na naghihintay sa sasabihin ni Althea.

"Iniwan na ko ni Adonis...tinangay pa si Aniway..." ang gumagaralgal ang tinig na pagsisiwalat ng ina ng kanyang anak na si Jershey.

"Nuong una...ok lang kami...akala ko nung pakasalan niya ko...tanggap na niya nang magkaanak ako sa iyo...'yun pala...lihim pala siyang nagseselos sa iyo...lalo itong lumala nung di ako makatiis na yakapin ka nung makaligtas ka sa kamay ng mga sindikato ng droga..." ang patuloy ni Althea na umiiyak na.

Ilang saglit na halos di-makapagsalita si Ernie sa kanyang narinig na 'revelation' ni Althea.

"Saka isa pa...nalaman na rin ni Jershey ang tungkol sa inyong dalawa nang mag-away kami ni Adonis...sinita niya ko...higit daw ang atensiyon na ibinibigay ko kay Jershey kaysa kay Aniway...palibhasa raw anak ko si Jershey sa iyo..." ang sabi ni Altheang labis na naghihinagpis.

"Ano ang sabi ni Jershey?" ang natatarantang tinig ni Ernie.

"Nagtatanong na siya...ikaw raw ba talaga ang Papa niya at hindi ang Papa Adonis niya..." ang paliwanag ni Althea.

"Ano ang sabi mo?" ang buong pananabik na tanong ni Ernie.

"Oo...sabi ko...ikaw ang kanyang ama...ang sabi niya sa akin...I am a liar! Sinungaling daw ako...hindi ko na alam ang gagawin ko Ernie..."ang naguguluhang nawika ni Althea.

"Gusto mo bang kausapin ko si Adonis....kung kinakailangang kausapin ko siya para magkaayos lang kayong muli...gagawin ko..."ang nasabi na lang ni Ernie upang payapain si Althea na ramdam na ramdam niya ang pagdurusa.

Walang ano-ano'y nabaling ang pansin nila sa lakas ng sigaw ni Liling.

"Ruperto! Ruperto!"

Mabilis na tutunguhin nila ang silid na kinaruruonan nina Liling, Efren at Beet. Aabutan nina Ernie at Althea sa loob ng silid na humahagulgol ng iyak si Liling habang inaalo nina Efren at Beet.

"Bakit anong nangyayari rito?" ang pag-uusisa ni Ernie.

"Nanaginip ako...kinukuha na ko ni Ruperto...isinasama na niya 'ko...huhuhu di ako pumayag...sabi ko di ko kayang iwanan ang mga anak ko...kailangan pa nila ako...nang di ako sumama...iniwan na niya ko huhuhu...." patuloy sa paghagulgol si Liling.

Humugos naman sa silid ang mga nagising na sina Ine, Luisa at Jershey.

"What's happening here?" ang nahihintakutang tinig ni Jershey.

Nang makita ni Althea ang anak, dadamputin ito at yayakapin nang mahigpit. Hihilig naman ito agad sa kanyang balikat. Di-makatitiis si Ernie. Hahaplusin sa likod si Jershey upang iparamdam ang pagmamahal niya sa anak.

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon