UNANG KABANATA : AANDAP-ANDAP NA ILAWAN (Tagpo 5)

153 8 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

UNANG KABANATA

AANDAP-ANDAP NA ILAWAN

Ikalimang Tagpo

Alanganing oras na ng gabi, di pa rin dalawin ng antok si Ernie. Nakaguhit sa kaniyang malikhaing imahinasyon ang detalyadong kaakit-akit na kariktan ni Ine na habang kanyang tinititigan ay lalong gumaganda. Ngiti palang ni Ine, para sa kanya'y isang masarap na ulam na. Di rin nakaligtas sa matalas na paningin ni Ernie ang magandang hubog ng pangangatawan ni Ine at ang ngiting pagkatamis-tamis ni Ine na parang may pambihirang mahikang taglay.

 Pinipilit niyang burahin sa isip ang magandang si Ine ngunit wala siyang magawa dahil nagsusumiksik pa rin ito sa isip niya. Kinapa niya ang relo sa bulsa niya at tiningnan niya kung anong oras na. Mag-aalas dos na ng madaling araw, gising pa rin siya. Kailangan pa naman niya ng lakas kinabukasan kasi kailangan naman niyang lumuwas sa Maynila, sa palengke ng Divisoria para mag-deliver ng balot na inorder ng kanilang mga naging kasuki roon.

Hanggang maisipan niyang buklatin ang kanyang 'wallet', inilabas ang 'calling card' na ibinigay sa kanya ni Ine. Tinunghayan sa card ang cp no. ni Ine na naka-highlight pa. Balak niyang tawagan ito. Ngunit nagdalawang isip siya kasi una, alanganing oras na ng gabi saka isa pa baka maistorbo niya ang mga katropang bikolanong kasama niyang natutulog sa ipinagawang silid ng Kuya Ruperto niya na isinudlong sa dati nilang lumang bahay na sadyang inilaan para sa kanyang mga trabahador at siya nga ay isinama na rito ng Kuya niya para magsilbing mata, tainga at bantay na rin ng kuya niya sa mga ito.

Nang biglang mag-vibrate ang kanyang selfon, mabilis siyang napabalikwas sa pagkakahiga. May tumatawag sa kanya. Napaisip siya. Sino kaya itong tumatawag sa kanya sa ganitong dis-oras ng gabi? Ang nagtatakang tanong ni Ernie sa sarili. Saka di niya kilala cp no. ng tumatawag sa kanya. Buti na lang at naka-silent ang cp niya. Tanging vibration lang ng cp niya ang nagbigay-pahiwatig sa kanya na may isa ring di makatulog na kaluluwang gising sa dis-oras ng gabi na kagaya niya na balisang-balisa. Minabuti niyang dahan-dahang tumayo at patingkayad niyang dinaanan ang mga bikolanong himbing na himbing sa pagkakatulog.

Ewan ni Ernie kung bakit parang kinakabahan siya kung sino ba itong tumatawag sa kanya sa dis-oras ng gabi.

Nang nasa labas na ng bahay nila si Ernie malapit sa kawayanan, huminto ang 'vibration' ng cp niya. Hinintay niya kung mag-vibrate ulit ito. Naisip niya kung 'emergency' ang tawag na ito, muli itong magba-vibrate. May labinlimang minuto rin siyang naghintay at nang mainip, naisipan niyang magbalik na ulit sa silid para matulog na. Sakto namang nag-vibrate ulit ang cp niya bago pa man siya nakapasok sa silid. Di na nag-aksaya ng panahon si Ernie at sinagot na ulit niya ang tawag.

"Hello, sino po ito?" ang usisa ni Ernie.

"Si Wonderwoman 'to!" ang sabi ng babaeng nasa kabilang linya.

"Ine, ikaw ba 'yan?" ang nag-aalinlangang tanong ni Ernie.

"Yes Superman! Si Ine nga ito na taga-Nueva Ecija..."ang sagot ni Ine na ayaw rin dalawin ng antok.

"Ikaw ha?" sabay tawa ni Ernie, "Nami-miss mo ko, 'no." Lalo pang nagtawa si Ernie.Biglang pinagpatayan siya ng cp ni Ine na tila di nagustuhan ang pambubuska niya.

"Ine...Ine....Wonderwoman! Anong nangyari? Bakit bigla ka na lang nawala sa linya?" ang di-mapakaling pagtatanong ni Ernie sa sarili.

"Saka isa pa...paanong nalaman niya ang cp no. ko, di ko naman ito naibigay sa kanya?" ang patuloy na pagmumuni ni Ernie.

Di-mapakali si Ernie. Parang nabitin siya. Labis siyang nagtataka kung bakit bigla na lang nawala ito sa linya. Nag-aalala siyang baka kung ano ang nasabi niya. Muli, tinawagan niya si Ine sa cp nito. Ngunit nakailang tawag na siya, di pa rin ito sumasagot.

"Di kaya napahiya siya o nainis sa ginawa kong pagbibiro sa kanya kaya pinagpatayan niya ko ng cp o baka naman napagalitan siya ng nanay niya o tatay niya kasi tumatawag siya sa lalaki ng dis-oras ng gabi...o di kaya may itinatago siyang lihim...tama baka may topak sa utak si Ine.." at kung ano-ano pang mga bagay tungkol kay Ine ang naglalaro sa isip niya. At isang mahabang buntong-hininga na lamang ang kanyang pinawalan sa kanyang dibdib na punumpuno ng pag-aalala kay Ine.

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon