"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"
Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
IKALIMANG KABANATA
IGINUHIT NA KAPALARAN
Ikaapat na po't limang Tagpo
Limang oras na ang nakalipas na nakatali pa rin ang magkasalikop na kamay nina Ernie, Ine at Luisa na naka-tape ang mga bibig sa loob ng bahay nang wala pa ring nakapapansin sa kanila ni isa man sa mga trabahador sa balotan na abala sa kanilang mga gawain. Kahit anong gawin ng mga biktima na makawala sa pagkakagapos, talagang sobrang higpit ng pagkakatali sa kanila.
Mga ilang sandali pa, nakarinig sila ng paghinto ng isang kotse sa tapat ng kanilang bahay. May narinig sina Ernie, Ine at Luisa na papalapit na yabag na pagpapatao-po patungo sa kanilang kinaruruonan.
"Tao po! Tao po!"
Tuloy-tuloy na papasok sa loob ng bahay ang mga nagpapatao-po, laking gulat ng mga ito nang makitang mga nakagapos sina Ernie, Ine at Luisa.
"Diyos ko! Mahabaging langit, ano nangyari sa inyo Tito Ernie, Tita Ine...Tita Luisa..." ang natatarantang tinig ni Louie na kasa-kasama si Arianne.
Kakalagin ni Louie ang pagkakatali ng magkakasalikop na kamay ng tatlo. Tutulong na rin si Arianne na di-makahuma sa nangyari.
At nang makalagan at matanggal na ang tape sa bibig nina Ernie, Ine at Luisa, saka pa lamang sila nakahinga nang maluwag.
"Buti na lang at nagsidating kayo..." ang nawika na lamang ni Luisa na pinagpapawisan nang ganggamunggo.
Mapapansin ni Ernie si Arianne.
"Buti Louie at nakasama mo si Arianne..." tanong ni Ernie.
"Nagpasama sa akin dito...gusto kayong makausap ni Ate Ine...magtatayo kasi siya ng Balotan Station sa Baguio..."paliwanag ni Louie.
"Musta ka na Arianne?" ang nakangiting pangungumusta ni Ine na tila biglang nakalimot sa traumang naranasan.
"Ok naman ako...kayo nga ang dapat kumustahin ko ni Ernie..." sabay sulyap kay Ernie na nag-aalala, "...ano ang nangyari sa inyo at dinatnan namin kayong mga nakagapos?"
"Naholdap kami..." maikling tugon ni Ernie kay Arianne na di pa rin makapaniwala sa kanilang sinapit.
"May mga natangay ba?" sabat sa usapan ni Louie.
"Three hundred thousand cash at mga alahas ang nakuha sa amin..." ang nanlalata't nanlulumong paliwanag ni Ine.
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
AventuraKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...