IKASIYAM NA KABANATA : AGAW-LIWANAG-AT-DILIM (TAGPO 98)

22 2 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKASIYAM NA KABANATA

AGAW-LIWANAG-AT-DILIM

Ikasiyam-na-po't Walong Tagpo

Laking pasasalamat ng mag-asawang Ernie at Ine na walang isa man sa kanila ang nakagat ng ahas. Nang makahinga na nang maluwag ang bawat isa, masayang nagpaalaman na sa isa't isa ang magpapamilyang Adonis, Ernie at Liling.

Nanumbalik na muli ang saya at ngiti sa magkapatid na Jershey at Aniway gayundin sa magkapatid na Efren at Beet. Masaya na rin sina Liling at Damian na kapwa natatawa na sa kagaganap na di-inaasahang pangyayari.

Malaunan, naging sentro na lamang ng bidahan at tampulan ng katatawanan ng mga nagsipagsimba ang paglitaw ng ahas sa bibingkaan.

Sa pagdaraan ng mga araw, parang sumusubong kawali ang negosyong pinagsosyohan ng magkakapatid na Ernie, Nena, Romy, Ben, Juancho, Sancho, Elmer, Susan at Ellen sa ilalim ng pamamahala nina Liling at Damian.

Lalo ring lumakas ang negosyo ng pagawaan ng balot nina Ernie at Ine sa Nueva Ecija na ipinagkatiwala muna nila pansamantala ang pamamahala kina Luisa at Atong.

Naging palasimba naman at madasalin ang mag-asawang Ernie at Ine na kapwa hinihiling sa Diyos na magkaanak na sila. Naging regular ang check up ni Ine at pagpapaalaga sa kanyang Ob Gyne. sa St. Lukes sa Maynila.

Matapos ang isang buwang pagja-jogging nila sa Padre Pio Subdivision, malaki na ang ibinawas ng timbang ni Ine gayundin ni Ernie.

Naging aktibo sa Couples for Christ ang mag-asawa na may basbas ng Simbahang Katoliko sa Baliuag. BIlang buhay na patotoo sa buhay-mag-asawa, madalas silang nakukuhang tagapanayam o 'speaker' sa mga seminar na itinataguyod ng samahan para sa mga mag-asawahan na may matinding suliraning pinagdadaanan sa kanilang buhay-mag-asawa. 

Naging bahagi na rin ng kanilang pananampalataya ang pagtulong sa kanilang kapwa. Sa patuloy na pagtaas ng bilihin, naging 'routine' na sa buhay nila ang pagbabahay-bahay sa mga mahihirap nilang kapitbahay para pagkalooban ng mga naka-repack na bigas, delata at iba pang uri ng pagkain gayundin ng mga pinaglumaan nilang mga damit, sapatos at iba pang kasangkapan sa bahay na maaari pang pakinabangan ng mga ito. Sa ganitong mga gawain, nakararamdam ng di-maipaliwanag na ligaya sina Ernie at Ine.

Habang abala sila sa mga gawaing pansimbahan at pansibiko, unti-unti na nilang inaayos ang mga papeles na kakailanganin nila sa pangingibang-bansa.

Dahil sa patuloy na paglago ng kanilang negosyo, naisipan na rin nilang ipabuwag at magpatayo ng bagong bahay na may dalawang palapag sa Nueva Ecija. Gusto kasi ng mag-asawang Ernie at Ine na bago sila mangibang-bansa, maiwan nila ang lahat ng kanilang iiwanan na nasa ayos na ang lahat.

Ilang araw pa ang lumipas, makikitang ipinabubuwag na ni Architect Mallari, ang kontratistang kausap ni Ernie, ang lumang bahay nina Ine at Luisa sa Nueva Ecija.

All reactions:4Grace Alon, Carolina Javier and 2 others

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon