IKASIYAM NA TAGPO : AGAW-LIWANAG-AT-DILIM (TAGPO 96)

16 2 0
                                    

"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKASIYAM NA KABANATA

AGAW-LIWANAG-AT-DILIM

Ikasiyam-na-po't Anim na Tagpo

Matapos niyang kausapin ang Diyos at ganap na isuko ang kanyang sarili, aminin ang kanyang mga pagkakasala, pakiramdam niya'y may mahiwagang liwanag na sumilay sa kanya, ramdam niyang may mga bisig na mahigpit na yumakap sa kanya habang naglalandas ang mga luha sa pisngi niya, di-namamalayan ni Ernie na nakatulog na pala siya sa loob ng silid. Hapon na nang magising siya. Tiningnan niya ang nakasuot na relo sa kamay niya. Saktong alas-singko ng hapon.

Ang sarap ng pakiramdam niya. Para siyang bagong tao nang magising. Nang siya'y bumangon, di niya maipaliwanag ang sayang humaplos sa puso niya. Nagbabalik sa alaala niya ang liwanag na sumilay sa kanya at ang mga bisig na bagama't di niya nakikita, ninanamnam pa rin niya ang mahigpit na pagyakap sa kanya habang lumuluha siya sa pagsisisi sa mga nagawa niyang kasalanan. Alam niya sa sarili niyang niyakap siya ni Hesus at ipinaramdam ng Dakilang Lumikha ang pagmamahal sa kanya.

At sa wakas, sa kauna-unahang pagkakataon ngayon lang siya nakatulog nang mahimbing. Kung nuon lagi siyang balisa at natatakot matulog sa pangambang baka dalawin na naman siya ni Arianne sa kanyang panaginip at dalhin na naman siya sa Paraisong Ginto, sa kauna-unahang pagkakataon, walang Arianne, walang Paraisong Ginto na gumitaw sa kanyang salamisim.

Ilang saglit pa, lumabas na si Ernie sa silid, Tinungo niya ang kusina at nagtimpla ng kape. Matapos na humigod ng kape, sumagi sa isip niya si Aniway gayundin si Jershey. Kumusta na kaya sila? Naisip rin ni Ernie na sana ok na ang mag-asawang Althea at Adonis. Napausal siya ng panalangin. "Diyos ko, hipuin mo po ang mga puso nila, paghilumin ang sugat at mabuo na muli ang kanilang pamilya."

Sakto namang dumating sina Ine at Atong na pawang masasayang nakangiti. Buong pananabik na sasalubungin ni Ernie ang mga nagsidating.

"Nakahahawa ang mga ngiti ninyo...para kayong tumama sa lotto...ano na ang balita?" ang bati ni Ernie.

"Ok na...lumabas na si Aniway? Biglang sumigla nang makita ang mag-inang Althea at Jershey?" ang masayang pagbabalita ni Ine.

Galing sa pagawaan ng balot, papasok si Luisa sa bahay na masayang makikibalita na rin at nakangiting tatapunan nito ng sulyap si Atong na kikindatan naman siya nang magtama ang kanilang mga paningin.

"Musta naman ang mag-asawang Althea at Adonis?" pag-uusisa ni Luisa.

"Ayun nang magkita ang mag-asawa, mahigpit na niyakap ni Dr. Adonis si Althea at humingi ng patawad..." ang nakangiting pagkukuwento ni Atong, "...para ngang may shooting ng teleserye hehehe kinilig pa yung nars na nagbabantay roon..."

"Buti naman...thanks God!" ang nasambit na lang ni Ernie.

"Pagkalabas ng ospital, pinakain pa kami ni Dr. Adonis sa labas...masaya na ang lahat...lalo na sina Aniway at Jershey na masayang-masaya sa pagbabating muli nina Althea at Adonis..." ang pagduduklay pa ni Ine.

Masayang-masaya rin nuong oras na yaon si Ernie. Sadyang marunong ang Diyos sa lahat. "Pagsapit ng dilim sa buhay mo, magtiwala ka lang at manalig sa Kanya, ibibigay Niya ang liwanag na hinahanap mo!" ang nawika na lamang ni Ernie sa kanyang sarili.

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon