IKAPITONG KABANATA : ALIMAOM (TAGPO 84)

20 2 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKAPITONG KABANATA

ALIMAOM

Ikawalumpo't Apat na Tagpo

Bagong Taon na! 

Sa loob ng maluwang na bakuran, masayang nagkakatipon-tipon ang magkakapatid ng Pamilya Santos kabilang ang kani-kanilang pamilya. Naroon din sa pagtitipon ang pami-pamilya ng mga trabahador sa pagawaan ng balot. May kani-kaniyang malalaking bilugang mesa ang kinalulugaran ng bawat pamilya. Tuwang-tuwa ang mga bata gayundin ang mga matatanda sa ginagawang pagmamadyik at pagpapatawa ng dalawang bayarang magician. 

Masayang-masaya si Ate Luisa na nanonood nang lapitan ni Mang Damian at iabot ang isang "bouquet of flowers" na idiniliver ng isang rider. Kasama niya sa mesa sina Ine, Ernie, Nena, Romy, Susan, Ellen, Elmer, Ben, Juancho at Sancho na pawang nalilibang sa kanilang pinapanood. 

Kahalubilo rin ni Ate Luisa sina Atong at Louie na parehong sagad ang ngiti nang natanaw ng mga ito ang pumpon ng mga bulaklak na iniabot ni Mang Damian.

"Idiniliver po ng rider sa labas...ipinabibigay po sa inyo..." ang sabi ni Mang Damian.

Aabutin ito ni Ate Luisa. Tulad ng dati, titignan niya sa card kung sino ang nagpadala. Pasimpleng mangingiti si Luisa at kikiligin habang binabasa ang nakasulat sa card: Dear Luisa, "HAPPY NEW YEAR!" Love, Pusong Umiibig!"

 Huling-huli ni Atong ang pagngiti ni Luisa gayundin ni Louie.

"Uyyyy Tita Luisa....ang sarap ng may nagmamahal no? Hehehe..." ang panunudyo ni Louie.

Pairap na titignan ni Ate Luisa si Louie.

"Sana ako na lang 'yung bulaklak..." ang palipad-hangin naman ni Atong.

Maaagaw ang pansin ni Ate Luisa sa patutyada ni Atong.

"Bakit naman?" panunukso ni Louie.

 Mangingiti naman ang magkakasama sa mesa habang nakikinig sa usapan ng dalawa.

"Kasi...para ako na 'yung hinahaplos-haplos ni Luisa..." ang tugon ni Atong na nakangiti sa panunukso ni Louie. 

"Hahaha boom...boom panot!" ang nagtatawang reaksyon ni Louie.

Makikitawa na rin ang mga kahalubilo nila sa mesa. Mapipikon si Ate Luisa. Ibabalibag ang pumpon ng bulaklak kay Louie. Magwo-walk-out.

"Mga buwisit kayo!"

Matitigilan ang lahat. Susundan ni Atong si Luisa. Nang malayo na sila sa umpukan, kakausapin ito ni Atong.

"Luisa...galit ka ba sa akin?"

"Bakit naman ako magagalit sa 'yo? Ayoko lang nang tinutukso ako!""A, ok...sorry ha?"

Kapwa magtatama ang paningin nina Atong at Luisa. Binabasa kapwa ang nasa isip ng bawat isa.

Sa umpukan, nabigla rin si Ine sa inasal ng Ate Luisa.

"Louie, 'wag mo nang bibiruin ang Tita Luisa...alam mo naman...pikon 'yun..." ang pagpapaalala ni Ine kay Louie na nawalan ng kibo.

"Opo Tita Ine...di na po...mauulit..." maagap na tugon ni Louie.

Maya-maya pa, babalik na ulit si Ate Luisa sa umpukan na nakasimalmal. Tahimik ang lahat. Walang kumikibo. Susunod na rin si Atong. Tahimik na mauupo rin sa dating upuan.Sa paglipas ng mga sandali, naging masaya ang lahat. May mga games na sinalihan ang bawat pamilya. May Pinoy Henyo, Trip to Jerusalem, Paputukan ng Lobo, Hampas-Palayok. Maraming mga papremyong ipinamigay ang magkakapatid na Santos sa bawat palaro at pa-raffle gaya ng electric fan, gas stove, microwave-oven, e-bike at refrigerator.

Naglulundag sa sobrang tuwa si Liling nang mabunot ang kanyang pangalan para sa grand prize na Php 100,000.00. Ganon na lamang din ang pagbubunyi ng magkapatid na Beet at Efren sa pagkapanalo ng ina sa grand raffle.

Bago sumapit ang alas-dose ng gabi, dumating ang mag-asawang Althea at Adonis, akay-akay nila sina Jershey at Aniway. Pagmamanuhin ni Althea ang mga anak sa mga dinatnan. Susunod naman ang mga ito. Sabik na yayakapin ni Ernie ang anak na si Jershey."Oy ang laki na pala ni Aniway...ngayon mo lang siya dinala rito...ang ganda-ganda naman...kamuhang-kamukha ng Papa Adonis niya,,," ang bati ni Ine.

"Naku ayaw mawalay sa Lolo Erwin niya...mula nang matalo sa eleksyon si Papa...gustong laging kasama ang apo na 'yan..." paliwanag naman ni Althea.

Pagkalipas pa ng mga ilang sandali, nagpalitan na ng mga regalo sa isa't isa ang Pamilya Santos. Masayang-masaya sina Liling, Beet at Efren nang isa-isa silang inabutan ng regalo at pagyayakapin ng magkakapatid na Santos.

Nang sumapit na ang alas-dose ng gabi, sama-samang pinanood nila ang malaking pailaw (fire-crackers) na inihanda ng mag-asawang Ernie at Ine. Maririnig ang sunod-sunod na putukan sa paligid. Parang bata namang mapapatalon si Ate Luisa."Yeheyyyy! Bagong Taon na! Bagong Taon na..."

Wala sa loob na mapapayakap si Luisa kay Atong na nabigla sa di-inaasahan ngunit saglit lang 'yun, sa kanilang pagbibitaw sa pagyakap na kapwa nagkagulatan pa, mapapasigaw na rin si Atong na mapapatalon pa sa sobrang tuwa na parang nanalo sa lotto.

"Bagong Taon na yuhoooo! Putukan na!!!"

Mangha-mangha sa pailaw ang lahat lalo't gumuhit sa kalangitan ang mga nagniningning na malalaking letrang ganito ang isinasaad "MASAGANANG BAGONG TAON SA LAHAT". Di-magkamayaw sa hiyawan at palakpakan ang ANGKAN NG SANTOS KABILANG ANG PAMI-PAMILYA NG MGA TRABAHADOR SA PAGAWAAN NG BALOT! May tumatalon sa tuwa! May magkakaakbay. May nagyayakapan. May umiihip ng torotot! Nag-uumapaw sa kasiyahan ang lahat!

All reactions:5Abet Polintan, Dalia Delrosario and 3 others

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon