"MAGHINTAY KA LAMANG... AKO'Y DARATING"
Kathang Nobela ni Zampagita ng Azul
IKALAWANG KABANATA
NAGHIHINTAY NA KAPALARAN
Ikadalawampo't tatlong Tagpo
Sakay sa harap ng isang tumatakbong pampasaherong dyipni si Ernie, abala ang kanyang mga mata sa pagmamasid sa mga nasirang bubong, sa mga taong abalang-abala sa mga nasira nilang tahanan na dulot ng bagyong nagdaan. Nang sumapit siya sa San Agustin sa Hagonoy, bumaba siya, naglakad at nang nakarating sa bahay ng Ate Nena niya, napansin niya agad ang nakabuwal na puno ng sampalok sa may harapan ng bahay. Makailan siyang tumawag ngunit ni isa man sa Ate Nena niya o bayaw na si Rico o ni isa man sa mga pamangkin niya ay walang isa man sumalubong. Nakapasok na siya sa loob ng bahay, ni isa man sa mga ito ay wala siyang natagpuan.
Malungkot siyang pupuwit-puwit na umalis. Bitbit ang labis na pag-aalala, balak pa naman kausapin ni Ernie ang kanyang Ate Nena para maghinga ng sama-loob tungkol sa kanyang matinding naging hinanakit sa Kuya Ruperto niya.
Nang may magdaang pampasaherong dyipni patungong Malolos, sumakay agad siya. Pagkababa sa Malolos, nakasakay naman agad siya sa isang pampasaherong dyipning diretsong Baliuag. Habang tumatakbo ang sasakyang sinakyan ni Ernie, iniisip niya kung may magandang bukas pa bang darating sa buhay niya lalo ngayong walang lingon-lingong umalis siya sa poder ng kanyang Kuya Ruperto na punumpuno ng sama ng loob.Paano pa siya ngayon babalik sa pagawaan ng balot ng kanyang Kuya Ruperto? Nag-aalala siyang baka kung bumalik siya ay pagtulungan siyang itaboy ng Kuya Ruperto niya at ng kanyang masama ang ugaling hipag na si Liling. Na sa ganito siyang pag-agam-agam nang sumagi sa isip niya ang pamangking si Louie.
Pagsapit ni Ernie sa Baliuag, buo na pasiya niya, kakausapin niya si Louie, makikibalita siya tungkol sa naging saloobin ng kanyang Kuya Ruperto sa ginawa niyang paglalayas at di-pagpapakita sa loob ng dalawang linggo.
Hinanap agad niya si Louie. Sakto namang nagkakape sa harap ng isang maliit na bahay kubo niya si Louie nang datnan ni Ernie. Gulat na gulat na nakita siya ni Louie na nanlalaki ang mata na parang nakakita ng multo.
"Tito Ernie...ano bang nangyari sa iyo...ang tagal mong nawala," ang nagtatakang bati ni Louie.
"Naku, alam mo ba? Galit na galit sa iyo si Tito Pert at alam mo na, ang hipag mong kontrabida na si Liling!" ang tuloy-tuloy na pagbabalita ni Louie.Malungkot na mauupo si Ernie sa upuang akasya sa harap ng bahay."Oo nga...nagkatampuhan kami ni Kuya Ruperto...ngayo'y nagsisisi ako...wala akong ibang alam na hanapbuhay kundi ang balotan...kung may kapital lang sana ko...di na ko babalik duon at magsasarili na lang ako..." ang buong pagsisising nasabi ni Ernie sa pamangkin.
"San ka ba nagtago? Ang tagal mong nawala...ang naisip ko'y nasa Jaen, Nueva Ecija ka...at duon ka nakituloy kina Ate Ine." ang pag-uusisa ni Louie."Mahabang istorya...saka ko na lang sa iyo ikukuwento!" ang malungkot at punompuno ng pag-aalalang nasambit ni Ernie.
"Malamig na kaya ang ulo ni Kuya?" ang tanong ni Ernie na waring sinusukat ang sasabihin ng pamangkin.
"Si Tito Ruperto madaling kausapin 'yon...alam mo naman, galit titi lang 'yon!" ang mabilis na pagtugon ni Louie.
"Ewan ko lang kay Tita Liling...di lang mahaba ang sungay noon kundi pati buntot...sobra ang pagka-demonyita!" ang dugtong pa ni Louie.
"Talagang gano'n...kung gusto mong bumalik sa trabaho...lunukin mo ang buong 'pride' mo!"
Tahimik lang si Ernie. Pinag-iisipang mabuti ang mga sinasabi ng pamangkin. Ilang saglit pa, nang makapag-isip, tumayo na.
"Sige, bahala na...subukin kong kausapin ang Kuya..." ang namutawi na lang sa labi ni Ernie.
"...'yun lang tatagan mo lang! ...'lam mo na ang ibig kong sabihin!" ang huling sundot na paalala ni Louie sa amain.
Mabigat ang mga paang lumakad si Ernie pauwi na sa kanilang lumang bahay. Dinatnan niya ang kanyang Kuya Ruperto sa balotan na abala sa pagtutuos sa mga kinita at mga nagastos sa pamumuhunan sa balotan. Nang magtama ang kanilang paningin, unang nagsalita si Ruperto.
"Tamang-tama ang pag-uwi mo...ayan makukuha mo na lahat ng damit na ipinundar mo!" sabay turo ni Ruperto sa mga iginayak na bag ng mga damit ni Ernie.
"Bakit Kuya pinaaalis mo na ba ko? Di mo ba ko mabibigyan ng isa pang pagkakataon...gusto ko sanang bumalik sa trabaho ko..." ang nakikiusap na tinig ni Ernie."Huwag ako ang kausapin mo...ang Ate Liling mo...madali akong kausap...ang Ate Liling mo lang ang problema," ang mabilis na tugon ni Ruperto.
Sa darating si Liling na nakataas ang kilay habang ang kaliwang kamay ay nakapamaywang at ang kanang daliri'y nakaturong galit na galit sa kanya."Ang lakas ng loob mong umalis...ngayon ang lakas ng loob mong magbalik! Anong ipinagmamalaki mo? Kaya mo nang tumayo sa sariling mga paa mo! Ayan, iginayak ko na ang mga gamit mo...maaari ka nang umalis!" ang nagmamatigas na tinig ni Liling.Di-tumitinag si Ernie. Tinanggap na lahat ang panlalait ng hipag. Nanginginig ang laman niya ngunit pilit na ipinapanatag ang sarili. Nang matapos sa pakikinig sa masasakit na salitang binitiwan ng hipag, nagsalita nang mahinahon si Ernie habang pinipigil ang tinitimping damdamin.
"Huling pakiusap na ito Ate Liling...kailangan ko lang talaga ng trabaho... pag sa tingin mo'y nagkamali uli ako...huwag mo na kong tanggapin! Huling pakiusap na ito...parang awa mo na..." ang buong pagpapakumbabang pakiusap ni Ernie.
"Sige...pagbibigyan kita...huling pakiusap mo na ito...kapag inulit mo pa uli ang iyong paglalayas...kahit lumuha ka pa ng bato, di na kita tatanggapin. Itaga mo 'yan sa bato! Lumuhod ka! At mangako na di mo na uulitin 'yan!" ang pagmamatigas ni Liling.Gumuho ang lahat ng katatagan ni Ernie. Dahan-dahan siyang napaluhod na nakatakip ang dalawang palad sa mukhang lumuluha sa harap ng demonyitang si Liling habang napipilitang humingi ng patawad sa isang kasalanang kailanman ay di maituturing na kasalanan. Biktima lamang si Ernie ng isang masamang kapalaran.
All reactions:2Rachelle Bautista Mijares and Charet B. Monsayac
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
AdventureKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...