IKAANIM NA KABANATA : BUWAYA SA DAGAT NG BUHAY (TAGPO 61)

30 3 0
                                    



''MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKAANIM NA KABANATA

BUWAYA SA DAGAT NG BUHAY

Ikaanim-na-po't isang Tagpo

Sa ospital na nagkamalay si Ernie, sa pagdilat ng kanyang mata, isang maputing tsinitang nurse ang kanyang nasilayan.

"Saan ako naroroon?" ang unang namutawi sa bibig ni Ernie.

"'...'wag po kayong mag-alala...nandito po kayo sa Castro Hospital...bumagsak po ang potassium n'yo sa katawan..." ang paliwanag ng nurse.

"Sinong naghatid sa akin rito?" usisa ni Ernie.

Sa saktong papasok naman si Ruperto Cruz Santos III na nakasuot ng puting polo barong na nang maulinigan ang pagtatanong ni Ernie ay nilapitan niya agad ito.

"Ako ang nagdala sa iyo rito Ernie..." ang maagap na sagot ng kanyang kapatid sa ama.Lalabas na ang nurse upang asikasuhin naman nito ang ibang pasyente."Kilala mo 'ko?' ang nagtatakang tinig ni Ernie.

"Oo matagal na...naikuwento sa akin ni Inang nuong nabubuhay pa na may mga kapatid ako sa ama....naikuwento ka rin sa akin ng Ninong Anchong mo na kasama kong naghatid sa iyo rito sa ospital nang matagpuan ka naming walang malay malapit sa mansion ni Kapitan Anchong at mahigpit na ipinagbilin ka sa aking bantayan at bayaran kung anuman ang magiging gastusin mo sa ospital..." ang sunod-sunod na pagpapaliwanag ni Ruperto Cruz Santos III.

Natigalgal si Ernie. May parang kung anong bumikig sa lalamunan ni Ernie bago siya nakapagsalita. Naroon ang pananabik na makilala ang kapatid sa ama.

"Bago mamatay ang Tatang....pinahanap ka niya sa akin...sabihin ko raw sa iyong mahal na mahal ka niya at ihingi ko raw siya ng tawad sa iyo...ang tanging naging pagkukulang ay di niya naipagtapat sa aming ina ang tungkol sa iyo sa takot niya na magkagulo sa aming pamilya..." ang punumpuno ng damdaming nasambit nang paputol-putol ni Ernie sa kapatid sa ama.

Nahalata ni Ernie ang matinding kirot sa puso na naramdaman ng kanyang kapatid sa ama nang ito ay magsalita na.

"Huli na Ernie para kilalanin ko pa siyang ama. Namatay si Inang na matindi ang hinanakit sa iyong ama. Ginagawa ko lang ang lahat ng ito dahil kay Kapitan Anchong na naging kababata at kaibigan ni Inang...si Kapitan Anchong na nagpalaki at tumulong sa akin para magkaroon kami ng masaganang pamumuhay ni Inang...ikinalulungkot ko...kailanman...di ko mapapatawad ang iyong ama!" at iyon lang at nanulay na sa pisngi ni Ruperto Cruz Santos III ang pinipigilang luha.

Matapos bumulagnos ang tinitimping damdamin, mabilis na tumalikod ang kanyang kapatid sa ama, papalabas ng silid.

Hindi nakakibo si Ernie. Lalong luminaw sa isip ni Ernie na si Kapitan Anchong ang dahilan ng pagtakbo ng kanyang kapatid sa ama para siguraduhing matatalo sa eleksyon ang kanyang Kuya Pert.

Napaisip si Ernie, di kaya ang Kuya Ruperto naman niya na gagawin ang lahat ng paraan para manalo sa halalan ang nagpadala ng kabaong sa Ninong Anchong niya. Biglang pumasok din sa isip niya, sino naman kaya ang nagpadala ng kabaong sa kanya? Lalo siyang nagulumihanan.

Sa papasok si Ine kasunod si Luisa sa loob ng silid, alalang-alalang lalapitan ni Ine ang asawa.

"Musta na Ernie ang lagay mo? Tumawag ang Ninong Anchong...ang sabi sa akin narito ka raw sa ospital...Diyos ko naman kasi...ang tigas-tigas ng ulo mo..." ang tinig ni Ineng balisang-balisa.

"Ok na ko..." ang maluha-luhang tinig ni Ernie na di pa rin maalis sa isip ang madamdaming tagpong paghaharap nila ng kanyang kapatid sa ama.


All reactions:1Maria Digna Ramos

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon