IKATLONG KABANATA : MAY BUKAS PA BANG DARATING? (Tagpo 25)

90 2 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG...

DARATING AKO"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagita Azul

IKATLONG KABANATA

MAY BUKAS PA BANG DARATING?

Ikadalawampo't limang Tagpo

Matapos manalangin sa Quiapo, nag-aya si Ernie sa isang mumurahing restawran. Habang kumakain, abot ang daldal ni Louie.

"Tito Ernie, paano ngayon 'yan? Gabi na tayong makakauwi niyan sa Baliuag...alam mo na, baka magalit si Donya Liling at ang Kuya Pert mo, " ang pag-aalala ni Louie.

"Sino si Donya Liling?" usisa ni Luisa.

"'Yun pong hipag ni Kuya Ernie na sobrang bait!" salo ni Louie na halatang nagbibiro.

"A ganon ba?" ayon naman ni Luisa.

"Opo sobrang bait n'on...mahal na mahal po ni Donya Liling si Tito Errnie...pag nagkakamali po si Tito Ernie...sinasabon po mula ulo hanggang paa!" ang dugtong pa ni Louieng nagbibiro.

Matatawa naman si Luisa. Sa mga mata ni Ine, bakas ang pag-aalala.

"Gawa na lang tayo ng alibi...sabihin na lang nating nasiraan tayo ng sasakyan...", ang sabi ni Ernie.

"Galing talaga ng Tito Ernie ko...kaya sa iyo ko, madiskarte!" agad na tugon ni ELouie. Sumabat si Ine sa usapan, tinanong si Ernie kung paanong nabasa ang cp niya at kung bakit sa loob halos ng dalawang linggo, di man lang siya nakagawa ng paraan na mai-message siya.

Nagsimula nang magkwento si Ernie kung paanong nag-away sila ng Kuya Ruperto niya hanggang sa magkita sila ni Atong na dating kaklase niya nuong elementary days at magkainuman sa kasagsagan ng Bagyong si Egay. Ikinuwento rin niya kung paano siya nakarating sa Hagonoy at sagipin sa pagkalunod ni Althea at kupkupin sa loob ng dalawang linggong walang tigil ang buhos ng malakas na ulan. Tanging 'yung namagitang sekswal sa kanila ni Althea ang sinadya niyang di-banggitin.

Nang marinig ni Ine kung paanong iniligtas ni Althea ang buhay ni Ernie at sa ginawang pagkupkop nito sa kanyang kasintahan, labis na humanga si Ine sa kabutihang-loob ni Althea.

"Sobrang kay buti ni Althea. Ernie, gusto ko siyang makilala para personal na makapagpasalamat sa kanya sa ginawang pagliligtas sa buhay mo...salamat Diyos ko at may isang katulad ni Althea...kung nagkataon, na balo na pala ko nang di pa tayo nakakasal man lang!" ang masayang reaksyon ni Ine sa kwento ni Ernie.

Natuwa si Ernie sa naging reaksyon ni Ine. Kahit paano, nabawasan na ang agam-agam sa puso niya.

Walang ano-ano'y may tumatawag sa selpon na bigay ni Althea kay Ernie. Kinabahan si Ernie nang mag-appear sa screen ng cp niya ang pangalan ni Althea. Di niya malaman kung sasagutin ba niya o papatayin na lamang ang cp niya na bigay ni Althea.

"Sino tumatawag? Bakit di mo sagutin? ang sabi ni Ine.

Lalong nataranta si Ernie sa tanong ni Ine. Hinayaan na lang niyang mag-ring nang mag-ring ito hanggang sa huminto na lang nang kusa.

"Sino ba 'yung tumatawag sa iyo at di mo na sinagot?" ang usisa ulit ni Ine.

Matamang nakikinig naman sina Luisa at Louie.

"Si Donya Liling..." ang natatarantang nasabi na lamang ni Ernie.

Nagkatinginan sina Ine, Luisa at Louie na nagtatawanan.

"Ang bagsik talaga ni Donya Liling!" ang sundot na 'punchline' ni Louie.

Lalong nagtawanan ang magkapatid na Luisa at Ine. Nakitawa na rin si Ernie.

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon