"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"
Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
IKAAPAT NA KABANATA
KUKUTI-KUTITAP NA BITUIN
Ikatatlumpo't limang Tagpo (C)
Naghihintay ang lahat sa magiging katugunan ni Padre Tino kung ipagpapaliban muna ang kasal o itutuloy na.
Sa isang sulok, abalang-abala pa rin si Louie sa kanyang pagbibidyo.
Pinakiramdaman muna ni Padre Tino ang kanyang sarili kung kakayanin niya. Maya-maya'y matikas na tumindig na ito at nagbiro pa. Napangiti naman sa tuwa ang ninang na si Aling Magda. Napapatingala naman si Kapitan Anchong habang minamasdan ang papatak-patak na tubig-ulan sa bubong na pawid ng lumang bahay.
"Malakas pa ko sa kalabaw! Tuloy ang kasal!" ang nakangiting tugon ni Padre Tino."Yes Lord! Yesss!" ang napabulalas na hiyaw ni Ine na nag-uumapaw sa kaligayahan.
Di-magkamayaw ang hiyawan sa loob ng lumang bahay.
"Tuloy ang kasal!" ang dugtong ng best man na si Atong.
"Yes! Yes!" ang sigaw ni Altheang tuwang-tuwa rin sa sinabi ng pari. At nagsunuran na rin kay Althea ang iba pang panauhin.
"Yes! Yes! Yesssss!" Masayang-masaya ang lahat. Di-magkamayaw ang nararamdamang kasiyahan ng lahat na kanya-kanyang bulungan at anasan. Di-alintana ang malakas na ulan na kagagawan ng bagyong si Hannah. Maya-maya pa'y dumarami na ang pinanggalingan ng patak na nanggagaling sa maliliit na butas ng bubong na pawid ng bahay. Kapansin-pansin ang mahigpit na pagkakayap ni Jershey kay Dr. Adonis, na anak ni Ernie kay Althea. Masusulyapan ito ni Ernie na makararamdam ng kirot sa puso ngunit pipiliting labanan ang kanyang pusong amang nasasaktan.
Hinahanap ni Ernie sina Ruperto at Liling na wala roon sa ginaganap na kasalan kung kayat naisip niya na marahil, iniiwasan ng mga ito na makaharap ang mga kapatid na nakatampuhan. O, abala sa ibaba na binabantayan ang mga bikolanong trabahador sa balutan.
Mapapansin ni Padre Tino ang mga unti-unti nang nababasang mga panauhin ngunit papayapain niya ang kalooban ng mga ito.
"Huwag kayong mag-aalala...uulan ng maraming biyaya bukas!"
At ipagpapatuloy na niya ang naantalang kasal.
"Ine, tinatanggap mo ba ng buong puso at buong katapatan..."
"Opo Father! Opo Father!" ang nag-aapurang sagot ni Ine.
"Hindi pa ko tapos Ine...patapusin mo muna ko," ang mahinahong sabi ni Padre Tino.Di-maiwasang mapatawa ang ilan.
"Inuulit ko Ine, tinatanggap mo ba nang buong puso at buong katapatan si Ernie na iyong mapapangasawa. Di ka ba niya pinilit o tinakot man lang para maganap ang kasalang ito. Inuulit ko, tinatanggap mo ba nang buong puso at buong katapatan si Ernie bilang kabiyak ng iyong puso."
"Opo Father! Opo!"
"...pumapayag ka ba na makasama si Ernie habambuhay, sa hirap man o ginhawa, sa buhay man o kamatayan!"
Opo Father! Opo!"
"Ikaw naaman Ernie...tinatanggap mo ba nang buong puso at buong katapatan si Ine at nahahanda ka bang makasama siya habambuhay bilang iyong kabiyak?"
"Opo Father!"
Noong mga oras na iyun, pilit na nilalabanan ni Althea ang kanyang nararamdaman. Kahit paano nagkaroon na rin ng pitak sa puso niya si Ernie. Ipagpapatuloy ng pari ang kanyang pagtatanong kay Ernie.
"Handa ka bang makasama si Ine sa hirap man o ginhawa, sa buhay man o kamatayan?""Opo Father!"
"Tapos na ang kasal. Ang pinagsama ng Diyos, habambuhay nang magkasama, di-kailanman maaaring paghiwalayin ng tao...sa hirap man o ginahawa, sa buhay man o kamatayan, you may now kiss the bride!"
At buong tamis at banayad na dadampian ng halik ni Ernie sa labi si Ine na gaganti naman ng halik bilang ganap na mag-asawa na sa harap ng mga saksing dumalo sa kasalan.Nang biglang kabagan ang pari sa alimuom ng panahon. Di na niya napigilan na mautot nang pagkalakas-lakas. Ganon na lamang ang tawanan ng mga panauhin sa kasalan, kabilang si Altheang di rin napigilan ang sarili na inihit sa katatawa-tawa. Gayundin si Louie, na di-maubos-ubos ang tawa. Pinamulahan ng pisngi si Padre Tino. Hinayaan na lang muna na dahan-dahang humupa amg malakas na tawanan saka nagbiro.
"Ito kasing sina Ernie at Ine, ayaw paawat. Kaya ayun, napalakas ang busina ng aking silbato!"
At muli napatawa ulit si Althea sa ginawang pagbibiro ng pari gayundin ang iba na nasunod na sa pagtawang muli. Sa di-inaasahan, sumakit ang tiyan ni Althea, sumunod nuo'y tinagasan na ito. Maingat na Ibinaba ni Dr. Adonis si Jershey at mabilis na pinangko ang asawa. Nag-iiyak naman si Jershey na di-malaman ang gagawin.
"What is happening to my mommy...mommy?" sabi ni Jershey na labis na nag-aalala sa ina. Lalapitan ni Ernie si Jershey at kikilikin ang bata.
"Don't worry anak...your mommy will be fine..." ang bugso ng pusong ama na nasambit ni Ernie.
"Diyos ko, manganganak na ata ako..." ang lumuluhang pagpapalahaw ni Althea.
"Paraanin nyo kami...kailangang madala ko sa ospital ang asawa ko..." ang sigaw ni Dr. Adonis habang kalong-kalong ang asawang si Althea, papalabas ng pinto ng lumang bahay. Mabilis namang nahawan ang landas sa pagtabi ng mga tao na mangha-mangha sa mga pangyayari, Sinunod ni Ernie ang anak niya kay Althea habang kilik-kilik. Alalang-alala na ring napasunod si Ine. Napa-antada na lamang si Padre Tino na naruon ang kasamang sakristan na nag-aalala rin habang inaalayan ang pari.
All reactions:6Susana Melon Galvez, Herman Manalo Bognot and 4 others
![](https://img.wattpad.com/cover/354144529-288-k906745.jpg)
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
AdventureKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...