"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"
Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
IKAAPAT NA KABANATA
KUKUTI-KUTITAP NA BITUIN
Ikatlumpo't anim na Tagpo (C)
Kabababa palang sa hagdanang tabla ng lumang bahay sina Ernie at Ine nang marinig nila ang malakas na pagbagsak sa sahig ni Liling. Napatingin sa isa't isa ang mag-asawa na nakaramdam ng kakaibang kaba sa dibdib. Di na nagdalawang isip ang mag-asawa at mabilis silang nagbalik sa loob ng lumang bahay upang alamin kung may masamang nangyari kay Liling.
Napatingala naman sina Atong at Louie na nag-uusap sa ibaba nang marinig nila ang nagpapalahaw sa galit na si Liling at walang anu-ano, kasunod nuo'y isang malakas na pagbagsak sa sahig ang kanilang narinig. Nang umakyat na muli ang mag-asawang Ernie at Ine, napasunod rin sina Atong at Louie.
Sa pagpasok nina Ernie at Ine sa sala, natunghayan nila ang nakatimbuwang na si Liling na umuungol at napansin nila ang dugo sa may noo nito. Gulat na gulat rin sina Atong at Louie nang makita si Liling na nakahandusay sa sahig at patuloy na umuungol at tila wala sa sarili habang may sariwang dugo sa ulo na nanunulay sa pisngi.
Di na nagdalawang-isip si Ernie, ang kanyang pagkagalit sa hipag ay nahalinhan ng pagkaawa, kaya't mabilis na pinangko ito.
"Tulungan n'yo ako...dalhin natin sa pinakamalapit na ospital si Ate Liling," ang sabi ni Ernie na napatutulong kina Atong at Louie.
Tumulong agad sina Atong at Louie. Habang ibinababa sa hagdanan ng tatlo si Liling, kasu-kasunod na si Ine. Sabay sakay sa pampasaherong dyipni kay Liling. Nabulahaw ang mga trabahador sa balutan, may ilang napalabas na nag-usyuso.
"Ano bang nangyari kay Aling Liling? Bakit may dugo sa noo? Sa'n nila dadalhin?" ang nag-aalalang sabi ng isang trabahador.
"Di kaya nabagok ang ulo?" ang pakli nung isa.
Mabilis na pinatakbo ni Atong ang sasakyan, lulan si Liling na nakasandal sa bisig ni Ernie habang inaalalayan ni Ine. Patuloy na umuungol si Liling na tila wala na sa katinuan."Ate Liling, ano ba nararamdaman mo?" ang tanong ni Ine na labis na nag-aalala.
Walang tugon si Liling, Puro ungol lang ang maririnig sa kanya. Mga ilang saglit pa, ang papahinang ungol ni Liling ay tuluyan nang nawala.
"Diyos ko...di na umuungol ang Ate Liling...Diyos ko, patay na ata ito?" Tatapik-tapikin ni Ine sa pisngi si Liling. Parang wala ng pakiramdam ito. Pupulsuhan niya si Liling. Pumipintig pa naman ang pulso nito.
"Huwag kang mamamatay Ate Liling...kailangang mabuhay ka," ang usal ni Ine.
Di rin malaman ni Ernie ang gagawin. Bakit nakokonsensiya pa siya gayong nilalait-lait pa nga siya ng kanyang hipag na mula pagkabata niya, di man lang niya naramdaman na tinarato siyang kapamilya nito. Iniisip niya, ano ang sasabihin niya sa Kuya Ruperto niya kapag nagharap na sila nito?
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
AventuraKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...