IKAANIM NA KABANATA : BUWAYA SA DAGAT NG BUHAY (TAGPO 52)

35 2 0
                                    

"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKAANIM NA KABANATA

BUWAYA SA DAGAT NG BUHAY

Ikalimampo't isang Tagpo

Nagsimula na ang kampanya. Sakay ng van, umikot sa Barangay Virgen De Los Flores ang magkakapatid na Romy, Nena, Susan, Ellen, Ben, Elmer, Sancho at Juancho sa pagkakabit ng tarpaulin ni Kapitan Anchong sa mga poste, pader at mga bahay ng kanilang mga kapanalig man o di-kapanalig sa pulitika.

Bukod sa kanila, marami pa ring mga sasakyang inupahan si Kapitan Anchong na lulan ng iba't ibang pamilya at samahan na may kanya-kanyang nakatokang lugar sa pagkakabit ng tarpaulin ni Kapitan Anchong.

Tanging si Ernie lamang ang di-sumama sa mga kapatid. Minabuti na lamang niyang maiwan sa Jaen, Nueva Ecija at pilit na magpakaabala sa kanilang negosyo. Gayunpaman, di pa rin siya mapakali sa kaiisip sa kung ano na ba ang nagaganap sa kampanyahan sa kanilang lugar.

Sa kabilang banda naman, naging abala na rin sina Louie, Atong at mga bikolanong trabahador sa balutan sa pagkakabit ng mga tarpaulin ng tumatakbong Kapitan na si Ruperto D. Santos na tinatapatan ang bawat lugar ng mga tarpaulin na pinagkabitan ng tarpaulin ni Kapitan Anchong. Bukod dito, di rin nagpahuli si Ruperto, umupa rin siya ng mga traysikel driver na tutulong kina Louie sa pagkakabit na kaniyang mga campaign slogans sa buong barangay ng Virgen de los Flores.

Sa kabuuan, naging makulay na ang buong paligid ng barangay sa mga nagsabit na mga tarpaulin ng iba't ibang mukha ng mga SK Chairman at mga Kabataang Kagawad na may kanya-kanyang partidong kinaaaniban. Iba-ibang pautot sa campaign slogans ang matutunghayan sa mga kalye ng mga tumatakbong Kapitan at mga Kagawad gayundin ng mga SK Chairman at mga Kagawad nito.

Sa buong maghapon, walang tigil ang ikot ng mga traysikel driver na may malalakas na stereo na para bang nagkokontes sa palakasan ng pagtugtog ng iba't ibang jingle ng mga kandidato.

Samantala, manghang-mangha sina Louie, Atong at mga kasamang trabahador sa balotan na makahulugang nagkatinginan na lamang nang may isang grupo pa ng mga kalalakihan na nakasakay sa isang pick up na ford na wild trak na nagkakabit ng tarpaulin ng isa pang tumatakbong Kapitan na kapangalan rin ni Ruperto Santos na magkaiba lang ang middle initial.

Kung ang middle initial ng Tito Ruperto ni Louie ay D. na kumakatawan sa apelyidong Dimaapi, ang isa pang katunggali nitong tumatakbong independienteng Kapitan ay may middle initial naman na letrang "C" at may kasudlong na III ang apelyidong Santos.

Di rin makatiis si Ernie na di-makibalita sa dalawang magkatunggaling panig. Naroong tawagan niya si Ate Nena niya.

"Ate Nena, ano na balita? Musta na kayo r'yan?"

"Eto mabuti naman. Katatapos lang magkabit ng mga tarpaulin ni Kapitan Anchong...hinahanap ka nga niya...bakit di ka raw namin nakasama?"

"Sabi ko...masyado kang naging abala lang sa negosyo mo...pero binigyan ko naman siya ng assurance na siya ang iboboto mo sa eleksiyon..."

Biglang tatawag naman sa cp ni Ernie ang Kuya Ruperto niya.

"Sige na Ate Nena...saka na lang ulit ako tatawag. Sasagutin ko lang muna ang tawag sa akin ni Kuya Ruperto.

Mawawala na sa linya si Nena. Sasagutin naman ni Ernie ang Kuya Ruperto niya.

"Ernie nasaan ka na? Kailangan pa naman kita sa mga araw ng kampanyahan...mga hudas 'yang mga kapatid natin...talagang kinakalaban ako...ayun sumama sa mga tao ni Anchong at mga nagsisipagkabit pa ng tarpaulin ni Anchong...talagang sinasadya ako...manalong-manalo lang ako...makikita nila ang hinahanap nila!"

"Kuya...cool ka lang...di makukuha sa init ng ulo ang lahat..."

"Ito ang tandaan mo Ernie kapag di ka lumitaw at tumulong sa pangangampanya ko...ituturing kitang kaaway ko! Magsasama-sama na kayong magkakapatid kung gusto mo!"

Galit na galit na papatayin na lamang ni Ruperto ang cp niya.

Labis na mag-aalala si Ernie sa inasal ng kapatid. Muling magri-ring ang cp ni Ernie.

 Sasagutin niya ang tawag ni Louie.

"Tito Ernie, may kilala ka bang Ruperto Santos na ang middle initial ay letter C na may kasudlong na III yung apelyidong Santos?"

"Bakit?"

"Tumatakbong independiente para sa pagka-Kapitan. Kapangalang-kapangalan ni Tito Ruperto, magkaiba lang sila ng middle initial...wala ba kayong kapatid sa ama?"

Napaisip si Ernie. Biglang nagbalik sa kanyang gunita ang habilin ng kanilang amang may-sakit bago nalagutan ito ng hininga. Di niya sukat-akalain ang nasagap na impormasyon. Ano na kaya ang maaaring kahinanatnan ng eleksyon? Di ba makaaapekto ito sa kandidatura ng Kuya Ruperto ni Ernie? May kinalaman kaya si Kapitan Anchong sa pagtakbo ng isang nagngangalang Ruperto C. Santos III?

All reactions:1Erlinda Lalic-Tamayo

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon