IKALAWANG KABANATA: KAPALARANG NAGHIHINTAY (Tagpo 14)

122 5 0
                                    


MAGHINTAY KA LAMANG...

AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKALAWANG KABANATA

KAPALARANG NAGHIHINTAY

Ikalabing-apat na Tagpo

Hapon na nang nagsidating ang mga kapatid na pinatawag ni Ruperto kay Ernie. Kapansin-pansin ang nangingitim na kaliwang mata ni Ernie na siya ang nasapol ng ganting suntok ni Romy sa Kuya niyang si Ruperto nang pumagitna si Ernie para awatin ang dalawang kapatid niyang nakatatanda sa kanya.

Galit na galit naman si Liling na asawa ni Ruperto habang nagpapahayag ng kanyang saloobin sa harap ng kanyang mga bayaw at hipag na di-makapaniwala sa nangyaring gulo.

"Napakawalanghiya ng Dikong Romy...walang utang na loob...siya na nga itong tinulungan ng Kuya Pert ninyo para mapirmahan ninyo ang kasulatan at nang mai-loan na niya itong bahay at lupang minana ninyo sa magulang ninyo...e, ayun nakuha na pala ang kalahati ng loan...inilihim pa sa inyo...at ang masakit pa, naipambayad na pala sa lahat ng utang niya," ang tuloy-tuloy na bugso ng damdamin ni Liling sa pagsisiwalat sa nangyari.

"Paano ngayon 'yan? Wala na ba kaming mapaparte para gawing puhunan sa pamimili ng isda sa Hagonoy," ang pakli ni Nena, na pinakamatandang kapatid na babae.

Sumabad naman ang sangkong si Ben.

"May makukuha pa naman, di ba Kuya? Kalahati pa lang naman ang nailabas na pera na ni-loan ni Dikong Romy..." ungkat at pag-uusisa ni Ben.

"Wala nang makukuha. Pina-hold ko na sa banco. Ang gusto ba naman ng Dikong Romy nyo na ilabas ang natitira pang loan sa banco at gamitin sa pagnenegosyo niya...kaya nag-away na kami...di ako nakapagtimpi kaya inasbaran ko...e ang tarantado, nilabanan ba naman ako...pati nga si Ernie na umaawat, ayan siya ang tinamaan...nagka-blacke-eye tuloy," ang paliwanag ni Ruperto sa mga kapatid.

Ang iba naman kapatid na sina Sancho, Elen, Elmer, Juancho, Mario at Susan, kapansin-pansing tahimik lang. Sila yung mga kapos na kapos at kapag nagigipit ang Kuya Ruperto na lang nila ang ginagawa nilang takbuhan.

"Paano na mangyayari niyan Kuya Pert?" ang usisa ni Nena.

"Kung papayag kayo...ibalik na lang natin sa banco yung nakuha ng Dikong Romy ninyong ni-loan...pagpaparte-partehan yung kabuuan ng perang nakuha niya sa banco para mabawi na natin ang titulo ng lupa natin..." ang suhestiyon ng Kuya Ruperto nila.

"Hindi kami papayag," sabat ni Sancho.

"Dapat si Dikong Romy ang magbayad ng ni-loan niya..bakit kasama kami sa partehan para lang bayaran ang nakuha na niyang paunang loan sa banco..." ang mahigpit na pagtutol naman ni Elmer.

"So...payag na lang kayong mailit ng banco itong lumang bahay natin at lupa na isinangla ni Romy sa banco?" ang medyo mataas ang tinig na pagtatanong ni Ruperto.

Sumabad na sa usapan si Liling.

"Kung ayaw ninyong magbigay ng parte...kami na ang tutubos ni Pert sa nakasanglang bahay at lupa sa banco kaysa naman mailit yun ng banco at mapunta pa sa iba," ang mataas ang tonong may bahid pagsasamantala sa tinig ni Liling.

"Paano ang gagawin nyo sa amin...alam ninyong gipit na gipit kami...kaya nga kami pumayag na masangla 'yan...para may maparte kami at magamit ring pera sa pagnenegosyo," ang pangangatwiran ni Susan.

Piping saksi si Ernie na nasa isang tabi lang na nakikinig na wala ring magawa at masabi sa tinatakbo ng usapan.

"Kung matubos na ninyong mag-asawa...ano na ang susunod na mangyayari? ang usisa ni Nena.

"De kami na ang magmamay-ari ng lumang bahay na ito at ng titulo ng lupa.," ang mataray na sagot ng hipag na si Liling.

"Suwitk ka pala...buti pa'y umuwi na tayo...walang mabuting kauuwian ang pag-uusap na ito. Buhay pa kayo...sana uurin na ang inyong mga kaluluwa!" ang sabi ni Nena sabay talikod nang paalis na masama ang loob.

Di naman pinatulan ni Liling ang patutsada ng hipag. Nanatili pa rin ang tindig na mapagmataas. Si Ruperto naman pinilit ang sariling maging kalmado.

Nagsisisunuran na rin ang iba pang kapatid na pawang matatamlay na parang natalo sa giyera. Napapailing na lang sa isang tabi si Ernie na nalulungkot sa nangyari. Naisip niya, papaano na ang pinapangarap niyang buhay para kay Ine.

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon