"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"
Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
IKAAPAT NA KABANATA
KUKUTI-KUTITAP NA BITUIN
Ikatatlumpo't anim na Tagpo (D)
Minabuti na lamang ni Ernie na itext niya ang kanyang Kuya Ruperto at binanggit niya sa text na nasa Sagrada Hospital sila. Agad namang tumugon sa text ang kanyang Kuya at sinabing huwag na huwag iiwan si Liling hanggat di pa siya dumarating duon.
Hangos na dumating sa parking area ng ospital si Ruperto, dinatnan niyang nag-uusap-usap sina Ernie, Ine, Atong at Louie.
Pagkababa palang nito sa kotseng pula na minamaneho niya, mainit na ang ulo ni Ruperto na pinagtatanong ang mga nag-uusap.
"Nasaan si Liling? Bakit ninyo iniwan sa loob ng ospital nang nag-iisa?" ang galit na paninita ni Ruperto.
"Kuya, ipinasok na sa ICU si Ate Liling..." ang sagot ni Ernie na pilit na nagpapakamahinahon.
"Bakit sa ICU? Grabe na ba ang lagay niya? Magsabi ka sa akin ng tutuo Ernie...bakit ano ba ang tutuong lagay niya at isinugod ninyo sa ospital?" ang timpi ngunit mataas na tono ng pananalita ni Ruperto.
"Hayaan mo Kuya na ako ang magpaliwanag," ang salag ni Ine.
Lalong tataas ang tono ni Rupertong di na nakapagtimpi pa.
"Hindi ikaw ang kinakausap ko! Magsabi ka ng totoo, ano ang nangyari Ernie?"
Mapipilitan nang magsalita si Ernie.
"Kuya, alam ng Diyos, na malinis ang budhi ko...kailanman, di ko hinangad na magkaganyan siya...nagpaalam ako nang maayos na sana sa iyo ako magpapaalam kaya lang nagkataon na wala ka...gusto na sana namin ni Ine na bumukod sa inyo at magsarili ng aming negosyo...biglang nagalit siya sa akin...muli nilait niya ko mula ulo hanggang talampakan...patawad Kuya...di na ko nakapagtimpi at nasagot ko siya..." ang tuloy-tuloy na paliwanag ni Ernie na natangay na ng masidhing simbuyo ng kanyang damdamin.Nawala na rin sa sarili si Ruperto. Biglang sinapak niya sa bibig si Ernie na sumargo agad ang dugo. Nabigla si Ine. Umiiyak na niyakap si Ernie.
"Tama na Kuya...walang kasalanan si Ernie! Parang awa mo naaaaa!"
Inawat nina Atong at Louie si Ruperto.
"Bitiwan n'yo ko, mapapatay ko 'yan...mapapatay ko 'yan!" ang tinig ng nagwawalang si Ruperto.
"Sige Kuya...patayin mo na ko...tutal di mo naman ako...itinuturing na tutuo mong kapatid...halos lahat ng mga kapatid natin, matindi ang hinanakit sa iyo...mula nang mapangasawa mo si Liling, nag-iba ka na...buti pa nung nabubuhay sina Tatang at Inang, kay buti mong kapatid!" ang tila bombang sumabog sa dibdib ni Ernie.
Parang natauhan si Ruperto sa mga narinig kay Ernie. Para siyang binuhusan nang malamig na tubig habang mahigpit na pigil-pigil nina Atong at Louie. Parang gumuho ang moog ng katatagan sa dibdib ni Ruperto na napahagulgol na lang ng iyak. Bahagyang niluwagan nina Atong at Louie ang pagpigil kay Ruperto na unti-unti nang humuhupa ang galit sa dibdib.
Nakakita ng tiyempo si Louie na umiiyak na rin. Unti-unti namang nagsilip-silip sa parking area ang ilang naka-dutyng nars sa may Information Center na di-kalayuan sa nabanggit na lugar. Dumating ang security guard na nangi-ngiti na lang nang makitang kapwa mahinahon na ang dalawang panig nag-aaway. Nagbilin na lang ang guard na hinaan na lang ang pag-uusap para di makagambala sa mga pasyente.
"Tito Pert, sa tutuo lang, napakabait ni Tito Ernie sa iyo...nuong panahon ng covid...sino ba ang nag-alaga sa iyo...di ba si Tito Ernie...ni hindi ka man lang nga sinilip ni Tita Liling sa iyong silid...di ba sa gastusin, tinipid ka niya...kung natatandaan mo pa...gusto kong ipaalala sa iyo na si Tito Ernie at mga amain ko sa father side ang gumawa ng paraan...lumapit sila kay Mayor, Governor at iba pang nagsitulong nang lumala na ang lagay mo at kailangang dalhin ka na namin sa ospital.
Unti-unting nagbabalik sa alaala ni Ruperto ang mga ginawang kabutihan ng kanyang mga kapatid sa kanya na nalimutan na niya mula nang lumago nang lumago ang negosyo nila na pinangasiwaan ni Liling. Nuon niya napag-isip-isip na masyado siyang naging sunod-sunuran sa kagustuhan ng asawa.
All reactions:7Len Cruz Odtohan, Rachelle Bautista Mijares and 5 others
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
AventuraKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...