IKAANIM NA KABANATA : BUWAYA SA DAGAT NG BUHAY (Tagpo 51)

36 2 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"


Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul


IKAANIM NA KABANATA

BUWAYA SA DAGAT NG BUHAY

Ikalimampo't isang Tagpo

Tuliro si Ernie. Labis na nag-aalala sa naging banta ng kanyang Kuya Ruperto kung kayat agad niyang pinulong ang mga kapatid sa isang private resort sa San Rafael na mabilis namang nagpaunlak sa kanyang paanyaya.

Habang nagsisipananghalian, naging paksa ng kanilang pag-uusap ang pagbabanta ng kanilang Kuya Ruperto na kapag nalamang siya'y pinagkaisahan ng magkakapatid at kapag nanalo ito sa eleksyon, mararamdaman nilang magkakapatid ang lupit ng paghihiganti nito.

"Siya pa ang may ganang magalit at magbanta sa atin...naging mabuting Kuya ba siya sa atin...ngayo'y aasa pa siya ng tulong sa atin sa eleksyon..." ang nanggagalaiting saloobin ni Nena sa mga kapatid habang humihigop ng mainit na sabaw ng nilagang baboy.

"Huminahon muna tayo mga kapatid...isipin natin nuong panahong tayo'y gipit na gipit...kahit paano'y natulungan din naman tayo ni Kuya Ruperto..." ang pagtatanggol ni Ernie sa Kuya nila matapos isubo ang kutsarang may magkahalong kanin at kapirasong pritong isda sabay higop ng mainit na sabaw ng nilaga.

"Ipagpalagay na Ernie...oo tama ka...kahit paano nakatulong ang Kuya sa atin...kung mura-murahin at lait-laitin naman tayo ng asawa niyang si Liling...daig pa natin ang alipin!" ang sabat ni Sancho sa usapan habang manaka-nakang pinapapak ang pritong hita ng manok na hawak-hawak niya.

"Baka naman puwedeng maghati-hati tayo sa pagboto...may boboto sa Kuya at ang iba naman sa atin kay Kapitan Anchong...isipin natin na bagama't may kanya-kanya tayong tampo sa Kuya...kapatid pa rin natin siya...." ang pangungumbinsi ni Ernie sa mga kapatid.

"Iba na lang ang hilingin mo Ernie..."ang pagmamatigas ni Nena,"dapat maramdaman ng mag-asawang 'yan ang ginawa nilang panloloko sa atin...isipin mo na lang...na matapos nilang matubos ang lupa't bahay na minana pa natin sa Tatang at Inang...ano ang kanilang ginawa, inangkin na nilang buo...di ba pagsasamantala 'yon?"

Di-kumikibo si Romy. Nag-aalala siyang baka mabaling sa kanya ang uspan. Alam ni Romy na siya ang dahilan kung bakit inilit ng banco ang lupa't bahay nila nang magamit niya sa pagbabayad ng utang niya sa mga pinagkakautangan niya ang halaga ng pagkakasangla sa lupa't bahay.

May kumislap sa isip ni Ernie. Mapapatingin ito sa Dikong Romy niya.

"Ano kaya Dikong Romy...at ngayong mapera ka na...kausapin mo ang Kuya Ruperto, tubusin mo kaya 'yung titulo ng lupa at bahay natin na nasa kanilang pag-iingat...baka pumayag...kailangan nila ng malaking halaga na gagamitin nila sa eleksyon!"

Magkakatinginan ang mga magkakapatid. Ilang saglit na pare-parehong nag-iisip nang malalim. Babasagin ni Romy ang katahimikan.

"Teka-teka...bakit ako lang? Malakas na rin naman ang kita ng palaisdaan ni Ate Nena, ang food business nina Ellen at Susan gayundin ang junkshop nina Sancho, Juancho, Elmer at Ben...mabuti pa kung papayag kayo...paghati-hatian nating magkakapatid ang pagtubos sa titulo ng lupa't bahay natin" ang susog ni Romy.

"Paano kung di pumayag na ipatubos ng Kuya Ruperto at Liling ang titulo?" pakli ni Ben.

"Naku...tiyak ko...papayag ang mga iyon...basta the price is right! Teka, ang tanong papayag ba naman kayong lahat na magshare? ang tanong ni Ernie.

"Teka...kung ipatutubos sa atin 'yun...baka presyuhan 'yun ng milyon...paano kung isinangla na pala niya yun sa banco sa malaking halaga?" ang pakli ni Susan na di mapigilang dumighay sa sarap ng kinain.

"Sa usapan namin ni Kuya Ruperto, may ilan lupa silang pundar ni Ate Liling na isinangla nila sa banco...pero tungkol sa minana natin...wala namang nabanggit sa akin..."ang paliwanag ni Ernie.

"Huwag na lang nating tubusin sa kanya yung titulo ng lupa't bahay natin...tiyak na ipatutubos niya sa atin yun ng milyon...basta tuloy ang laban! Ibagsak ang mga mapagsamatala! Ibagsak ang mga gahaman. Ibagsak sina Ruperto at Liling!" ang sigaw ni Romy na akala mo kung sinong malinis at itinaas pa ang nakadakot na kamao na parang si Andres Bonifacio na Supremo ng Katipunan.

"Mabuhay si Kapitan Anchong! Mabuhay!" ang sigaw naman ni Nena na akala mo si Gabriela Silang. Nagsisunuran na rin ang iba pang mga kapatid maliban kay Ernie na tila di na kayang pigilan pa ang titis ng himagsikang nais simulan ng mga kapatid laban kina Ruperto at Liling.

All reactions:

1Charet B. Monsayac

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon