UNANG KABANATA: AANDAP-ANDAP NA ILAWAN (Tagpo 3)

168 9 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"

Kathang Nobela ni Zampagitang Azul

UNANG KABANATA

AANDAP-ANDAP NA ILAWAN

Ikatlong Tagpo

Nang mapansin ng mga kainumang nakayukyok na ang ulo ni Ernie at wala na sa sarili sa matinding kalasingan. Nagkusa na ang katabi nito na buhatin si Ernie at ilipat sa kubong kanilang tinutulugan ngunit dahil sa kalasingan din ay nagpasuray-suray na nabitiwan rin si Ernie na tumilapon sa kandungan ng isang lasing na kasamahan na napahiga naman sa katabi nito at ang katabi naman ng katabi nito ay napahiga naman sa kasunod na katabi kaya isang mahabang hanay ang sunod-sunod na nabuwal ngunit pagkatapos ng 'domino effect', ganoon na lang ang tawanan ng magkakatropang lasing.

Nang mapansin ni Ruperto ang nangyari, pinatigil na niya sa inuman ang mga lasing na lasing na niyang mga tauhan para makapagpahinga na. Wala pa ring kamalay-malay si Ernie sa mga nangyayari. Ang kanyang Kuya Ruperto na ang bumuhat sa kanyang bunsong kapatid na si Ernie at maingat na inilapat ang katawan ng kanyang kapatid sa sahig na kawayan ng kubo.

Ilang saglit pa'y mga nakahilata na ang lahat ng tauhan ni Ruperto sa sahig na kawayan. Duon na rin siya natulog katabi ng bunsong si Ernie.

Habang mahimbing na natutulog si Ernie, dumalaw sa kanyang panaginip ang ama habang binabantayan niya sa Provincial Hospital sa Malolos. Halos apat na pong araw niyang binantayan ang amang may sakit. Inaalalayan ang ama kapag naiihi o madudumi. Sa loob ng kuwarto, apat ang pasyenteng magkakasama na may kanya-kanyang bantay, kasama na ang kanyang ama.

Pag may bibilhing gamot, nakikiusap siya sa iba pang kasamang bantay na pakitingnan-tingnan ang ama. Panhik-panaog siya sa hagdan ng ospital pag bumibili siya ng gamot na inireseta ng doktor.

Sa sampong magkakapatid, siya lang ang itinalaga ng Kuya Ruperto niya na magbantay sa ama. Madalang din dumalaw ang Kuya Ruperto niya dahilan sa kaabalahan sa negosyo. Paminsan-minsan dumadalaw ang ilan niyang mga kapatid na kahit paano'y may pinagkakakitaan at nag-aabot kahit papaano bilang pandagdag sa gastos sa ospital. Ang iba naman niyang kapatid ay halos di na nagpapakita sa ospital dahil sa labis na kakapusan sa buhay.

Puyat na puyat siya sa pagbabantay. Pag makakatulog na siya, gigisingin siya ng ama kapag may nararamdaman o magpapasama sa cr para umihi o dumumi. Kapag nagkakausap sila ng ama, lagi nitong sinisisi ang sarili sa pagkamatay ng ina. Wala siyang magawa kundi ang aluin na lamang ito. May mga gabing lumuluha siya nang palihim, di-nagpapahalata sa ama habang umuusal ng panalangin sa Diyos na sana'y pagalingin na ang amang maysakit.

Kapag nagtatanungan silang mga bantay kung ano-ano ang mga sakit ng kanilang mga pasyente, nalalaman tuloy na ang kanyang ama ang may pinakamaraming sakit na inaalagaan sa sarili: diabetis na nagkaroon na ng kumplikasyon sa puso, atay, bato at baga.Isang araw noon, malinaw na malinaw sa kanyang panaginip na habang sinusubuan niya ang ama ng sopas, may isang pasyenteng kasama nila sa silid na di na nagising sa di malamang sanhi, gayon na lamang ang labis na pagkabigla ng asawa nitong bantay na labis na nabigla na lamang at nagsisigaw sa labis na kadalamhatian.

"Estong, Estong!. Ano bang nangyari? Kagabi lang ang saya-saya nating nag-uusap...sabi mo pa nga sa akin...pag gumaling ka na...itutuloy mo ang iyong planong mag-abroad para guminhawa na ang ating buhay...ang daya-daya mo...yun pala iiwan mo na kong nag-iisa.Di ka man lang nagpaalam nang maayos!"

Napuno ang silid nang malakas na panaghoy ng asawang bantay. Hugos na dumating ang ilang nars na bantay sa loob ng silid para tingnan ang pasyente.

Nangalog ang tuhod ni Ernie. Namutla ang kanyang ama at dumaing sa kanya."Ernie, nahihirapan akong huminga".

Nataranta si Ernie. Di malaman ang gagawin.

At siya'y napasigaw, "Nars...nars! Si Itay...si Itay!" Hindi namalayang naibagsak na ni Ernie sa sahig ang hawak na mangkok ng sopas na agad na nabasag sa sementong sahig. Isa sa mga nars ang dumalo sa ama ni Ernie, ang iba nama'y tiningnan ang lagay ng pasyenteng di na nagising, pinulsuhan, wala ng buhay. Nang mapailing ang nars na tumingin sa amang di na kumikilos, namumutla. Hinawakan ang kamay ng amang nanlalamig.

"Itay...itay...lumaban ka....lumaban kaaaaa!", ang sigaw ni Ernie habang humahagulgol ng iyak.

"Itayyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyyy!"

Nagising ang lahat sa lakas ng sigaw ni Ernie habang nananaginip."Gumising ka Ernie...binabangungot ka!" sabay yugyog sa balikat at tampal sa mukha ng kapatid ni Ruperto para ito'y magising.

Humihingal na napabalikwas sa pagkakahiga si Ernie na patuloy pa ring nagwawala sa sobrang hinagpis sa pagkamatay ng ama na pabalik-balik na dumadalaw sa kanyang panaginip.

"Itay...Itay....mahal na mahal kita Itay...bakit mo ko iniwan?Hinagod ni Ruperto sa likod ang bunsong kapatid habang inaalo ito."Ernie...tanggapin na natin ang katotohanan. Alam ko kung gaano kasakit ang mawalan tayo ng mga magulang kaya lang wala na tayong magagawa...may sarili na tayong buhay na kailangan naman nating harapin."

Lahat ng tropang trabahador sa balutan ni Ruperto ay nakatingin sa kanila sa kabiglaanan habang patuloy sa pagbulalas sa kanyang pag-iyak si Ernie. Parang sinadya namang kumulog at kumidlat noong gabing yaon kasunod ang malakas na buhos ng ulan, matagal, walang patid na waring nakikidalamhati sa pagluluksang nararamdaman ni Ernie.

Ilang sandali pa'y bumaha na sa loob ng bakuran ng itikan. Hangos na tinungo ni Ruperto at mga bikolanong trabahador niya nang marinig nila ang naghuhumindig na tinig ng may-ari ng itikan.

Parang natatauhang sumunod na rin si Ernie sa balkonahe ng bahay-kubo para mag-usyuso. Malaliim na ang tubig at maagos pa.

"Diyos ko! Diyos ko! Tinangay ng agos ang mga itlog ng itik!"

Kinabukasan, nang humupa na ang ulan at sumikat na ang araw, tanghali na silang nakauwi na walang naiuwing karagdagang itlog ng itik. Minsan talagang ganoon...may talo sa negosyo, di laging kabig.

Pawang nanlalata at malungkot na umuwi ang tropa sa Baliuag. Laglag ang balikat ni Ruperto. Ramdam na ramdam ni Ernie ang paghihirap ng kalooban ng kuya niya.

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon