"Maghintay Ka Lamang, Ako'y Darating"
Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
IKALIMANG KABANATA
IGINUHIT NA PANGARAP
Ikaapat-na-po't siyam na Tagpo
Sa loob ng Headquarter ni Kapitang Anchong, may sampong mahahabang buffet table ang pinipilahan ng humigit-kumulang sa anim na raang katao na nagsidalo sa pa-caucus ng Kapitan. Sa nabanggit na "Pulong sa Kaunlaran ng Virgen Delas Flores", nagkita-kita ang magkakapatid na Ernie, Romy, Nena, Ellen, Susan, Ben, Sancho, Elmer at Juancho.
Matapos makakuha ng kani-kanilang pagkain sa buffet table, nagsama-sama ang magkakapatid sa isang mahabang hapag-kainan na pansampong katao. Masayang-masayang nagbalitaan at nagkumustahan ang magkakapatid na sabik na sabik sa isa't isa.
"Musta ka na Dikong Romy?" bati ni Ernie.
"Kumikita-kita na kahit paano...'yun ibinigay mong puhunan...napalago ko na...sa simula...bumuo ako ng mga papag na yari sa kawayan...ayun naging mabenta naman...tapos nag-ahente ako ng mga muwebles na narra...malaunan, nang makaipon at lumaki na ang kapital...ako na ang namili at nagkumpuni ng mga antique furnitures..." ang pagkukuwento ni Romy.
"Oo Ernie...big time na rin 'yang tulad mo..." ang pakli ni Nena.
"Ikaw naman Ate Nena...musta naman ang buhay-buhay?" ibinaling naman ni Ernie ang pangungumusta sa nakatatanda niyang kapatid na babae.
"Ok naman kami sa Hagonoy. Napalago ko na rin yung kapital na bigay mo sa akin...may palaisdaan na kami sa Hagonoy at kumikita naman nang maganda..."ang nakangiting pahayag ni Nena.
Walang pagsidlan sa kasiyahan si Ernie nang nagsipag-ulat isa-isa ang iba pa niyang mga kapatid na sina Ben, Elmer, Sancho, Juancho, Ellen at Susan na pawang nagsiganda na rin ang buhay dahil sa kapital na ipinagkaloob niya sa mga ito. Nag-click naman ang online food business nina Ellen at Susan. Sa pangangalakal ng bakal at bote na pinagsosyohan nina Ben. Elmer, Sancho, at Juancho, naging matagumpay naman ang kanilang pagnenegosyo.
Sa kanilang pagkikita-kitang magkakapatid, sinamantala na rin ni Ernie ang pagkakataon na buksan ang paksa tungkol sa planong pagtakbo ni Ruperto sa eleksiyon."Maiba ko ng usapan, alam na ba ninyong tatakbong Kapitan ang Kuya Ruperto?" ang usisa ni Ernie.
"Tinawagan nga ako sa cp ko...kausapin ko raw kayong lahat at magkita-kita tayo sa lumang bahay...maghahanda raw siya ng masarap na hapunan para magkasalo-salo man lang tayo..."ang pagsasalaysay ni Nena.
"Kung tatakbo siyang Kapitan, wala siyang aasahan sa akin...kaya nga narito kami para suportahan si Kapitan Anchong, di ba mga kapatid?" ang mariing paninindigan ni Romy.Parang iisang tinig na nagsalita ang iba pang mga kapatid.
"Mabuhay si Kapitan Anchong! Mabuhay si Kapitan Anchong!" ang sabay-sabay na sigaw ng magkakapatid maliban kay Ernie na labis na nag-aalala. Natantiya niyang ilalaglag ng mga ito ang kanilang Kuya Ruperto sa eleksiyon.
Matapos marinig ang nag-iisang tinig ng Pamilya Santos, magsisisunod na rin ang humigit-kumulang sa anim na raang katao na naroon sa pa-caucus ni Kapitan Anchong."Mabuhay si Kapitan Anchong! Mabuhay si Kapitan Anchong!"
Nang marinig ni Kapitan Anchong ang sigawan ng mga tao, lalapitan nitong isa-isa ang pami-pamilyang nasa kani-kanilang hapag-kainan at kakamayan ang isa't isa hanggang sa makarating sa lugar na kinaruruonan ng mga magkakapatid.
"Salamat naman Ernie...inaanak at pinaunlakan mo ang aking paanyaya...natutuwa ako't pati mga kapatid mo'y hindi ako pinahindian...sana hanggang makarating tayo sa dulo...wala na tayong iwanan sa eleksiyong ito..." ang masayang pangangampanya ni Kapitan Anchong sa magkakapatid.
"Opo naman Kapitan Anchong! Di ba mga kapatid? Mabuhay si Kapitan Anchong!" sabay sigaw nang malakas ni Romy. Magsisunod na rin ang kanyang mga kapatid. Walang nagawa si Ernie kundi sumunod na rin sa pagsigaw.
"Mabuhay si Kapitan Anchong! Mabuhay si Kapitan Anchong!"
Magsisisunod na rin ang lahat ng mga taong naroon.
"Mabuhay si Kapitan Anchong! Mabuhay!"
Nang humupa na ang hiyawan, tila may hinahanap si Kapitan Anchong sa umpukan nina Ernie.
"Wala ata si Kuya Ruperto mo Ernie?" usisa ni Kapitan Anchong.
"Di pa po kami nagkausap Ninong...hayaan po ninyo't makararating sa kanya ang pinag-usapan natin." ang tugong nag-aalala ni Ernie.
Magkakatinginan naman ang iba pang magkakapatid na samo't sari ang mga emosyon sa narinig.
All reactions:3Dalia Delrosario, Robert Catimbang and 1 other
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
ПриключенияKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...