IKAANIM NA KABANATA : BUWAYA SA DAGAT NG BUHAY (TAGPO 58)

33 2 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKAANIM NA KABANATA:

BUWAYA SA DAGAT NG BUHAY

IKalimampo't walong Tagpo

Matapos ang gulong kinasangkutan ni Liling sa kampanyahan, inaya na ng magkapatid na Efren at Beet ang kanilang ina sa kanilang SUV Toyota na naka-park sa may di-kalayuan. Sumunod na si Atong at ipinag-drive ang mag-iina patungong lumang bahay.

Laking tuwa naman ni Ruperto nang makita si Ernie sa kampanyahan. Niyakap nang mahigpit ang bunsong kapatid.

"Salamat Ernie at di mo ko binigo...ikaw na lang talaga ang aking maaasahan...tuluyan na kong iniwan sa ere ng mga kapatid natin...sabi ko na nga ba't di mo ko matitiis..."ang mangilid-ngilid ang luhang nasambit na lamang ni Ruperto.

Nabaling naman ang atensiyon ng lahat sa mahigpit na yakapan ng magkapatid na Ruperto at Ernie.

"Oo naman Kuya...huwag kang mag-alala...nandito ako para tulungan ka sa eleksyon..." ang nawika naman ni Ernie.

Nakatuon naman ang pansin ni Arianne kina Ernie at Ruperto habang ibinibidyo niya ang madamdaming pagtatagpo ng magkapatid. Sa isang sulok naman, naroon si Dong na naka-sunglass na waring abala sa pagmamatyag sa paligid. Abala naman si Louie sa pakikipagbiruan sa mga kaklase ni Arianne.

Walang anu-ano'y may tatawag sa cp ni Ruperto. Tumatawag ang kanyang panganay na anak.

"Papa umuwi ka na muna...masama ang pakiramdam ni Mama..." ang tinig ni Efren sa kabilang linya.

"Sige...andiyan na ko..." ang maikling tugon ni Ruperto matapos patayin ang cp niya.

"Kuya, ihahatid na kita..." alok ni Ernie.

"Sige buti pa!" ang mabilis na sagot ni Ruperto.

Susundan naman ng bidyo ni Arianne ang magkapatid na Ernie at Ruperto hanggang sa makasakay ng SUV at makaalis na ang sasakyan sa lugar.

Matapos na maihatid ni Ernie ang Kuya Ruperto niya at mga ilang sandali pa, matapos ring makumpirma na nasa maayos na kalagayan na rin naman ang kanyang hipag na si Liling, nagpaalam na si Ernie sa kanyang panganay na kapatid para asikasuhin naman niya ang kanyang negosyo sa Jaen, Nueva Ecija. Tumango na lang si Ruperto bilang pagsang-ayon sa pagpapaalam ng kanyang bunsong kapatid.

Lulan ng kanyang SUVng minamaheho, nakatanggap siya ng tawag kay Arianne na agad naman niyang sinagot.

"Arianne, napatawag ka? May problema ba?" usisa ni Ernie na nag-aalala.

"Wala hahaha...ikaw ang problema ko..." ang tinig ni Arianne sa kabilang linya.

"Ano ba 'yan? Pick up lines hehehe," tugon naman ni Ernie na nagbibiro.

"Hindi hahaha...alam ko...ramdam ko...may problema ka sa Ninong Anchong mo at sa Kuya Ruperto mo..."

"Ang galing mo naman...ang husay ng pakiramdam mo...ok na kami ni Ninong Anchong...payag na siyang kay Kuya Pert ako sumuporta..."

"Sana...nag-aalala lang ako...ingat ka pag-uwi...gusto ko happy ka hahaha love you!" 

Kahit pinatay na ni Arianne ang kanyang cp, nakapagkit pa rin sa isip ni Ernie ang malambing na tinig ni Arianne. Mangingiti na lamang si Ernie. Lulan ng kanyang SUV na minamaneho, samo't sari ang pumapasok sa isip ni Ernie: ang magandang mukha ni Arianne na nakangiti na kahit paano'y nagsisilbing "neutralizer" sa mga problemang gumagambala sa kanyang isipan, si Dong na mamula-mula ang mga mata, ang limpak-limpak na salapi sa nakabukas na maleta, ang kabaong sa harap ng mansion ni Kapitan Anchong, ang pagwawala ni Liling sa kampanyahan sa Purok Buliran, ang kanyang kapatid sa ama na si Ruperto Cruz Santos III na tumatakbo rin sa pagka-Kapitan.

Di niya namalayan na nasa harap na pala siya ng bahay nina Ine sa Jaen, Nueva Ecija. Sa kaabalahan ng isip, di rin niya namalayan ang isang sumusunod na isang malaking closed ruck van. Nang bumaba si Ernie sa kanyang SUV at pumasok ng bahay, huminto ang malaking truck van. Bumukas ang pinto, lumabas sa van ang dalawang lalaking matitipuno ang katawan na pawang mga naka-face mask. Luminga-linga sa paligid at nang matiyak na walang tao sa paligid, sumenyas sa isa pang lalaking naiwan sa truck van.

Itinulak naman ng lalaking sinenyasan na matipuno rin ang pangangatawan at naka-face mask din ang kabaong na kulay-puti at sinapo naman ng dalawang lalaking nasa ibaba at pagkatapos, binuhat ang kabaong at ipinuwesto sa harap ng bahay nina Ine.

Saka pumulot ng dalawang malaking bato sa paligid ng bahay ang dalawang lalaki at malakas na ipinukol ang mga ito sa bahay nina Ine. Kapagkada'y mabilis na sumakay uli ang dalawang lalaki sa loob ng closed truck van. Nag-aapurang isinaradong muli ito, sabay patatakbuhin nang mabilis ng driver ang closed truck van.

Sa lakas ng 'impact' ng tama ng bato sa bahay, mapapalabas sina Ernie, Ine at Luisa na pawang nagugulumihanan.

All reactions:1Maria Digna Ramos

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon