"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"
Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
IKAANIM NA KABANATA
BUWAYA SA DAGAT NG BUHAY
Ikaanim-na-po't limang Tagpo
Nang malapit na sa San Miguel, Bulacan ang dyipny na sinasakyan ni Ernie, maraming mga pasaherong bumaba. Tatlo na lamang silang natira sa loob ng sasakyan.
May dalawang magkasintahang humahalimuyak sa pabango na sumakay at pumuwesto sa tabi ni Ernie na seksing-seksi pa rin sa kanyang kasuotang bestidang pula. Kasunod ang isang mamang mukhang 'goon' sa pelikula na amoy-alak na may dalang bayong at pumuwesto sa kabilang hanay naman ng upuan.
Habang nasa loob ng dyipny, pinangatawanan nang tuluyan ni Ernie ang pagpapanggap na isang Diyosang may katakam-takam na pambihirang kagandahan. Kinuha niya sa bag niyang pambabae na may tatak na Gucci ang isang mirror at lipstick upang mag-retouch ng kanyang labi.
Kitang-kita niya sa salamin ang malantik niyang mga kilay na nilagyan pa ng eyelash extension ni Ine para magmukha siyang babae. Napapangiti na lamang si Ernie sa sarili at ibinubulong niya sa isip "Oy, ikaw ang ganda mo!" habang titig na titig sa sarili sa salamin.
Naiisip niyang maging siya, nai-in love na 'ata sa kanyang sarili. May pakagat-kagat labi pa si Ernie habang nagre-retouch ng lipstick niya sa labi. Kahit paano, nakatutulong ang kanyang ginagawang pagpapanggap para maibsan ang kanyang kaba.
Ilang saglit pa, huminto ang dyipny pagdating nila sa may San Rafael nang pumara ang dalawang sakay na lalaki. Tanging ang naiwan na lamang sa loob ng sasakyan si Ernie, ang magkasintahang parang mga langgam na sweet na sweet sa isa't isa.
Habang tumatakbo ang sasakyan, hinunta si Ernie ng lasing na lalaki na mistulang kontrabida sa pelikula na kahawig ni Paquito Diaz na nagtikwasan ang bigote sa nguso.
"Miss ang ganda mo!" ang bati kay Ernie ng lasing na pasaherong kahalintulad ni Paquito Diaz.
Ngumiti lang si Ernie. Pinili niyang di-magsalita para di siya mahalatang lalaki. Nagpatuloy sa pagkukuwento ang lalaki.
"Alam mo...matagal na ko sa abroad...nauwi lang ako kasi...nabalitaan kong kinakaliwa ako ng asawa ko...alam mo bang kahawig mo ang asawa ko..." ang mangiyak-ngiyak na tinig ng lasing na pasahero.
Kinabahan si Ernie. Biglang natigil sa paglalambingan ang magkasintahang katabi ni Ernie. Itinaas ng lalakl ang bayong na hawak-hawak at sa loob nito'y umaalingangaw ang tatlong malalakas na putok ng baril. May pumulandit na dugo sa bestida ni Ernie. Napatulala siya sakmal ng matinding takot. Pinakiramdaman niya ang sarili kung may mga naglagos na bala sa kanyang katawan nang biglang bumulagta ang dalawang napagkamalan niyang magkasintahan na punumpuno ng dugo. Nuon lang niya napagtantong ang pumulandit na dugo ay galing sa tama ng punglo sa dalawa. Salamat sa Diyos at buhay pa siya! Napahinto nang di-oras ang driver na nagmamaneho ng dyipny at sa tindi ng takot, kumaripas ng takbo.
Shock si Ernie, naihi siya sa brief nang di-namamalayan habang nanginginig ang kanyang mga tuhod.
Tuloy-tuloy na humahagulgol ang lalaking pinagtaksilan ng asawa.
"Matagal ko na silang sinusubaybayan...mula sa hotel na kanilang pinanggalingan hanggang rito sa pagsakay nila sa dyipny...buti di nila ko nakilala...akala kasi ng mrs. ko...next year pa ko darating..." ang patuloy na paghagulgol ng lalaki.
Napatuon ang paningin ni Ernie sa duguang katawan ng babae at ng kaluguyo nito. Naisip siya, malaki nga pala ang pagkakahawig sa kanya ng babaeng nakahandusay sa loob ng dypny.
Kasunod nuo'y isa pang malakas na putok ang gumulantang kay Ernie. Bagsak na lumatag ang katawan ng 'killer' katabi ng nangaliwang asawa.
All reactions:1Charet B. Monsayac
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
AventuraKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...