IKASAMPONG KABANATA : DALUYONG (TAGPO 119-B)

9 2 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKASAMPONG KABANATA

DALUYONG

Ikaisaandaa't labingsiyam na Tagpo (B)

Sa kagustuhang mabuhay pa ni Ernie, parang batang munti itong nakipag-agawan sa tubig-ulan sa kanyang bibig sa babaing biktima rin ng trahedya na walang patumanggang sinisipsip at sinasaid ang nalalabing tubig-ulan sa bibig ni Ernie. Kapwa nasa survival of the fittest mode sila, matira-matibay sa kanilang dalawa na malauna'y laway sa kapwa laway na ang kanilang pinag-aagawan at habang ginagawa nila ito'y kapwa di nila nakikilala ang kanilang mga sarili. 

Ang mahalaga sa kanila sa mga oras na yaon, matighaw kapwa ang kanilang mga uhaw. Kaalinsabay nuo'y ang pabugso-bugsong malakas na ulan na may kasamang salitan ng matatalim na kidlat at dumadagundong na kulog sa labas ng gumuhong gusali hanggang sa umabot na kapwa basang-basa na sila sa mga patak ng ulan na dumadaloy sa kanilang mga ulunan na nanunulay sa kanilang mga pisngi at parang may mga isip na naglalandas naman sa kanilang mga labi. 

Pakiramdam nila'y kapwa nasindat na sila sa masaganang tubig-ulan na nanunulay sa kanilang mga bibig habang nagsisipsipan sila ng kanilang mga labi na pakiwari nila'y nakatagpo sila ng balong ng pamatid-uhaw Sa mga sandaling yaon, unti-unti nang bumabalik ang lakas ni Ernie at ng babaing hanggang ngayo'y di pa rin niya nakikilala.

Pinipilit na kinikilala ni Ernie ang babae, pilit na inaaninaw sa dilim ngunit di pa rin niya ito makilala. Tanging sa manaka-nakang pagkislap ng matatalas na kidlat sa labas ng gumuhong gusali na naglalandas ang pasaglit-saglit na liwanag sa mga siwang ng maliliit na lagusan sa loob nito ang tila si Amorsolong gumuhit sa anino ng isang babaing may mahabang buhok na naaaninaw na ni Ernie.

Biglang sumagi sa isip niya si Arianne. Di kaya si Arianne ito sapagkat ito ang huling babaing nakasama niya sa roof deck bago pa ito gumuho?"Arianne?" tila nanantiyang tawag ni Ernie sa babae.

Nagitla ang babae sa pagtawag niya. Pilit na inaaninaw si Ernie sa dilim. Biglang humupa na ang matinding buhos ng ulan.Tinawag uling Arianne ni Ernie ang babae. Nanatiling walang kibo ito. Pagkaraan ng ilang saglit, binasag ng babae ang kanyang pananahimik.

"Tinawag mo kong Arianne?" nagtatakang tanong ng babae.

"Sino ka ba?" ganting tugon ni Ernie na pilit na binabasa ang nasa isip ng kapwa niya biktima.

Mapapahagulgol ng iyak ang babae.

"Wala akong maalala...di ko rin ang alam kung bakit ako narito huhuhuhu..."

Saglit na natigilan si Ernie. Di malaman kung paano aaluin ang babae. Buong lakas na tinangka niyang bumangon at sa wakas nakagalaw na rin siya.

"Huwag kang umiyak...lakasan mo ang loob mo...wala tayong dapat gawin kundi magtulungan kung paano tayo makalalabas rito..."

Patuloy pa rin sa pagnguyngoy ang babae na waring patuloy na nagugulumihanan.

"Wala ka bang alam na lumindol nang malakas? Isipin mo kung saan ka naroon bago lumindol?

"Wala ako talagang maalala?

"Sino ang kasama mo bago pa lumindol? Wala ka bang naaalalang roof deck...five star hotel na may partisyon ng iba't ibang condo units...." ang sunod-sunod na tanong ni Ernie na nagbabakasakaling maibalik sa alaala ang kausap at upang matiyak din niya na si Arianne ang kasama niya sa loob ng gumuhong gusali.

Muli, humagulgol na naman ng iyak ang babae.

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon