"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"
Kathang Nobela ni Zampagitang Azul
IKAAPAT NA KABANATA
KUKUTI-KUTITAP NA BITUIN
Ikatatlumpo't tatlong Tagpo
Sa labas ng tarangkahan ng bakuran ng lumang bahay nina Ernie, kitang -kita ng mga kapit-bahay na nag-uusyuso habang hangos na umakyat sa malapad na hagdanang tabla na yari sa yakal at unat brasong pinagtataga ni Mang Damian ang pinto ng lumang bahay at galit na galit na sumisigaw.
"Lumabas ka riyan Liling...tatadtarin kita ng pinong-pino impaktita ka...kung pinautang mo lang ako...disin sana namatay ang asawa ko! Lumabas ka riyan hayup kaaa!" ang pagtutungayaw ni Mang Damian.
Di-magkamayaw sa labas ang mga kapitbahay.
"Tumawag kayo ng mga baranggay tanod...Diyos ko baka makapatay si Mang Damian!" ang sigaw ng isang matandang lalaking uugod-ugod na.
"Mang Damian, maghunos-dili ka..." ang sigaw nung isang babaeng may bitbit na pasusuhing anak.
May ilan namang natutuwang nag-uusyuso.
"Naku! Sana mapatay na 'yang Liling na 'yan. Demonyita talaga! Akala mo di nanggaling sa hirap...yumaman lang, akala mo na kung sino...pwe!"
"Pag ganitong wala nang mapagkakitaan ang mga tao at sa patuloy na pagtaas ng bilihin...maiisipan mo na talagang maghuramentado!"
Buong lakas na tinadyakan ni Mang Damian ang pinto na biglang bumukas. Pagkakita kina Ernie at Ruperto, inambahan agad ni Mang Damian ang mga ito.
"Huminahon ka Mang Damian, pag-usapan natin ito!" ang amuki ni Ernie.
"Oo nga Mang Damian...bibigyan kita ng maraming pera...ibaba mo lang 'yang itak mo..." ang panlalansi ni Ruperto.
"Di ko na kailangan ng pera...patay na ang asawa ko! Ilabas n'yo si Liling...kundi kayo ang pagtatagain ko!" ang sigaw ni Mang Damian.
Sa hangos na papasok ang mga bikolanong trabahador na may bitbit na kani-kanilang pamalo. Paiikutan si Mang Damian.
"Huwag kayong lalapit kundi magkakamatayan tayo!" ang mariing pagbabanta ni Mang Damian.
Sa loob ng silid, tahimik na tahimik si Liling na sinagilahan na rin ng matinding takot. Gayundin si Ine, na nangangaykay sa matinding nerbiyos.
"Diyos ko po...tulungan nyo kami...sana matapos na po itong problemang ito..." taimtim na umuusal ng panalangin si Ine.
Nang makatiyempo si Ernie, di na nagdalawang isip ito, dinamba niya ng matinding sipa sa likod si Mang Damian na tumilapon ang katawan sa sahig at sabay na nabitawan nito sa kamay ang itak na hawak-hawak, Sinamantala ng mga bikol na trabahador ang di-inaasahang pangyayari. Dinumog ng mga ito si Mang Damian. May pumapalo, may sumisipa, may sumusuntok. Putok-putok ang nguso at mga labi ni Mang Damian. Nagtitilamsikan ang mga dugo sa mukha at katawan ng kahabag-habang na nilalang. Bugbog sarado na ang inabot nito.
Nang mapansin ni Ernie na di na kumikilos si Mang Damian, nakaramdam ng matinding habag si Ernie sa matanda.
"Tama na! Lubuyan n'yo na...baka mapatay nyo!" ang awat ni Ernie.Dahan-dahan, sisilip sa pinto ng silid sina Liling at Ine. At nang makita na nilang lugmok na si Mang Damian, lalabas na rin sila sa loob ng silid na namamahay pa rin sa mga puso ang matinding takot. Pilit na nagtatapang-tapangan pa rin si Liling kahit pa nga kanina lamang ay sinaklot siya ng matinding pangamba.
"Sige, dalhin na n'yo 'yan sa barangay hall...ang lakas ng loob na pasukin kami rito...ayan tuloy ang napala niya!" Nagbalik na uli ang dating postura at tapang ni Liling. Yayakap naman si Ine na nangangaykay pa rin sa nerbiyos kay Ernie.
Sa papasok ang mga baranggay tanod, sa loob ng sala ng lumang bahay at bibitbitin nila ang wala nang malay na si Mang Damian para dalhin sa baranggay hall. Inanyayahan na rin ng mga baranggay tanod sina Ruperto, Liling, Ernie at Ine para sa isang imbestigasyon.
All reactions:10Mary Bulaong, Herman Manalo Bognot and 8 others4 commentsLikeCommentShare
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
AdventureKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...