"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"
Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
IKAANIM NA KABANATA
BUWAYA SA DAGAT NG BUHAY
Ikalimampo't tatlong Tagpo
Habang papalapit nang papalapit ang eleksyon, painit nang painit ang pangangampanya ng magkakatunggaling partido.
Maagang gumayak si Ernie. Pakiwari niya naiipit siya sa dalawang nag-uumpugang bato. Nakaukit pa rin sa kanyang isipan ang matinding galit ng kanyang Kuya Ruperto sa hayagang pangangampanya ng kanilang mga kapatid para kay Kapitan Anchong. Sa kabilang dako naman, inaasahan ni Kapitan Anchong na siya ang susuportahan ni Ernie sa eleksyon.
Kailangan niyang kausapin ang Kuya Ruperto niya para payapain ang kalooban at paalalahanang muli ang kanilang panganay na kapatid sa pagpasok nito sa magulong mundo ng pulitika. Gayundin, sa pagkakataong ito, kailangan na rin nilang mag-usap ng Ninong Anchong niya upang maiwasan na ang mga pagdududa at posibleng di-pagkakaunawaan sa bandang huli.
Sa Jaen, Nueva Ecija, matapos makapagpaalam kay Ine, lulan ng kanyang SUV Toyota Hilux, tinalunton ni Ernie ang landas patungo sa kanilang Brgy. Virgen De Los Flores sa Baliuag, Bulacan.
Saglit na napahinto siya sa kanyang pagmamaneho at minabuti niyang tumabi na lang muna nang masalubong niya ang mahabang hanay ng mga kababaihan at mga kalalakihang nagsisipagsayaw ng zumba na may kanya-kanyang tagahawak ng malalaking banner na kumakatawan sa bawat purok ng kanilang baranggay at may mga nakalimbag na ganito: MABUHAY SI KAPITAN ANCHONG, PAG-ASA NG KINABUKASAN NG MGA KABATAAN, IBOTONG MULI KAPITAN ANCHONG, KAKAMPI NG MASA, KAPITAN ANCHONG FOREVER, KAPITAN ANCHONG WALA NG IBA, IKAW LANG at kung ano-ano pang nakalimbag sa banner ng bawat purok. Sa daan, masayang-masaya at nagkakatuwaan ang lahat ng mga nag-uusyuso.
Ibinukas na rin ni Ernie ang bintana ng kaniyang SUV para makiusyoso na rin. Dinig na dinig niya ang pag-uusap ng dalawang lalaking na kapwa nasa edad singkwenta na halos nakadikit na sa SUV niya.
"Ang laki siguro nang nagastos ni Kapitan Anchong sa Pa-Zumba Event na 'to sa ating baranggay!"
"Oo nga, balita ko, 10 thousand bawat purok ang kanyang ipinamigay para sa libreng pa-uniforme at 500 pesos na allowance sa lahat ng sasali bukod pa sa mga papremyong ipamimigay mamaya..."
"Balita ko... may libre pang pakain pa raw...."
"Sa tantiya ko...milyon ang magagastos na naman niya sa eleksyon..."
"Ikaw naman...parang di ka na nasanay....ginagawa niyang negosyo ang eleksyon...imagine lahat ata ng malalaking negosyo...siya na ang may hawak rito sa ating baranggay hehehe..."
"Isa pa nariyan ang graft and corruption na maaaring pagbawian ng mga nagastos ng pulitiko..."
"Balita ko...yung tumatakbong Kapitan na si Ruperto Santos...malaking halaga rin ang pawawalan noon sa eleksyon...talamak na naman ang magiging vote buying rito sa ating baranggay..."
"Ok lang 'yun...diyan lang naman tayo nakikinabang sa mga pulitiko pag eleksyon hehehe"
"May isa pang Ruperto C. Santos III na tumatakbo...malamang magkapatid sa ama...magkaiba ng middle initial...isang Dimaapi at isang Cruz...duda ko...pinatakbo lang 'yun ni Kapitan Anchong para basagin ang boto nung Ruperto D. Santos hahaha."
"Di lang dito nangyayari sa ating baranggay ang ganyang kalakaran...kahit saang lugar sa Pilipinas, laganap na ang mga buwitre at buwaya sa ating lipunan na gagawin ang lahat, mapuwesto lang sa kapangyarihan para magkamal ng yaman!"
Kung ano-ano ang pumapasok sa isip ni Ernie matapos mapakinggan ang dalawang lalaking malapit sa SUV na tila mulat na at bukas na sa kalakaran ng pulitika di lamang sa kanilang baranggay kundi maging sa buong Pilipinas.
Naisip ni Ernie, sadyang marumi ang pulitika. Paanong uunlad ang Pilipinas kung ganito na ang kalakaran sa pulitika at ganito na rin mag-isip ang mga botante na handang ipagbili ang kanilang boto sa mga ganid na pulitiko basta may ipantawid gutom man lamang?
Paano niya pakikibagayan ang kanyang Kuya Ruperto na nais pumasok sa magulong mundo ng pulitika na ang layunin sa paglilingkod ay pansarili lamang gayundin si Kapitan Anchong na ginagamit ang kapangyarihan at koneksyon upang manatili sa poder at lalo pang magkamal ng yaman sa paggawa ng katiwalian?
All reactions:1Edru Mano
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
AdventureKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...