SAM'S POV.
Ilang araw ang lumipas at ganoon pa rin ang nangyari sa araw-araw naming lahat. Nagtuloy ang activities at nagsisimula tuwing umaga hanggang sa abutin ng dapit hapon. Nakakapagod, ngunit mas mabuti nang ganito kesa araw-araw ay magmukmok ako at damdamin ang lahat ng pasanin ko. Kahit papaano ay nakakatawa at nakakapag-enjoy ako, kahit pa bigla pa rin akong binabalot ng lungkot tuwing maalala ko ang lahat.
"The food is good," lumapit sa akin si Renz.
Kumakain kami sa dining hall ng hotel, dinner ng lahat pagkatapos ng activities. Totoong masarap nga ang mga pagkain. Magkasama sina Zia at Andy sa isang table, kasama nila ang ilan sa mga kaklase namin. Ako naman ay nasa bar table at kumakain mag-isa. Maingay sa puwesto ng mga kaibigan ko kaya mas pinili kong mag-isa.
Tumango lang ako sa sinabing iyon ni Renz. Naupo siya sa tabi ko saka inilapag ang dala niyang bottled water, "Water over soda."
Tahimik akong natawa, "Health conscious ka na pala ngayon?"
Nakangiti niyang nilingon si Kalia, na nakaupo sa kahoy na bench sa hindi kalayuan. Mas malaki na ang tiyan niya ngayon, hindi ko na masyadong napapansin iyon dahil sa mga nangyayari. Ang ganda rin niyang magbuntis, parang gusto ko na tuloy maniwala sa sabi-sabi na nakakaganda kapag ang ipinagbubuntis mo ay babae. Napangiti ako sa iniisip, lalo pa't mukhang may nagbago kay Renz nang dahil kay Kalia. Tinamaan si loko.
"You're inlove," sambit ko.
"No," sagot niya.
"I am not asking."
Natigil siya nang nakangiti kong sinabi iyon. Hindi na siya nakapagsalita, kita sa mukha niya ang kawalan ng isasagot. Mauubusan ka lang naman ng sasabihin kapag pinipilit mong pagtakpan ang totoo. Hinding-hindi magsisinungaling sa iyo ang puso mo, traydor ang utak sa ganitong sitwasyon.
Ika nga nila, mababasa sa mga mata ang mga salitang hindi maibigkas ng bibig mo.
Tumuloy na ako sa pagkain matapos ang maikling kuwentuhan, saka nagpunta si Renz sa puwesto ni Kalia. Sina Andy at Zia naman ay abala sa pakikipagtawanan sa engineering students na nasa lamesa nila. Nakakatuwa na nagagawa na nilang magsalo-salo. Hindi pa man namin nararating ang dulo ay tila nakikita ko na ang resulta.
Malaking tulong rin ang pangyayaring ito sa akin. Hindi na ganoon kabigat ang pakiramdam ko kumpara noong mga nakaraang araw. Dahil siguro sa pagod, pakiramdam ko ay husto na ang bigat at sakit na nararamdaman ko. Parang unti-unti ay pinapakawalan ko na ang pag-asang maaayos namin ni Vrel ang kung ano mang nangyayari sa aming dalawa. Meron pa ring kirot, pero mas nangingibabaw na sa akin ang pawiin iyon. Sa sitwasyong ito, ako nalang ang nagpapahirap sa sarili ko. Kailangan ko nang umusad, dahil mas lalo akong mahihirapan kung pipiliin ko parin ang manatili at maghintay.
Matapos ang salo-salo ay nagtipon-tipon ang lahat sa pool area ng hotel, nakihalo na rin ako kahit pa kanina ko pa gustong umakyat sa room namin at magpahinga. Ngayon lang 'to, mabuti nang sulitin ko.
"Ano ka ba, Mrs. Cruz, hayaan mo nang magsaya ang mga students mo. Malalaki na ang mga 'yan."
"Oo nga.. At isa pa, wala naman tayo sa campus, payagan niyo na sila."
Mukhang nais na mag-inom ng mga ito ngayon. Maya-maya pa ay dumating ang Dean, nakapasok ang mga kamay sa bulsa, kahit ganitong oras at sitwasyon ay pormal pa rin siya kung manamit, itim na polo at maong, kamukhang-kamukha niya ang anak niya.
"Hayaan ninyong magsaya ang mga bata, iyon naman ang pinunta natin dito."
Lahat ay naghiyawan sa sinabing iyon ng Dean.
BINABASA MO ANG
OH MY GHOST [ONGOING]
RomanceSi Samara ay isang masayahin at positibong dalaga na kayang pagaanin ang loob ng mga taong nakakasalamuha niya. Hindi siya naniniwala sa mga multo at kaluluwa, at kailanman ay hindi siya natakot sa mga kuwento tungkol sa kababalaghan. Ngunit sa isan...
![OH MY GHOST [ONGOING]](https://img.wattpad.com/cover/286704645-64-k514507.jpg)