Sinubukan kong tanggalin ang mga natuyong dugo na nakasingit sa kuko ko pero hindi ko magawa dahil hindi magtama ang mga mga daliri ko.. masyadong nanginginig ang mga ito. Kumapit ako nang mahigpit sa lababo sa inis. Pumipintig sa sakit ang ulo ko at unti-unti nang umiikot ang paligid pero kailangan kong umayos.
Hindi nagtagal, naduwal na ako sa lababo.
Pinunasan ko ang malalamig na pawis sa palagid ng mukha ko at hinagod na buhok na tumatabing sa paningin ko saka dahan-dahang tumingin sa salamin.
I was full of sweat, messy-haired, blood-stricken, and confused. I took slow deep breaths, one after another just to regain myself but nothing happened. Huminga lang ako at patuloy na natatakot sa nakikita ko sa salamin.
Ito ang nakita ko noon sa tinted na salamin ng taong sumilip sa'min ni kuya matapos tumaob ang sinasakyan naming kotse. Naalala ko nang hilahin nila ang kuya kong naghihingalo paalis sa bubong ng backseat ng nakataob na kotse at naiwan akong mag-isa ng napakatagal na panahon habang umiiyak.
Ganito ako nang makarinig ng mga taong nag-away na nauwi sa pagmamakaawa ni nanay bago ako makarinig muli ng komosyon. Naaalala ko pa ang bawat bubog na tumutusok at bumabaon sa balat ko habang hinihila ako ng mga taong hindi ko kilala palabas.
Ito yung itsura ko nang lumapit sa'kin ang mga taong dapat na sasagip sa'min na wala namang ginawa kundi titigan ako ng walang kaamor-amor at tumawag sa telepono. Sumigaw ako sa hinagpis nang makita kong tinakpan ng puting kumot ang mga duguan at walang buhay na katawan ng nanay at tatay.
Ganito ang sarili kong repleksyon sa glass na bintana ng ambulansya nang magwala ako dahil sa sapilitan nila akong ipasok doon ng wala ang kuya ko. Doon ko na rin sya huling nakita.
Tinitigan ko lang ang bukas na faucet, pinabayaang tumapon ang tubig sa sink. Nilunod ang sarili sa tunog ng tubig na tumatama sa porcelanang lababo.
Ano bang nagawa ko para maranasan ko lahat 'to? Sobra bang bigat ng kasinungalingang nagawa ko kaya nangyayari 'to sa'kin? Hindi pa ba sapat yung parusang nakuha ko noon? Kailangan pa ba nito? Kailangan pa bang mawalan ulit ako para maging kabayaran sa lahat ng maling ginawa ko?
Naligo ako nang iniiwasang pumikit, mas gusto kong makita ang dugong humahalo sa tubig at umaagos galing sa katawan ko papunta sa sink kaysa makita sa likod ng talukap ng mga mata ako ang duguang katawan ng kasama ko. Ayokong maalala kung papano 'ko sya inakay sa mga braso ko, niyakap at kinapitan..
Ang mga malalalim na hinga, ang pagsuray ng lakad, ang pag tango nya sa'kin nang sabihin kong sandali lang ako.. Pero kahit anong gawin ko, paulit-ulit pa rin syang dumadaan sa utak ko na parang nawawala na ako sa kinatatayuan ko..
Ayoko na..
Ayoko na.
Napahilamos ako sa sarili para mahimasmasan, tinatawag ang sarili para bumalik sa kasalukuyan. "Alice.. Alice.."
Tatlong malalakas na katok mula sa pinto ang halos nagpatalon sa'kin. "If you don't say anything, I will open this door!"
"I-I'm about to go out!" sagot ko.
Nagmadali akong tapusin ang paliligo ko at nagbihis gamit ang natirang T-shirt at boxers ni Vincent na nakalagay sa bag nya. Paglabas ko ng banyo, sinalubong ako ni ate nurse ng makapal na tuwalya at ibinalot sa'kin saka ako maingat na pinaupo sa pinakamalapit na upuan.