Isang buwan.
Hindi ko akalaing isang buwan na ang nakalipas, ang bilis. Permanente na ang pagkakatanggal ng arm sling ko pagbalik ko sa doktor, ilang araw matapos ang bagong taon. Nakaalis na si Brix pauwi ng Australia, nakapagprelims na rin ako sa lahat ng subjects ko at nakakapasok naman ako sa CMAN kahit na bumalik sa dati ang uwi ko. Mas mabilis kasi kapag may maghahatid at magsusundo pero wala naman akong choice kundi magpatuloy sa buhay ko.
Tapos ko makipag-usap kay Ate Lem nung bagong taon, mas gumaang ang pakiramdam ko. Minsan pala kailangan ko lang magkwento para makapaglabas ng inis saka nagsawa na rin ako. Kahit anong gawin ko, umiyak man ako at sisihin lahat ng tao sa paligid ko, iikot pa rin ang maliit at malaking kamay sa orasan. Dadaan pa rin sa bunbunan ko ang araw habang pauwi ako galing sa school at lulubog ito sa kanluran, hudyat ng pag-alis ko papunta naman sa trabaho ko Makikita ko pa rin ang buwan pagtapos ng shift ko sa coffeeshop at mag-aabang pa rin ako ng jeep para makauwi.
Sino ang mapapag-iwanan?
Ako.
Ako pa rin. Kakawawain ko lang ang sarili ko kung ibabaon ko ang sarili ko sa inis dahil sa nangyari.
Eto pala yung sinabi ni nanay na ‘wag magtatanim nang sama ng loob sa kahit na sino dahil sarili ko lang ang papahirapan ko. I spent hours.. days.. even weeks feeling down. Nainggit ako sa mag taong masaya sa paligid ko na pwede naman akong maging masaya para sa kanila. Masyado akong nagpakain sa pakiramdam na iniwan ako na..
Ang OA ko na.
Nakakainis, bakit ngayon ko lang narealize ‘to? At inabot ako ng mahigit isang buwan, ha? Ang slow, te.
“Lalim ah.” Pagtingin ko kay Zeke, nakatuon ang mga mata nya sa sahig kaya napatingin din ako.. wala naman.
Nasa library kami ngayon ng school para sa reporting namin tungkol sa Human Anatomy. There are 12 systems inside our body. Oo, madali lang kung overview pero kailangan kong kabisaduhin lahat yon sa isang buong semester nang hindi namamatay o nag-a-attempt mag-suicide.
“It’s so deep I can’t communicate to you anymore.” banat pa nya.
“Nagkakabisa ako.”
“Kaya pala ang daming sulat ng notes mo, no?”
Pilit kong tinupi ang papel na puro drawing at inipi sa librong ginagamit ko ngayon sa pag-aaral.
“Kung ako sa’yo, kung ayaw magkabisa ng utak mo, wag mo pilitin. Sayang lang oras mo.”
“Wala na kasi akong panahong magreview sa gabi kaya sinusulit ko na ‘tong lunch.”
“Recess daw muna kayo ng utak mo, Alice.” Sang-ayon ni Avery kay Zeke. “Tatlong araw pa lang kaming sumasama sa’yo sa pag-aaral pero.. Hindi ka ba napapagod? Dalawang linggo ka nang nandito, kumakain ka ba ng lunch?”