Harmon sa Buhay (Tradisyunal na Tula)

28 0 0
                                    

Hamon sa Buhay

Isang nakakabinging katahimikan
Na bumabalot sa ‘ting kapaligiran.
Katahimikang nagbabanta sa atin
Ng isang pangyayaring susubok sa ‘tin.

Di mo mamamalayan na nandiyan na.
Mapagtatanto mo lang kapag huli na.
Nasa pinakailalim ka na nito,
Nagsisising hindi napaghandaan ‘to.

“Asahan ang mga hindi inaasahan,”
Iyan naman ang sabi ng karamihan.
Hindi ka pa ba sanay na laging ganyan?
Takbuhan mo man, ‘di mo matatakasan.

Nalulunod ka na sa karagatang ‘yan,
Karagatan ng malalang kaguluhan?
Sinakal ka na ng kasinungalingan
Na nagdudulot sa’yo ng kabiguan.

Makakaahon ka pa ba kaya rito
Kung malakas ang bagyo at alon nito?
Sa lakas ng hangin na tatangay sa’yo,
Hindi mo alam kung saan papatungo.

May makakapitan ka pa kayang bagay
Kung ang paligid mo ay wala ng buhay?
Sinasabi ko sa’yo... ganyan talaga.
Pero manalig ka lang at kumapit pa.

Hawak ng Panginoon ang iyong kamay.
Siya ang lakas kung ikaw ay lupaypay.
Magtiwala’t lumapit ka pa sa Kanya,
Kumapit sa Kanya’t ‘wag nang bumitaw pa.

Hayaan mo lang na tumulo ang luha
At pumatak ang ulan sa iyong mukha.
Umahon ka’t ipagpatuloy ang laban.
Iyo nang ipamalas ang kakayahan.

Iba’t ibang pagsubok sa ating buhay
Na sa ating alaala nakalagay.
Kalimutan man ay hindi mo magawa
Dahil dito mo nahanap kung sino ka.

Ang ating karanasan sa nakaraan
Ay ibabahagi sa kasalukuyan
Na patnubay sa ating kinabukasan
At tatayong simbolo ng katapangan.

Tula sa PapelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon