Nueva Ecija - 1997

2.1K 35 1
                                    


Ito yung mga panahong maalwan at maluwag ang kabuhayan ng buo kong angkan, dahil sa negosyong bigasan at babuyan sa Nueva Ecija na siyang inilalako namin dito sa Maynila. Tuwing biyernes ng gabi ay pumupunta ang buong pamilya sa Nueva Ecija upang humango ng mga baboy na kakatayin, sama-sama at nagkukulitan kaming magpipinsan, dahil nga sabik kami sa malamig at sariwang hangin ng probinsya, hindi tulad dito sa siyudad na puno ng polusyon at lahat na yata ng uri ng polusyon ay naririto na. Onse anyos lamang ako noong mangyari ito sa nakababata kong kapatid na babae na si Marikit. Si Marikit ang pinakamaganda sa magpipinsan, nakuha niya ang pangalan niya dahil sa ibinigay ng mga nurse ng Fabella Hospital kung saan siya ipinanganak, dahil sa siya nga ang pinakamagandang sanggol noong panahong iyon, may mapupulang labi singkit na mga mata, porselanang kutis at namumula-mulang pisngi, siko, kamay at talampakan, tila ba anak ng isang intsik, marahil na din siguro dahil nga may dugo kaming intsik na nakuha sa aming lola sa partidos ng aking ama, ang mga Tankeco. Siguro dahil na din sa kagandahang taglay, kaya siya kinursunada.

Simulan na natin.

Malapit na magsimula ang pagbabalik eskwela namin, papasok na naman ang buwan ng Hunyo, kaya't napagkasunduan naming mag-anak na hindi muna sasama sa pagkuha ng baboy sa Nueva Ecija sa darating na Biyernes dahil mamimili kami ng mga gamit pang-eskwela.
Dumating ang araw ng Biyernes naghahanda na ang lahat papuntang probinsiya, liban saming mga maiiwan sa bahay, ngunit si Marikit ay biglang nabago ang isip, marahil nabuyo ng iba ko pang pinsan na sumama sa kanila sa probinsiya, at hayun. Nagmamaktol sa aming ama nag-uumiyak dahil nga gustong gumala't nangangati ang talampakan. Matigas na sinabi ng aking ama na "Hindi ka sasama!." ngunit tila ba may padrino sa loob si Marikit na nagpapalakas ng kanyang loob at handa siyang arborin kung sakaling hindi pumayag ang aming ama. Si Lola Doray, ang mahal naming lola, siya ang makikiusap para sa aking ama na siya ay pasamahin, medyo malakas ang nakuhang padrino ni Marikit at tila yata tumiklop ang haligi ng aming tahanan. Kunot noo na lang ang ama ko, habang nakasimangot na binibilinan ang kanyang ina na ingatan si Marikit at hindi namin ito makakasama ng halos dalawang araw, nag-iisang anak na babae pa naman at puros kami may bayag sa pamilya, napakahirap para sa aking tatay na mawawalay ng ilang araw ang paboritong anak na babae, nangako ang lola sa aming tatay na ikalma ang isipan, at nasa mabuting kamay ang paboritong anak at hayaan na lang itong makapagsaya sa Nueva Ecija kasama ang mga pinsan. Umalis sila lulan ng isang van, at pihadong aabutin sila ng ilang oras sa biyahe at tiyak na aabutin sila ng madaling araw bago marating ang destinasyon. At ito ang mga nangyari sa probinsiya, ayon sa pagsasalaysay at sa bersiyon ni Marikit.

Alas dos na noong nakarating sila sa Santo Tomas, dahil nga din sa pagod ay agad nakatulog ang lahat. Alas Dies na ng umaga ng magising si Marikit, marami silang kamag-anakan na dumalaw din doon mga malayong kamag-anak na. Abala ang lahat sa pagluluto ng tanghalian, siya naman ay nag-aalmusal pa lang ng pandesal na may kaparehang kapeng itim na binudburan ng asukal, na halos sintamis ng arnibal, yan ang paborito ni Marikit na ihinain ng aming lola.
Maraming mga bagong mukha ang kanyang nakikita, marami ang kumukurot at bumabati sa kanya dahil nga sa angking ganda ay talaga namang kagigiliwan ninuman lalong-lalo na kung ika'y taga probinsiya.
Abala na ang lahat habang kumakain ng tanghalian, nang may pumasok na malayong kamag-anak sa bahay, hindi para makikain kundi para magmatyag. kapansin-pansin ang itsura nito na napakatanda na at uugod-ugod na din na may hawak pang patpat bilang gabay sa paglalakad, agad lumapit si lola at nagmano sa matandang lalaki. "Mani po, Tata Selso, sumabay na kayo sa amin." Itinaas lamang nito ang kanang kamay bilang tugon, huwag na daw mag-abala at tumuloy lang sa pagkain nila. Sa murang isip ng aking kapatid at dala na din ng kapilyahan ay natatawa nitong maisip na yung lola naming ubod na ng tanda ay may tiyuhin pa pala na nabubuhay pa. "Matanda na, matanda pa!."
May isang bagay na napansin si Marikit, yung matandang si Tata Selso ay nakamasid lang sa kanya habang pinapakin siya ni lola, at sa tuwing magtatama ang tingin nila ay ngingiti ito sa kanya at ilalabas ang gilagid na may iilang ngipin na lang ang nakakabit.

Sumapit ang gabi, oras na ng pagtulog nila, kanya-kanya silang pili ng kwarto sa aming luma ngunit may kalakihang bahay sa Nueva Ecija. Sa sobrang dami naming magkakamag-anak ay okupado lahat ng limang kwarto, kaya't si Lola Doray at Ante Ekang na lang ang natulog sa salas sa tapat ng malaking bintana, doon sila naglatag. Sa isang silid malapit sa hagdan naman si Marikit at ang pinakapangay sa aming magpipinsan, si Ate JM, dalawa lang sila doon sa sa silid na yun. Hindi pa ganon katagal simula ng patayin lahat ng ilaw sa kabahayan ay may narinig na si Marikit na parang kumot na ipinapagpag, tila ba isang pakpak, malayo naman daw ang tunog nito ngunit unti-unti ay lumalapit. Malamig ang kwarto nila Marikit ngunit sa matinding nerbiyos pinagpapawisan siya ng butil-butil, patuloy pa din sa paglapit ang ingay na nadidinig at sa pag-aakalang dadaan lang ito ay tunay ngang nagkamali si Marikit, tila ba may lumapag sa bubong na napakabigat, nagsimulang kumilos, at paminsan-minsa'y lumilipad ulit. Ngunit hindi umaalis sa itaas ng kanilang bubong, tila ba may hinahanap. Nararamdaman ng aking kapatid ang pagkilos ng kung anuman ang nasa itaas, kumakaluskos ang bubungan nila, ngunit marahil siguro malaki ang bubungan ay hindi pa matiyak ng kung anuman ang nasa itaas kung kaninong silid ang sisilipin niya.
Matagal na nasa bubungan ang kung anuman iyon na tila ba may hinahanap, hanggang sa narinig ulit ni Marikit ang parang kumot na ipinapapag ng paulit-ulit, at nagsimula na niyang maramdaman ang hanging nililikha nito, pumapasok na sa loob ng silid na kinalalagyan niya ang hangin na nagmumula sa tila ba napakalaking pakpak na ikinakampay ng kung anuman ang nasa bubong nila. Nagsimula nang mag-ingay ang mga alagang baboy, manok, pato at ang mga aso ay nagsimula na ding umangil na tila ba may nararamdamang panganib. Turan pa ni Marikit ay kung iisipin ay napakalaking pakpak nito, kung ang malakas na hangin at ang tunog na nililikha nito ay manggagaling nga sa isang pakpak. Pakpak ng anong hayop? Bakit parang napakalaki? Mga tanong na naglalaro sa isip ni Marikit, mga tanong mula sa murang kaisipan ng diyes anyos na paslit. Ayun daw ang pinakamatagal na magdamag sa buong buhay niya, hanggang sa halos pagsakluban siya ng langit at lupa noong mga sumunod nangyari, tila ba tukoy na ng kung anuman ang lumilipad sa ibabaw ng bubong ang kanyang puntirya, lumapag siyang muli sa bubong, ngunit kung saan na naroon ang silid na kinalalagyan ni Marikit, at nagsimulang umangil na tila ba isang mabangis na hayop na naghahanap ng masisila. Nagsimula ng matuliro si Marikit, nagdadasal na sana ay may magising na sinumang kasama nila sa loob ng bahay, maging si Ate JM na mismong katabi niya ay wala ding kakilos-kilos, mahimbing ang pagkakatulog, siya lang ang gising ng mga oras na 'yon, at hinding-hindi siya gagalaw o gagawa ng anumang ingay para lang humingi ng tulong, impit na pag-iyak na lang ang kanyang nagawa. "Sana pala nakinig na lang ako kay Papa" Kuwento pa niya. Humuni ng napakalakas ang nilalang na lumilipad sa bubungan ng bahay, dinig na dinig iyon ni Marikit, at kasabay noo'y ang muling pag-angat nito sa bubungan at paglipad papalayo. Maliwanag na ng namulat si Marikit bakas sa pisngi ang natuyong mga luha, buhat noong nangyari sa nagdaang magdamag,
ngunit may umagaw ng atensiyon niya, lahat ng mga pinsan namin at mga tyahin at tyuhin ay malalalim ang mata, tila ba hindi din nakatulog noong nagdaang magdamag. Wika ni Lola Doray "Apo, dinalaw ka ni Lolo Selso mo kagabi, hindi kami nakatulog lahat sa takot."

PS. Naghahanap daw kasi ng masasalinan si Lolo Selso at nakursunadahan ang utol ko.
PPS. Hindi totoong si Marikit lang ang gising noon, lahat sila ay gising ngunit sa takot, lahat sila'y nag-panggap na tulog
PPPS. Maraming bersiyon ang istoryang ito sa pamilya namin pero pinili ko ang bersiyon ng kapatid ko, yamang siya din naman ang puntirya ni Lolo Selso ng gabing yun.
PPPPS. Pahapyaw sa bersiyon ng Lola namin, nakita niya si Lolo Selso noong paparating pa lang, dahil doon sila ni Ante Ekang sa may bintana ng salas natutulog, nakita ni lola lahat ng nangyari.
PPPPPS. Taong 1989 pa lang ng natuto akong sumulat, naging miyembro ako ng sikat na pampaaralang editoryal noong ako'y nasa elementarya at mataas na paaralan pa lang. Kaya huwag nyong ialis sakin ang ganitong istilo ng pagsulat, malamang hindi pa kayo pinapanganak ganito na ako magsulat sa aming editoryal.
Wala pang wattpad. Matagal na akong manunulat pagpasok palang ng dekada nobenta nagsusulat na ako ng mga katha, hindi pa pinapanganak ang ilan sa inyo. Isa pa yung mga binabahagi ko, mula yan sa aking proyekto noong ako'y nasa mataas na paaralan pa lamang, mga lehitimong ekspiryensiya ng mga taong malapit sa akin.

Muli, ang inyo pong lingkod...

- The Man from Manila

Scary Stories 5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon