Ito yung mga panahong nasa kapariwaraan ako, lahat naman tayo siguro ay humantong sa pinakamadilim na punto ng ating buhay, may mga alaala tayo na hindi tayo handang ibahagi sa iba, mga ala-alang para sa atin lang.Mag-iisang dekada na halos noong mangyari ito, may naging nobya ako na halos walong taon ang pagitan namin. Siya si Kring-kring, may lahing dayuhan ang kanyang ina, kaya naman iba ang kanyang wangis sa atin na mga taga Asya, medyo maihahalintulad mo siya sa mga babaeng taga Iran, makinis at morena, balingkinitan, kulot na buhok at matangos na ilong, napakagandang babae. Nakilala ko siya dahil sa mga kaibigan ko sa banda noong ako ay nasa medyo kabataan pa, siya naman ay nasa hayskul pa lamang noon,
may iisa kaming hilig, mahilig kami sa musika kapwa kami umaawit at tumutugtog ng instrumento, kung kaya't magkalayo man ang agwat ng mga edad namin at magkaiba man ang mundong aming ginagalawan, ay pinagbuklod kami ng iisa naming hilig -- ang musika.Di nagtagal ay naging magkarelasyon kami, ngunit tutol ang kanyang mga magulang sa aming relasyon dahil nga matanda ako ng malaki kay Kring-kring. Sa sobrang sermon na inabot at pananakit mula sa kanyang ate ay nagpasya kaming magtanan, tangan-tangan namin ang mga gamit namin, alas dos ng madaling araw ay tumungo kami sa Quezon City, hindi ko na tutukuyin kung saan eksakto. Isang kaibigan ko ang naghihintay sa amin doon na aming tutuluyan. Si Vandolf, matalik kong kaibigan simula pa noong kami'y nasa elementarya pa lamang, may kinakasama din siyang dalawang buwan ng nagdadalantao, si Leslie. Tinanggap nila kami ng maluwag sa kanilang tahanan. Aapat lamang kami sa isang malaking tahanan na napapaligiran ng matataas na puno, maraming matatayog na puno sa kanilang bakuran, malawak ito, sila yata ang may pinakamalaking bahay sa lugar na ito. Napapagitnaan ng dalawang pabrika ang kanilang tahanan, hindi madaling tuntunin. Sa loob naman ng bahay ay may dalawang malaking silid at malaking sala, nasa labas ang kusina at nasa likod bahay ang sampayan ng mga damit. Yamang wala nang gumagamit ng isang kwarto ay doon nila kami pinatuloy.
Masaya kami ni Kring-kring dahil malayo kami mula sa mga taong tutol sa amin, at isa pa masosolo na namin ang isa't isa, ngunit lingid sa aming kaalaman ay may suliranin din pala ang mag-asawang Vandolf at Leslie, suliranin na magpapatayo ng aming mga balahibo.Isang hapon nanonood kami ng telebisyon ay nasira ang resepsyon, kailangang may umakyat sa bubungan upang ayusin ang antena at yamang maganda pa ang pangangatawan ko noong panahong iyon ay ako na ang nagpresintang umakyat sa bubong upang ayusing ang antena, sang-ayon na din kay Vandolf dahil medyo may kalusugan ang lalaking yan. Habang nasa itaas ako ng bubong ay nilalanghap ko ang malakas na hangin na hindi ko alam kung sariwa pa ba, napakatibay ng bubungan hindi lumulubog ang mga paa ko sa yero, pulido ang
pagkakagawa sa bahay nila kahit maglulundag ako sa bubong ay pihadong hindi ito babagsak. Yun ang naging gampanin ko sa bahay na iyon nung mga panahong nandon kami, taga ayos ng antena sa bubong, taga luto, taga walis ng mga nahuhulog na dahon at mga hinog na mangga sa bakuran, taga pamalengke at katu-katulong ni Vandolf sa kanyang malaking tindahan sa may gate ng kanilang tahanan.Isang gabing nahihimbing na kami, may ingay na gumising sa akin, ingay na nagmumula sa bubong, lumalangitngit ang bubong namin, pinakiramdaman ko, tila ba may naglalakad sa bubong, at kasabay noon ay naririnig ko din na nag-uusap ang mag-asawa sa sala. Alas dos na ng madaling araw nasa labas pa sila, hinayaan ko na lang at bumalik na ako sa pagtulog.
Kinabukasan, habang nag-aalmusal ay nagkwento si Vandolf sa akin tungkol sa nangyari noong nagdaang magdamag. May bisita daw si misis niyang buntis kagabi at kinakalmot pa daw ang bubong. Bigla akong natauhan dahil naalala ko na may lumalangitngit kagabi sa bubungan. Nagtaka ako dahil palagi akong nasa bubungan ay wala naman akong naririnig na langitngit pag naglalakad ako sa bubong. Sabi ni Vandolf sakin "mamayang gabi magsunog tayo ng goma sa harap at likod ng bahay" at ganon nga ang ginawa namin. Gabi-gabi naming ginagawa yun at nagsaksak ako ng bolo sa lupang parte ng bakuran, para mailang ang kung sino mang bumibisita kay Leslie gabi-gabi.
Isang madaling araw nagising kami ni Kring-kring dahil narinig namin si Vandolf na nagpapakawala ng malulutong na mura sa kanilang kwarto, lumabas kami ni Kring-kring para alamin ang nangyayari sa kabilang silid, paglabas namin dinatnan namin na nasa salas ang mag-asawa habang may hawak na kahoy si Vandolf, sabe nila ay may sumipa daw sa rehas na bakal na harang sa bintana, sa bandang ulunan ng higaan nila. Ginawa namin ni Vandolf ay nagsunog ulit kami ng goma sa harap at likod ng bahay at nag-ikot sa bakuran, ngunit wala naman kaming nakita.
Nagpatuloy ang mga pagdalaw ng bisita ni Leslie tuwing madaling araw at nagpatuloy ang mga langitngit at yapak sa yero, minsan ay mga kalabog at tila ba may tumatakbo sa labas ng bahay na talaga namang nagpapatindig ng aming balahibo.
Isang araw bandang alas sais ng gabi, magsisimula na sana kaming magsunog ng goma, nasa likod bahay kami ni Vandolf at naglalagay na kami ng mga lumang gimang tsinelas na pauusukin namin ng may narinig si Leslie na umaangil, narinig din namin na tila ba angil ng asong ulol, ngunit hindi namin matukoy kung saan nanggagaling dahil napakahina ng huni niya.
Sumenyas si Leslie at Kring-kring na mayroon nga silang naririnig na huni, sumesenyas sila mula sa bintana, dahil kami ay nasa labas ng pintuan sa likod bahay, napakatahimik, tanging senyas lang ang ginagawa namin upang magkaunawaan, dahil lahat kami ay nakikiramdam kung saan ba nanggagaling ang huni.
Nagsimulang manginig ang mga tuhod ko nang marinig kong lumangitngit ang yero, unti-unti ay nagsimulang tumunog ang yero, kahit madilim sa bubong ay tumingala kami ni Vandolf at nagbakasakali na may makikita kami, pilit naming sinasanay ang mata namin sa dilim, wala pa din kaming nakikita, may hawak kaming mga pamalo kung saka-sakaling kailanganin namin, nagpatuloy lang ang pag-angil at pag langitngit sa may bubungan, napahigpit kami ng hawak sa mga pamalo namin, nangangatog man ang mga tuhod namin.
Ilang sandali pa, napalingon ako kila Kring-kring sa may bintana. Sumenyas sila na pumasok na daw kami sa loob. Ngayon na mismo, kitang-kita ko ang takot sa mukha ng mga babaeng kasama namin. Nagulat ako ng sinabi ni Vandolf "pasok, pre hindi natin kaya yan!"
nag-alpasan kami ng takbo, karipas kami papasok sa loob ng bahay, walang lingon-lingon sabay sarado ng pintuan pakalabog.PS. Sabi ni Leslie may nakita daw siyang babaeng nakadungaw sa may bubong nakatingin sa amin tila ba nanantiya pero wala naman kaming nakita ni Vandolf.
PPS. Baka naunahan lang kami ng tingin, hindi ko alam.
PPPS. Isang buwan mahigit lang kami ni Kring-kring dun sa bahay na yun natunton din kami ng mga magulang niya. Naghiwalay din kami matapos noon.
PPPPS. Salamat Boss CJ sa paglathala ng mga personal kong karanasan.- The Man from Manila
BINABASA MO ANG
Scary Stories 5
TerrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree