Kay-Anlog Road

161 6 0
                                    


Kung ikaw ay nagmula o naninirahan sa bayan ng ating magiting na bayaning si Jose Rizal, ay maaring alam mo kung saan ito. Ang Kay-Anlog Road ay matatagpuan sa may sulok ng bayan ng Calamba, Laguna.  Ito ang pinakadulong barangay ng calamba at ang karatig lugar nito ay batangas na. Maaari niyo itong isearch sa google map , at mabilis din itong ruta kung ikaw ay magsasadya ng Tagaytay. Bago ka makarating ng kay-anlog ay dadaan ka sa matataas na taniman ng tubo, na lampas tao ang taas. Mahigit isang kilometro din ang tubuhan na iyon at talahiban. Ilang taon din akong nanirahan dito, dahil malapit lang ito sa pinapasukan ko dating trabaho.

Itong ibabahagi kong karanasan ay naganap, dalawang taon na ang nakalilipas. Disyembre din noon at ako ang naatasang gumawa ng mga dekorasyon para sa darating na pasko. Dahil may talento naman ako sa sining at paguhit ay tinanggap ko na rin ang iniatang na trabaho sakin. Bale isang linggo lang itong gagawin, mula Lunes hanggang Sabado. Para hindi maabala ang trabaho ko sa umaga, ay ino-overtime ko na lang siya hanggang 10 ng gabi. Hindi ako sanay mag-extend ng mga ganung oras, pero dahil sa pakiusap ng supervisor ko ay hindi ko na matanggihan.

Nagsimula ako ng Lunes, na ganun ang schedule ko, mag-a-out ako ng 10pm at papasok ng 10 ng umaga. Mula 10am hangang 6pm ang duty ko sa trabaho ko bilang QA, at 6pm hangang 10pm ay christmas decorations na ang gagawin ko. Hindi lang naman ako ang gumagawa noon, bale anim kaming naatasan, pero ako ang may pinakamalayong inuuwian. Buti na lang at may nasasakyan pa ako ng mga ganung oras, pauwi sa tinutuluyan ko. Araw-araw sa loob ng isang linggo ay naging ganun ang uwi ko, pero sa huling araw ng linggong iyon ay nangyari yung hindi ko inaasahang karanasan.

Sabado ng gabi na noon at huling araw na ng submission ng project ko, pero alanganin pa ang oras ko dahil 8pm na ako nakapagsimula mag-extend sa ginagawa ko, dahil nagkaroon ng problema sa production at katakot-takot na report ang ginawa namin doon. Dahil nakain yung oras ko para sa project ay automatic na mag-e-extend ako hanggang hatinggabi noon, pero dahil natapos namin agad ay nakauwi rin ako ng 11pm noon.

Dahil malalim na ang gabi, ay wala na ako masakyan noon. Wala rin pasok karamihan ng estudyante dahil sabado noon, kaya maaga rin nahinto ang pasada ng mga jeep at traysikel noon. Naghintay pa rin ako ng 12am kung meron pa bang dadaan na traysikel noon, pero wala talaga. Kahit special service ay wala rin.

Kaya ang ending ay makakapaglakad ako mula Carmelrey hanggang Kay-Anlog, ng ganung oras ng gabi. Iniisip ko pa lang ang daraanan ko ay parang ayaw ko ng umuwi, pero no choice ako dahil wala rin akong matutuluyan na katrabaho noon na malapit dahil hatinggabi na noon at nakakahiya ng mang-istorbo. Nag-umpisa akong maglakad, nagbabakasakaling may dumaan na traysikel o jeep pero wala talaga. Nakarating ako sa intersection ng Kay-Anlog at Highway ng Tagaytay Highlands. Dalawang kalsada ito kung saan ang isa ay patungo ng Kay-Anlog at ang isa naman ay paakyat ng Tagaytay. Mula sa bungad ng barangay Kay-Anlog ay natanawan ko na agad ang talahibang lalakarin ko.

Nagdadalawang isip pa ako ng mga oras na iyon, kung tutuloy ba or hindi? Pero mas pinanindigan ko ang pagkalalaki ko at lakas ng loob ko. Si Lord na bahala sa akin, wika ko. May kalayuan na ang nalalakad ko nang may napansing akong lalaki sa gilid ng daraanan ko. Sa tulong ng liwanag ng ilang poste ng ilaw ay naaninag ko ang anyo nito. Malaking lalaki at tadtad ng tattoo sa katawan, na animo'y galing pa sa bilanguan. Nakakamiseta ito ng itim at nakashorts ng maong.

Gumapang agad ang takot sa dibdib ko, ewan ko kung bakit. Uso kasi ang nakawan at kidnapan doon at kapag napasama ka pa, ay posible ka pang patayin. Malayo-layo na ang nalakad ko at hindi na ako pwedeng bumalik pa. Inihanda ko na ang sarili ko sa posibleng mangyari, wala ng atrasan ito wika ko. Kung may masama man siyang gagawin ay nakahanda ako, may konti akong alam sa self defense at maaring makatulong. Nag-iisa lang naman siya at kakayanin ko siya, kahit malaking tao pa siya. Kasama ko ang Diyos at alam kong hindi niya ako pababayaan.

Dumaan ako sa harapan niya at nilagpasan siya, pero hindi siya kumikibo. Pagtapat ko pa lang sa kanya ay biglang lumamig ang paligid ko at nagsipagtayuan ang mga balahibo ko. Aminado akong sanay na sa mga ganito, dahil sa dami ko ng naengkwentro pero iba ang isang ito. Halos nangangatog ang tuhod na nilagpasan ko siya. Prepared ako sa pwedeng mangyari, pero nanlambot ako ng makalapit ako sa kanya. Di ko alam kung enerhiya ba? Elemento or kung ano?

Lakad-takbo ang ginawa ko, at hindi ko na siya nilingon pa. Malayo-layo na ang narating ko ng may napansin ulit akong tao sa daraanan ko. Inaninaw ko ito, at hindi ako pwedeng magkamali. Siya rin ang lalaki kanina sa dinaanan ko. Paanong nandun agad siya sa daraanan ko? Grabe ang takot na gumapang sa katawan ko ng mga oras na iyon at hindi na ako nagdalwang isip pa, tinuloy ko pa rin ang paglalakad ko. Dumaan ulit ako sa harapan niya at narinig ko na may ibinubulong siya, hindi ko gaanong marinig dahil pautal-utal ang pagsasalita niya na animo'y, naghahabol ng hininga. Pero base sa pagkakarinig ko ay humihingi siya ng tulong. Sa takot ko ay tinakbuhan ko siya at hindi na ulit nilingon pa.

Sa pagtakbo ko ay may nararamdaman akong sumusunod, hindi ako lumilingon pero alam ko kung sino iyon. Dinig na dinig ko ang mga yapak niya sa maalikabok na kalsada, ngunit nawawala rin. Tumingin ako sa likod ko pero wala namang tao. Nagpatuloy ako sa pagtakbo hanggang sa makarating sa Southville, isang subdivision sa bungad ng barangay Kay-Anlog. Nakakita na ako ng mga tao at ilang bahay, kaya nakahinga na ako na maluwag.

Pasado 1am na ako nakarating sa bahay. Kinabukasan ikinuwento ko sa kapitbahay ko ang nangyari ng nagdaang gabi. Meron nga daw talagang nagpapakita doon, buti nga at iisa lang ang nakita ko, sa dami ba naman ng sinalvage dati, at doon itinapon sa gitna ng talahiban.

- Mr. Youso

Scary Stories 5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon