Mindoro - 2006

431 14 0
                                    


Otsenta y singko anyos si lola ko nung pumanaw siya, ilang buwan matapos ang paglisan ng lola ay napagkasunduan ng mga anak niya na ibenta na ang mga lupa namin sa iba't ibang probinsya at paghati-hatian ang magiging sumatutal ng kabuuang kikitain, kahit patay na ang aking ama ay alam kong may pakikinabangan pa din kami sa kikitain dahil meron pa din kaming parte doon kahit papaano, mula sa bahagi ng aming ama. Si Ekang na aking tiyahin at siya na ngayong tumatayo sa pinakamatanda sa aming pamilya at yamang isa ding matandang dalaga, ay nagprisinta na siya na lamang ang mag-aasikaso sa pagbebenta sa aming mga ari-arian, dahil sa walang mga anak na inaalagaan ay madali siyang makakapunta saan man kailanganin. Tinipon ang mga papeles ng mga titulo ng lupa at sinimulang planuhin ang mga susunod na hakbang, at nakapagdesisyon si Ekang na uunahin niyang asikasuhin ang lupa namin sa Mindoro na may dalawang ektarya ang sukat. Sa totoo lang iba't ibang opinyon ang aming naririnig kung magkano namin ito pwedeng ipagbili, kalahating milyon? isang milyon? dalawang milyon? hindi ko alam, hindi namin alam.
Napagpasyahan na lamang ni Ante Ekang na pasyalan ang lupa doon upang maestima ng maayos ang tunay na kalagayan ng lupa at ng mabigyan ng akmang presyo at kung papalarin doon na din sa mga taga doon ipagbili. Nagsuhestiyon si Lelang, isa din sa aking mga tiyahin, sumunod sa edad ni Ante Ekang, subukang hanapin ang mga dati nilang taga pangasiwa ng lupa doon ang mag-asawang sina Mang Atong at Aling Pasing, na pihadong sing edad nila lola at mayroon din daw din itong anak na babae na si Salve, na sa tantiya nila ay matanda sila ng sampu hanggang labinlimang taon dito.

Mabilis ang progreso sa kanilang mga hakbang na ginagawa at sa hindi ko malamang paraan ay nakontak nila at nakausap si Salve, ang nag-iisang anak na babae ng mag-asawang Atong at Pasing, Doon ay napag-alaman namin na pumanaw na din pala si Mang Atong, at si Aling Pasing naman ay nalumpo na at naging ulyanin na din dahil sa katandaan, si Salve naman ay hindi na din nakuhang makapag-asawa dahil sa pag-aalaga nga sa kanyang ina. Kaagad na ini-schedule ni Ekang ang paglarga papuntang Mindoro, at umaasa na sa kanyang pagdalaw sa lupa doon ay may magkainteres at agad maibenta kung maaari. Ilang araw bago umalis si Ekang ay napanaginipan niya ang isang matandang babae na nakaupo sa wheelchair, na nasa harap ng aming gate sa bahay namin dito sa Maynila, may tatlong beses niya itong nakita sa kanyang balintataw at sa huling pagkakataon na napanaginipan niya ay tumindig ang kanyang balahibo, dahil ang matandang nakaupo sa wheelchair ay biglang tumakbo papunta sa kanya at bigla siyang nilundag. Isa ba itong masamang pangitain o isang simpleng panaginip lang ba na bunga ng kalikutan ng ating kaisipan, walang sinuman ang nakakaalam.

Dumating ang araw ng pagpunta niya patungong Mindoro, madaling araw pa lang ay gumayak na siyang mag-isa, nanalangin na patnubayan ng Panginoon at paburan siya sa kanyang lakad. Inabot siya ng ilang oras sa kanyang paglalakbay, mula Maynila papunta sa Batangas Pier at mula Pier hanggang sa Mindoro.

Isang napakagandang lugar ang Mindorong sumalubong sa kanya, isang kaaya-ayang lugar na malayo sa ingay ng siyudad ng Maynila, isang napakagandang lugar, maraming puno at mga pangilan-ngilang lupain, sariwa ang simoy ng hangin, isang napakatahimik na lugar.
Sobrang tahimik na kahit lumabas ang litid mo sa leeg kakasigaw ay walang makakarinig sayo.

Agad dumiretso sa lupang pag-aari si Ekang.

Nadatnan niya na nasa maayos na kondisyon ang may kalawakan na lupang pag-aari, sinalubong siya ni Salve at agad na tinulungang magbitbit ng mga gamit at ilang pasalubong para sa kanila ni Aling Pasing. Naghahanda si Salve ng makakain ng bisita habang pinag-uusapan ang mga planong gawin sa lupa. Napansin ni Ekang si Aling Pasing na sobrang laki na ng kanyang itinanda, wala ng malay, wala ng muwang sa nangyayari sa paligid niya, isang matandang tuluyan ng nilisan ng kanyang alaala, malaking bahagi na ng kanyang kabataan ang nawawala sa kanyang memorya, isang matandang babae na wala ng malay bagamat dilat ang mga mata ay hinintay na lang ang kanyang oras habang nakaupo sa kanyang tumba-tumba.

Habang naghahapunan ay nabanggit ni Ekang kay Salve ang mga plano niya pagkabenta ng bahay, turan pa niya ay nais niyang kunin na lang ang mag-ina bilang katiwala ng bahay namin dito sa Maynila kung papalaring mabenta ang lupa sa probinsiya, Nabanggit din ni Ekang na gusto niya muna manatili sa lugar na iyon ng mga limang araw, dahil gusto niya sanang madaliin ang pagbenta sa lupa nila doon.

Talaga namang nabusog si Ekang sa hinaing sinigang na bangus ni Salve, na may tamang asim at kaunting sipa ng anghang, tamang-tama para sa malamig na hangin ng gabing iyon.
Inalalayan ni Salve si Ekang sa tutuluyang silid. Ang bahay nila ay may kaliitan lamang, ngunit meron itong ikalawang palapag kung saan naroon ang kwarto ng mag-inang Salve at Pasing, yamang hindi na nakakalakad si Aling Pasing ay doon na lang sa salas sa baba natutulog ang mag-ina at ang kwarto ay nabakante na ng mahabang panahon.

Ang bukod na kwarto sa ikalawang palapag ang ginamit ni Ekang.
Bandang alas nueve na ng gabi ay nag-aayos pa ng mga papeles at ilang gamit pa na dala-dala ni Ekang, presko sa kwarto sa taas dahil daanan ito ng malamig na hangin, handa nang matulog si Ekang at isinara na niya ang pintuang yari sa kahoy at maisasarado lang ito maigi sa pamamagitan ng bakal na pasadyang ginawa para ipangkalang at kumapit ito ng maigi upang hindi mabuksan kung may tao man sa labas. Nagpatay na ng ilaw sa buong kabahayan ngunit iniwang bukas ang ilaw sa pasilyo at sa altar ng maliit n Niño sa dulo ng pasilyo upang kung magbabanyo ang bisita ay makita niya ang dadaanan niya pababa ng hagdan papuntang banyo. Isang maliit na may kalumaang bombilya sa pasilyo ang pinagmumulan ng mumunting liwanag sa buong kabahayan.

Tantiya niya ay madaling araw na ng napansin niyang nakapatay ang ilaw sa pasilyo, kahit sa altar sa dulo nito ay nakapatay na din, wala ng ilaw sa buong kabahayan. May maling nangyayari, wika niya habang nakatanaw sa gawing pintuan, walang ilaw sa pasilyo hindi niya makita ang nasa kabila ng pintuan. Matagal na nakatitig si Ekang sa gawing iyon at pilit inaaninag ang parteng iyon ng kanyang silid, tila ba pinipilit niyang sanayin ang mga mata sa kadiliman at patuloy na nakamasid sa mga siwang ng pintuan. Nagdesisyon siyang lumabas na lang at buksan ang ilaw sana sa pasilyo, akmang tatayo na sana siya nang biglang may tumakbo pababa ng hagdan mula sa pasilyo, dinig na dinig niya ang lagabag ng mga paa pababa ng hagdanan. Walang ibang pupuntahan sa itaas kundi ang kwartong tinutuluyan niya at bakit tatakbo mula sa pasilyo sa taas pababa ng hagdan ng walang ilaw sa buong kabahayan. "Hindi kaya pinagmamasdan niya ako mula sa labas sa mga siwang ng pintuang kahoy? Sino...? Si Salve?" Tatawagin na sana niya si Salve ng muli niyang narinig na may tumatakbo, mula sa ibaba, paakyat ng hagdan sa pasilyo at tila tutumbukin ang kanyang kwarto. Mabilis ang naging reaksyon ni Ekang, agad dumapa at gumapang sa gilid ng aparador malapit sa gilid ng pintuan upang magtago, siya namang paghinto ng mga yabag sa harap mismo ng kanyang pintuan, nakikiramdam si Ekang, alam niyang mula sa kadiliman ay may kung sinuman ang nakasilip mula sa pasilyo. Kinilabutan siya nang marinig ang paghingal nang kung sinuman ang nakatayo sa labas ng pintuan.
Tila ba may hayop na humuhuni at nagsisimula ng magalit, halos sumabog ang ulo niya sa takot ng magsimulang kayurin ang pintuan ng kung sinuman ang nasa likod ng pintuan. Naiyak na lang ng walang tunog si Ekang sa gilid ng aparador, gustuhin mang sumigaw ay tila ba may umaawat sa kanya na mag-ingay, at batid niya naman na hindi din makakatulong kung magpapakita siya ng hina ng loob, dahil sigurado siya na kung anumang nilalang yung nagtatangkang siyang pasukin ay nabubuhay sa ating takot. Impit na pag-iyak ang kanyang nagawa at panalangin sa Diyos na iligtas siya at tapusin na ang gabi. Pasado alas kwatro na ng huminto sa pagkayod ng pinto ang kung sinuman ang nasa likod ng pintuan, at nagsimula na siyang makaramdam ng antok.
Alas siyete na ng umaga nung magising siya, ang limang araw na planong pananatili sana sa Mindoro ay kanselado na, uuwi na siya ngayon din mismo. Agad inayos ang mga gamit at unti-unting binuksan ang pintuan, tumambad ang kabilang bahagi ng pintuan na halos bakbak na dahil sa kalmot ng animo ay mga kuko mula sa isang mabangis na hayop, at ang sahig sa pasilyo ay maraming bakas ng paang putikan patungo sa baba. Plano na sana ni Ekang na huwag magpaalam sa mag-ina, kaso nung pagbaba niya ay gising na ang mag-ina, si Salve ay naghahanda na ng almusal, ngunit hindi kumikibo. Siya na ang lumapit kay Salve upang magpaalam, ngunit tango lang ang sagot nito sa kanya, at ayaw na din niyang pag-usapan ang naranasan sa bahay na 'yon, ang nais lang niya ay makalarga, pagkatapos magpaalam kay Salve ay tumungo siya sa matandang ulyanin na nasa sa tumba-tumba. Nang may napansin siya sa matanda, puro natuyong putik ang talampakan nito.

PS. Nabenta naman yung lupa dun sa Mindoro, ngunit wala na kaming naging balita sa mag-ina.

-The Man from Manila

Scary Stories 5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon