Maynila - 1993

608 19 0
                                    


Pitong taong gulang lang ako noong may kumapit na sakit sa aking ama na nagsanhi sa pagkabaldado ng kanyang mga binti dahilan upang hindi siya makalakad. Tumagal din ng ilang buwan na ganoon siya, nang walang malinaw na dahilan, ayon sa mga doktor ay sobrang pagtatrabaho lamang daw ito at di magtatagal ay manunumbalik din ang pakiramdam ng kanyang mga binti. Dumaan ang dalawang buwan ngunit walang pagbabago sa aking ama, nagsimula na ding mawalan ng pag-asa ang aking nanay dahil nga siya ang nagbabanat ng buto sa mga panahong iyon, dagdag pa ang pag-aalaga sa aming amang lumpo. Saksi ako sa sakripisyo ng aking ina kung paano niya pinatunayan ang kanyang katapatan sa aking ama, pinapaliguan niya at hinuhugasan ng puwet ang aking ama, di tulad ng ibang mag-asawa, matapos magkasakit ng malubha ng isa ay lilisan bigla ang isa, isang anyo ng tunay na pag-ibig.
Nakatira nga pala kami sa isang may kalakihang bahay sa Santa Cruz Maynila, bahay na minana pa namin kina Lolo Enteng at Lola Doray, may apat na palapag, sa pinakatuktok ay pamilya namin, sa ikatlo ay kina Lola Doray at Ante Ekang naman. Ang kwarto sa ikatlong palapag ang may pinakamalaking bintana, kita mo ang lahat ng gamit sa loob ng kwarto sa ikatlong palapag kung tatanawin mo mula sa labas ng bahay. May ugali si Ante Ekang na gumigising ng alas tres ng madaling araw upang manalangin, matapos magbasa ng biblia ay pinatay ni Ante Ekang ang ilaw sa kwarto at nagtalukbong habang nanalangin ng nakaupo sa kanyang kama, mga may ilang minuto na siyang nanalangin ng nag-iba ang simoy ng hangin, naging maalinsangan. Nagsimulang tubuan ng kilabot sa katawan si Ante Ekang sa hindi mawaring dahilan, ganun pa man ay mas pinaigting niya ang kanyang pananalangin, alam niyang may kung anumang gumagambala sa kanya upang makipag-usap sa Diyos.

Mula sa pagkakaupo sa kama habang nakatalukbong ng kumot ay may napansin siya mula sa kanyang kaliwa, kung nasaan ang malaking bintana, alam niyang hindi ito dapat tignan, ngunit parang may nag-uudyok sa kanya upang hawiin ang kumot na nakatalukbong sa kanya upang makita kung anuman ang nasa may bintana. Halos lumuwa ang mata at sumabog ang puso niya nang makita ang babaeng nakatayo sa labas ng bintana, parang taong grasa ang ayos nito, at halos mapabalikwas si Ante Ekang ng maalala niyang nasa ikatlong palapag siya. Nakatayo sa hangin ang babaeng nasa labas ng bintana. Napahinto sa pananalangin si Ante Ekang, gustuhin mang pumikit ay hindi niya magawa, mas minabuti niya na lamang na huwag kumilos kahit kaunti. May ilang sandaling nanatili sa labas ang babae, nang mapansin ni Ante Ekang na hindi siya ang pakay nito.

Napansin niyang, bahagyang nakatingala ang babae. Nakatingin sa silid sa ikaapat na palapag, sa kwarto namin. malamang naamoy niya ang aking amang may sakit, muli bumalik sa ulirat si Ante Ekang at muli ay nagsimulang manalangin at nasambit niya ng mahina "Sa pangalan ng Panginoong Hesus, lumayas kang demonyo ka." agad nawala ang babaeng nasa labas ng bintana.

Dahil sa nakita ng tiyahin ko noong nakaraang magdamag ay ikinonsulta nila ang karamdaman ng aking ama sa isang albularyo, napagtanto nilang may kinalaman ang paranormal sa karamdaman ng aking ama. Dumating si Mang Emong sa aming bahay, siya ang albularyong titingin sa aking ama, habang tinitignan ng albularyo ang lumpo kong ama ay tinanong niya isa-isa ang aming mga kamag-anak na kasama sa bahay.
Ibinahagi ni Ante Ekang ang kanyang nasaksihan, ngunit higit na nabahala ang albularyo sa ibinahagi ng aking ina. Bago daw tuluyang manghina ang mga binti ng aking ama, isang madaling araw na naalimpungatan siya para umihi, binabaybay niya ang matarik naming hagdanan pababa, dahil nasa ibaba ng bahay ang aming banyo, habang nasa hagdanan siya ay may naaninag siyang babae na nakatayo sa labas ng banyo, mula kasi sa hagdanan ay matatanaw mo na ang kusina at banyo namin.

Bahagyang kinilabutan ang aking ina noong makita ang babae, una dahil bakit nandon siya na hindi man lang binubuksan ang ilaw, ikalawa ayon sa itsura ng babaeng rumehistro sa paningin niya ay hindi niya kilala ang babaeng nakatayo sa labas ng banyo. May ibang taong nakapasok sa bahay sa dis oras ng gabi. Habang nahihimbing ang lahat. Hindi na tumuloy si mama sa pag-ihi sa takot.
Dagdag pa ng aking ama madalas daw ay nagigising siya sa gabi dahil may humahaplos sa kamay niya, madalas yung mangyari noong bago pa lumala ang sakit niya.

Sa mga patotoong narinig nabuo ang konklusyon ng albularyo at nalaman niya ang mga dapat gawin, ayon sa kanya ay isang aswang ang naglagay ng sakit sa aking ama at hindi ito titigil hangga't hindi ito tuluyang nanghihina o namamatay, nakakatakot lamang isipin na nakakagala ng malaya sa loob ng bahay ang aswang ng walang nakakamalay, marahil ay ginagamitan kami ng tagabulag, gumagana lang daw ang tagabulag ng aswang kapag naunahan ka niya ng tingin, pero kung hindi niya mamalayan na nandiyan ka at maunahan mo sila ng tingin ay tiyak makikita mo sila, gaya ng nangyari kay Ante Ekang at sa aking Ina. Naglagay din si Mang Emong ng langis kay papa, ipinahid sa buong katawan nagsambit pa ng orasyon, nagbigay ng buntot pagi at binilinan kami na maglagay ng walis tingting na nakabaligtad sa mga pintuan ng bahay, para hindi daw ito makatagos sa mga pintuan. Nakapagdesisyon sila na doon dalhin si papa sa Nueva Ecija kung saan hindi siya masusundan ng nangungursunada sa kanya. Yung ipinahid na langis ng albularyo  sa aking ama ay magsisilbing pananggalang upang hindi niya masundan ang amoy ng aking ama.
Walong buwan wala ang aming ama sa aming tabi, walong buwan walang karamay ang aming ina sa paghahanapbuhay. Ngunit mas mainam na ito kaysa sa habambuhay namang mawala ang aming ama sa aming tabi.

PS. Gumaling din ulit si papa matapos noon, may mga kahindik-hindik din na pangyayari na nangyari sa Nueva Ecija habang siya ay nagpapagaling.
PPS. Akala ko pang probinsya lang ang kwentong aswang, hindi ko akalain na makakaabot din sila dito sa sentro.

- The Man from Manila

Scary Stories 5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon