Nasa ika-apat na baitang pa lang ako sa elementarya nang maranasan ito ng aking ama, noong nabubuhay pa. Mula Maynila ay lumipat kami ng tirahan noon sa San Mateo sa may Balante, bago dumating ng Ampid. Ang lugar na ito noo'y napakadilim at malawak na kapatagan noong dekada nobenta at ang tapat ay lumang day care center, ngunit ngayon ito ay SM San Mateo na at sa mismong tapat nito kami nangupahan. Ang hanapbuhay nang aking mga magulang noon ay maglako ng karneng baboy at baka sa mga sikat na kainan sa Maynila at dahil sa San Mateo kami naninirahan kailangang umalis ng aking ama sa bahay ng alas dos ng madaling araw para makahango at makapili pa siya sa palengke ng Blumentritt ng maganda at sariwang karne, habang maaga pa. Dalawang oras ang biyahe mula sa San Mateo hanggang Maynila, hindi pa namin nadidiskubre ang daanan sa may Batasan noon, na higit na mas mapapadali kung doon dadaan. Dalawang taon kaming tumira doon na ganon ang lagay namin, hanggang sa kinapitan ng sakit ang aking ama sa dugo na nagpabagsak ng kanyang katawan, ngunit tulad ng isang huwarang ama, hindi ko siya kinakitaan ng panghihina ng kalooban, siya ay punong-puno ng pangarap para sa amin, gustong-gustong kumita ng malaki para maibigay lahat ng pangangailangan at maging ang kagustuhan ng kanyang pamilya.
Noong bagong lipat kami doon ay lagi kaming iniiwan ng aming mga magulang tuwing madaling araw at hinahabilin lang kami sa aming kasera na kagawad ng lugar 'yon at dati ding policewoman. Siya si Ante Lorrie, Isa si Ante Lorrie sa masasabi mo nga namang tigasin sa Balante noong dekada otsenta at nobenta, mayaman at may sariling Istudyo sa loob ng napakalaking bahay sa gilid ng hi-way, kung saan nag-eensayo ang mga babaeng gustong magtrabaho sa bansang Hapon. Marami siyang paupahan sa lugar na iyon, at doon kami nangupahan mismo sa tabi ng kanyang sariling sular, kung saan magkatapatan ang aming mga pintuan at sa mismong harapan ng aming inuupahan ay nandun ang kanyang kusina at sa labas ay may lamesa siyang malaki kung saan madalas siyang nagkakape at nagbabasa ng dyaryo tuwing madaling araw habang tangan-tangan sa kanyang tabi ang kanyang senyorita, isang uri ng maliit na baril. Isang paraan ng pagpapakita niya ng estado at simbolo ng kapangyarihan sa kanyang lugar na ginagalawan. Kaya naman tiwalang-tiwala ang aking mga magulang na iwan kami sa pangangalaga ni Ante Lorrie habang sila ay naghahanapbuhay, dahil nga naman sa kanyang estado ng pamumuhay ay pihadong igagalang siya ng mga taga-roon. Minsang nagkausap sila Ante Lorrie at ang aking ina habang nagpapahangin sa labas, ay nabanggit ni Ante Lorrie na sa susunod ay huwag na daw kaming iiwanan sa bahay nang kami lang, isang madaling araw daw habang palabas sana ng kusina si Ante Lorrie, bubuksan na niya sana ang mga ilaw upang magkape sa labas ay may nakita daw siyang babaeng madungis sa gilid ng lamesa sa labas kung saan siya madalas nagkakape, nagulumihanan siya dahil sinigurado niyang isarado ang gate sa likod at harapan ng buong kabahayan, imposibleng may makapasok sa bakuran at sinong tarantado ang mag-o-ober da bakod sa bakuran ni Ante Lorrie, marahil siguro hindi na niya mahal ang sarili niyang buhay. Napahawak sa senyorita niya si Ante Lorrie at dahan-dahang nagtago, ngunit patuloy na nakatunghay sa babaeng madusing na nakatayo sa gilid ng kanyang paboritong lamesa. Hindi niya makita ang mukha, patuloy siyang nagmatyag at ang mga sumunod na kaganapan ang nagsilid ng takot sa walang kinakatakutang babae ng Balante, biglang nawala sa paningin niya ang babaeng madusing, dahan-dahan ay iginala niya ang paningin at halos panawan siya ng ulirat sa nakita. Dahil sa katabing bintana kung saan siya naroon ay naroon din ang babae at nakatingin sa kanya. Kitang-kita niya ang anyo ng babae, mapupulang mata, magulong buhok at bahagyang naka-alsang mga nguso, animo'y kayang pumangas ng laman ng tao. Sobrang lapit ng babae sa kanya at halos magkaharapan na sila, sinubukang tumili ni Ante Lorrie ngunit walang boses ang lumabas sa kanyang bibig, halos manlabot ang tuhod niya at nawalan siya nang kakayanang tumakbo sa sobrang takot. Hindi na niya kinuwento ang mga sumunod na nangyari sa aking ina, simula noon lagi nang mag-isa ang aking amang umaalis tuwing madaling araw upang bantayan kami, at sa pag-aakala nilang kaming magkakapatid na mga bata pa noon ang pinag-iinteresan ng babaeng madusing. Isang madaling araw, habang gumagayak ang aking ama, bago umalis ay nakarinig sila ng aking ina ng malakas na lagabog sa bubungan sa aming kusina sa may likod ng aming bahay na inuupahan, pinuntahan nila kung saan naroon ang ingay. Patuloy na naglakad sa bubong ang nilalang na bumagsak sa aming bubungan, at nagulat sila nang maya-maya pa ay humuni ito ng napakalakas. Hindi niya tanto kung sa anong uri ng hayop ang may ganoong tunog, turan pa nila ay, tila ba awit ng isang demonyo. napaupo ang aking ama at umatras sila ng aking ina habang pabalik sa aming kwarto, nang hindi inaalis ang paningin sa malaking siwang sa aming bubungan. madilim sa kabilang dako ng siwang na kung susukatin ay kayang pagkasyahin ang isang tao kung pipilitin.Kinaumagahan ay pinakiusapan ng aming magulang si Ante Lorrie na saraduhan ang malaking siwang sa aming bubungan, at pagkatapos noo'y naging usap-usapan nga sa barangay namin na may kumukursunadang aswang samin, yamang kami pa nama'y bagong lipat mula Maynila. Binalot ng kababalaghan ang aming unang mga araw ng pagtira sa lugar na 'yon, ayon saming mga magulang dahil hindi pa namin batid yon ng aking mga kapatid dahil maliliit pa lamang kami noon. Patuloy na lumala ang karamdaman ng aking ama at minsan naikwento niya sa amin na tuwing mag-aabang siya ng bus patungong Cubao ay mula sa malayong parte ng kapatagan ay may natatanaw siyang babaeng madusing na naglalakad papalapit sa kanya, medyo malayo naman ang distansiya ng babae at ubod bagal daw sa paglalakad, pero kinukutuban siya ng masama. Lagi daw niya itong nakikitang naglalakad tuwing madaling araw, ngunit sobrang bagal daw nitong lumakad at sa tuwing malapit na daw ito ay lagi naman siyang hinihintuan ng bus papuntang Cubao, may ilang araw o linggo na nakikita niya ang babaeng madusing ng ganoong oras. Naikwento niya din ito kay Ante Lorrie, at sabi nga niya malamang ito yung babaeng naka-engkwentro niya nung unang linggo namin sa lugar na iyon, ngunit sabi ng aking ama ang babaeng tinutukoy niya ay matanda na at uugod-ugod na, kaya pinagpalagay na lang ng aking ama na baka nga naman na talagang natataon na tuwing aalis siya ng madaling araw ay siya ring oras nang pagdaan ng matanda doon. Hanggang sa isang araw na nakumpirma ng aking ama kung ano ba talaga ang mga nangyayari, isang madaling araw tulad ng dati ay muli niyang nakita ang matandang uugod-ugod na naglalakad ulit, patungo sa kanyang direksiyon. Tulad ng dati lagi siyang nakasakay sa tuwing ito ay malapit na sa kanya, binabagtas ng bus kung saan siya lulan ang kahabaan ng kalsada bandang Banaba, at talaga namang mabilis ang takbo nito dahil nga madaling araw at wala pang trapik, huminto ang bus sa isang masukal na parte ng hi-way habang nag-aabang ng pasahero, habang naghihintay sa pag-andar ng bus ay may napansin ang aking ama sa kalsada. Mula sa likuran ng bus ay nakita niya ang matandang uugod-ugod sa paglalakad at naglalakad pa din papunta sa kanyang direksiyon, kung saang bintana ng bus siya nakadungaw. Nanlaki ang mga mata sa nakita, papaanong mapupunta ang matanda doon na uugod-ugod na at mabagal pa sa pagong maglakad? E, ilang kilometro na ang tinakbo ng bus na kinalalagyan niya simula nung sumakay siya dito, at nasa hangganan na sila ng San Mateo at Marikina, papaanong makakasunod ang matanda ng ganoon kabilis? At biglang humarabas ng takbo ang bus na sinasakyan matapos magsakay ng mga pasahero, at habang papalayo ay nakatanaw pa din ang aking ama sa matandang uugod-ugod sa paglakad. Sa loob ng tumatakbong bus ay napuno ng katanungan at kilabot ang isip at puso ng aking ama. Nasa Marikina na sila nang muling huminto sa isang madilim na subdibisyon ang bus, puro puno at may pangilan-ngilang nag-aabang din ng masasakyan, habang nag-aabang ang bus na sinasakyan ay may sumitsit sa aking ama, nagsimulang manginig ang tuhod niya at halos panawan ng ulirat ng makita kung saan nagmumula ang sitsit.
Galing sa isang babaeng madusing at magulong buhok, na nagkukubli sa madilim na dako ng subdibisyon na kanilang hinintuan, pinipilit niyang iiwas ang mga mata mula sa babaeng sumisitsit ngunit rumehistro na ang itsura nito sa utak ng aking ama, siya yung kaninang matandang uugod-ugod na naglalakad, pero ngayon bumata na siya at ang itsura niya ay parang tinatandaan ka, tila ba minarkahan ka, wika ng tatay ko, nagsimulang magsalita ang babae mula sa malayo, at ang ikinagulat ng aking ama ay tila ba ibinubulong lang ito ng babae sa kanyang tainga. Sa kanyang takot ay wala siyang naunawaan sa mga sinabi nito at wala siyang nais unawain ni isa mang salita mula sa babaeng sumisitsit sa kanya. Makailang ulit niyang natanaw ang babae sa gilid ng kanyang tingin sa tuwing hihinto ang bus para mag-abang ng pasahero, at tila ba nang-aasar ang drayber ng bus dahil laging inihihinto ang bus sa madilim at di mataong lugar, lagi tuloy nagkakaroon ng pagkakataon ang babae upang magpakita sa aking ama. Nahinto ang pagsunod ng babae nung nasa Cubao na ang bus, doon lang nakahinga ng maluwag ang aking ama.
Kinahapunan noong siya'y makauwi agad pinatawag ang sikat na manggagaway sa lugar namin, agad dinasalan ang aking ama at nagpatak ng kandila sa plangganitang may tubig. Rumehistrong imahe sa natuyong kandila ang mukha ng isang babae na may malagong buhok, matang parang sa pusa matulis na tainga at nakaalsang nguso at panga, agad kinumpirma ni Ante Lorrie na ganun ang itsura ng babaeng nakita niya noong isang madaling araw. Bilin ng manggagaway ay pagdating ng alas siete ng gabi ay balutin ng dyaryo ang kandila at sunugin at lagyan ng asin, pagkatapos daw sunugin ay maglalabasan mula sa katawan ng aking ama ang napakaraming pantal, sumapit ang alas siyete ng gabi ay ganoon nga ang ginawa namin, at matapos sunugin ang imahe ay pinantal nga si papa, ang bilin ay hugasan namin ng suka ang mga pantal na lalabas at pagkatapos daw ng gabing iyon, ay hindi na nga naulit ang nangyari.
PS. Sabi ni Lolo Nior ay taga Guitnang Bayan sa may Paraiso ang babaeng nangursunada sa aking ama.
PPS. Minsan kasi ay dinalaw namin sa may Daang Bakal ang aming mga lolo at lola, marahil naamoy ng aswang ang sakit ng aking ama at pagkauwi namin ay sinundan kami nito.
PPPS. Balik opisina muna ako hanggang sa susunod.- The Man from Manila
BINABASA MO ANG
Scary Stories 5
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree