Lunes. Balik na sa "real world" pagkatapos nang minsanang travel naming magkakaibigan. Baon ko pa ang mga alaala ng masaya at di malilimutang sandali sa trip namin sa Ilocos nang ako ay bumalik sa trabaho.Laking pagtataka ko at di nakapasok ang ka-work kong si Tine. Dapat ay nakabalik na din sya galing sa trip nila sa Ilocos kasama naman ang pamilya nya. Sayang nga at di kami nagtagpo sa isa sa mga pasyalan doon, kung sabagay ay magkaiba naman ang aming itenirary. Isang buong linggo syang wala nuon kaya nang makabalik na sya nang sumunod na Lunes ay agad kaming nag-usap.
Pagtapos nung lunch namin ay don nya sinimulang magkwento. Nagsuka at sumakit daw ang kanyang katawan pagbalik nilang Maynila. Di ko na inasahan ang mga sumunod nyang sinabi. Ang inakala kong creepy na karanasan namin ni Mai ay may mas lalala pa pala.
"Friend alam mo, ilang gabing binangungot si Bryan after nung travel namin sa Ilocos. Meron daw nagpapakita sa kanyang isang babae na nakasuot ng belong itim, makaluma ang damit at duguan, walang mga mata na parang dinukot sa loob" bungad ni Tine. Nung una ay ayaw ko pang maniwala at baka nagbibiro lang sa kanya ang boyfriend nya. Nagtataka nga din daw sya kung bakit biglang may nagpapakita kay Bry sa panaginip e wala naman daw siyang naramdaman nung una. "Ano pa bang naranasan mo?" Pagtatanong ko. "Friend alam mong di ako matatakuting tao, simula nung bumukod ako kina mama, di ako nakaramdam ng takot sa bahay ko kahit pa nung sa akin na umuuwi si Bryan. Pero iba kasi yung mga nangyari nung nakaraang linggo. After nung pagpapakita nung babae sa panaginip nya. Ako naman ang nakaramdam ng kakaiba." nabanaag ko ang takot sa mga mata nya habang nangangatal pa nyang itinuloy ang kwento. "Nung nagsha-shampoo ako parang ang tagal bumula nung buhok ko saka parang kumapal. Tapos habang binabanlawan ko sa pagitan ng dalawang palad, hinagod ko pababa at pakiramdam ko ang haba ng hair ko. Ang weird lang kasi twice ko na-feel yung ganon habang naliligo." Pati ako ay na-weird-uhan at di ko alam kung paano magre-react sa kanya. Ang mga sumunod nyang kinuwento ang talagang nagpakilabot sa akin.
"Sabado ng tanghali, naisipan kong maligo sa taas dahil sa napakainit. Habang nagbubuhos ay nadinig ko sa labas ng banyo sa loob ng kwarto ko na may dumating. Kaya tanong agad ako ng "Bryan?" Kahit na sya lang naman talaga ang kasama ko sa bahay. Nadinig ko syang um-oo sabay tawang nakakaasar. Naiinis ako non sa loob ko dahil wala namang nakakatawa. Sinigaw ko mula sa banyo habang nagbabanlaw na bumuli na sya ng ulam sa labas para pagtapos kong maligo ay makakakain na kami. Nung makalabas ako ay nakasarado ang pinto ng kwarto ko kaya binuksan ko para di kulob at kakaligo ko lang, baka pagpawisan na naman ako." Nakatingin lang ako non kay Tine habang tinutuloy nya ang pagkukwento. "Nung nakabihis na ako at nagsusuklay saka ko nadinig na dumating na si Bryan sa baba, biglang ingay ng aso ko. Tahol ng tahol kaya sinaway ko si Bryan na huwag nang asarin si Barky dahil maingay. Ganon kasi yon lagi nyang inaasar. Pero bago ako bumaba ay biglang nag-ring ng phone ko, loko-lokong Bryan 'to di nalang ako inantay makababa at tumawag pa talaga. Nang sinagot ko ay para akong nawalan ng lakas, sabi nya "Hon, nasa biyahe pa lang ako pauwi. Nakabili ka na bang ulam kina aling Josie para makabili ako pagdaan ko kundi ka pa nakalabas?"
Natakot ako pero mas takot na takot si Tine habang maluha-luhang tinuloy ang kwento.
"Nanginginig ang mga binti ko sa takot, literal. Kaya napaiyak talaga ko habang kausap sya dahil alam kong nagsasabi sya ng totoo kasi nadidinig ko ang ingay, alam kong nasa jeep pa talaga sya. Pero dinig na dinig ko ding nagsalita sya ng "Oo" nung nasa banyo ako e." Pagpapatuloy ni Tine. Di ako umiimik dahil alam kong di pa sya tapos. "Di ko ibinaba ang phone ko non habang nasa kabilang line sya, iyak lang ako ng iyak at pinagmamadali ko syang umuwi. Nataranta nga sya dahil di ko sya sinasagot kahit tanong na sya ng tanong kung bakit".
Kinabukasan ay nagpa-albularyo na daw talaga sya. Dumating sa bahay nya ng umaga kasama ang mama nya. Agad daw itong nagpakuha ng maliit na palangganang may tubig. Di sya tinanong ng nararamdaman nya at basta na lamang pinahiran sya ng dalang langis at saka bumulong ng orasyon. Maya-maya pa ay nilabas daw nito ang puting kandilang dala-dala. Sinindihan at ipinatak sa isang palangganang tubig. Habang ipinapatak ay nagtanong daw ito sa kanya kung galing daw ba sila sa malayong lugar na agad naman nyang sinagot. Nagtanong din kung sumasakit daw ba ang katawan nya pero bago pa sya sumagot ay biglang sinabi ng albularyo na "Hija, mayroong babaeng laging nakadikit sayo". "Dun pa lang halos maihi nako sa takot e. Di pa sya tapos magsalita pero naluha na ako" kwento ni Tine. Hanggang sa banyo ay nakadikit daw ang babae sa kanya at duon nya lamang napagtanto na kaya pala pakiramdam nya ay parang humaba ang buhok nya ay dahil nakadikit daw mismo ang ulo ng babae sa kanya habang nagbabanlaw sya ng buhok.
Nang itinaas daw ng albularyo ang namuong imahe mula sa natunaw na kandila sa palanggana ay di na daw sya nakapagsalita pa dahil sa sinabi nito. "Nagambala mo sya. Ang babae sa Parola" sabay pakita sa kanya ng hawak nitong image. "Friend para akong naging bato sa nakita ko, hugis pahaba nga yung hawak nung albularyo at doon daw galing yung babae." Gulat na gulat na sinabi ni Tine. "Duon ko lang naalala lahat. Hapon kasi nung dumating kami ng Cape Bojeador, pagpasok namin ni Bryan dun sa isang boring na kwarto, umupo ako sa kama at niyugyog ko pa. Sabi ko pa kay Bryan walang makakatulog sa ingay ng spring nung kama pag may nahiga sabay tawa, e wala lang naman kasi sakin yon, alam mo naman ako."
Ibinalot daw ng albularyo ang imahe ng parola mula sa kandila, sa isang puting papel. Binilinan syang ilagay sa ilalim ng unan ni Bryan bago matulog sa gabi at sunugin paggising sa umaga. Itapon sa malayong lugar ang abo nito. Dinasalan sya ng albularyo at pinayuhang ipagdasal din ang kaluluwa ng babae at nawa'y huwag na sayang guluhin. Agad naman daw sinunod ni Tine ang mga tagubilin ng albularyo. Duon lamang nya mas naintindihan na ang "respeto" ay di lamang angkop sa mga nabubuhay.
-Bert
BINABASA MO ANG
Scary Stories 5
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree