Part 1Hello, Spookify! Susulitin ko na ng todo ang long weekend off ko kaya't eto, kukwentuhan ko kayo ulit.
Uso noon sa aming mga bata sa baryo ang pagkakaroon ng mga grupo. Bawat grupo ay merong "teritoryo" which determine kung sino lahat ang mga kasali sa grupong iyon. Ang teritoryo ng aming grupo ay mula sa bahay namin hanggang sa dulong bahay bago ang tubuhan. So, lahat ng mga bata na nasa loob ng range na yan ay automatic na kasali na sa aming grupo. Sila lang ang pwedeng sumali sa mga laro namin at sila lang din ang mga karaniwang iniimbitahan kapag may birthday party ang isa sa amin.
Actually, may isa pang bahay malapit sa amin na dapat sana ay starting point ng teritoryo namin. Yun ang bahay ng magkapatid na Itoy at Isay. Pareho silang payat pero magkaiba ng kulay, maitim si Itoy habang may pagka-mestisahin naman si Isay. Maliit lang ang bahay nila at laging madilim sa loob, mapa-umaga man o mapa-gabi, dahil wala silang kuryente. Ang nanay nilang si Aling Iska ay isang labandera samantalang ang tatay nilang si Mang Tonyo ay nasa bahay lang dahil may sakit siya. Di ko alam kung bakit pero basta na lang sila hindi kasali sa grupo namin. At siyempre dahil bata pa kami, walang nangahas na kumwestiyon doon. Kapag kasi hindi ka bati ng isa sa mga lider-lideran ng grupo, hindi ka na rin bati ng iba pang mga bata at hindi ka na rin isasali sa mga laro.
Ang lugar namin, mula sa bahay nina Isay hanggang sa tubuhan, ay nasa isang kalsadang hugis Y. Mga sampung bahay yung nasa diretsong daan < | >. Dun sa daang pakanan < / > ay may 20-30 kabahayan kabilang na ang bahay ng Lola ko. Ang dulo ng daang iyon ay tubuhan at papunta na sa isang malaking sapa. Yung daang pakaliwa < \ > naman ay may 10-15 kabahayan na kinaroroonan din ng bahay ng lider namin. Ang hangganan din nito ay tubuhan pero may daan naman doon patungo sa kabilang purok ng barangay namin. Dun sa mismong sulok nung sangang-daan < \/ > ay may poste ng ilaw, at sa di-kalayuan ay may isang malaking puno ng sampalok na never pa naming nakitang namunga. Kinabitan nila ng mga basketball rings yung poste at yung puno. Ang bakanteng loteng nasa pagitan nila ang nagsibling court. Bale hugis V yung court na yan dahil nga nandun siya sa gitnang space ng sangang-daan. Kapag walang nagba-basketball, kaming mga bata ang naglalaro doon. Kasunod nung puno ng sampalok ay hilera ng mga 10-12 malalaking bahay na pagmamay-ari ng mga pinakamayayamang pamilya sa purok namin. Sa mga bahay na iyan naglalaba si Aling Iska, isang bahay per day dahil manu-mano ang paglalaba niya. (Sana po ay na-gets ninyo yung description ng lugar namin para makasunod kayo sa mga susunod na part ng kwento.)
Year 1998, nanganak ang tita ko na nakatira kina Lola kaya nagpalaba rin sila noon kay Aling Iska. Sobrang tagal na pero sigurado akong tuwing Sabado siya naglalaba kina Lola kasi wala kaming pasok sa school nun kaya naroon din kami para makipaglaro sa baby naming pinsan. Kasa-kasama ni Aling Iska si Isay kapag nakikipaglabada siya. Ang panganay naman niyang si Itoy ay sumasama-sama sa mga nagtatanim ng palay o nagtatabas ng tubo. Kapag nandun si Isay kina Lola, sinasali namin siya sa mga laro namin ng mga kapatid ko. Pero kapag nasa labas kami, di namin siya pinapansin dahil baka malaman iyon ng lider namin. Mabait si Isay. Pwede siyang utusang bumili sa tindahan, kumuha ng tubig, magligpit ng mga laruan namin, at iba pa. Paborito niya yung binukayong niyog at minsan nga, kahit iyon lang ang iulam niya sa kanin ay okay na sa kanya. Kaya nga tuwang-tuwa si Isay kapag nandun siya kina Lola kasi binibigyan namin sila ng binukayong niyog at isang latang molasses (di ko alam kung anong tawag dito sa Tagalog, basta yung matamis na nakalagay sa lata tapos kukuha ng stick saka iiikot doon at gagawing parang lollipop o kaya ay ipapalaman sa tinapay).
Friday ng hapon noon at naglalaro kaming mga bata sa bakanteng lote. Nandoon si Isay sa may puno ng sampalok at pinapanood kami. Ang nanay niya ay naglalaba dun sa malaking bahay at hinihintay niyang matapos. Gusto kong lapitan si Isay that time kasi nakakaawa siyang tingnan pero pinigilan ko ang sarili ko. Habang naglalaro, napadpad kami ng kapatid ko banda sa kinaroroonan ni Isay. Kinausap namin siya pero bigla kaming tinawag ng mga kalaro namin dahil may mga dumating na magba-basketball at kailangan naming lumipat ng pwesto. Inisip ko na lang nun na hindi na bale dahil makakapaglaro na rin kami kinabukasan kapag pumunta siya kina Lola. Ngunit hindi iyon nangyari dahil nang gabing iyon, bigla na lang naglaho si Isay na parang bula.
BINABASA MO ANG
Scary Stories 5
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree