Compiled Stories 17

211 6 0
                                    


1997 Barangay Election

Itago na lamang natin sa Brgy. A ang lugar na ito sa Visayas. Walong taong gulang ako noon nung mga panahong iyon. Tumakbong kagawad ang aking nanay at ang kanyang pinsan na itatago natin sa pangalang Janice.

Alas 8 na ng gabi, wala pa rin sila. Siguro ay nasa eskwelahan pa sila para antabayanan ang resulta ng halalan. Naiinip na ako. Wala akong kasama sa bahay dahil nagbakasyon ang lolo at lola ko sa karatig bayan sa lugar ng kapatid ng nanay ko. Lumabas ako sa bahay at tumayo sa gilid ng kalsada. Mga 10 metro ang agwat ng bahay namin at sa hindi pa sementadong daan. Tinanaw ko ang madilim na daan—walang katao-tao at pawang huni lamang ng mga kuliglig ang aking naririnig. Mananaka-naka ang paghuni ng kwago sa di kalayuan at malamig na rin ang ihip ng hangin ng mga oras na iyon. Sa murang edad ko ay dapat nasa higaan na ako, pero naisip kong puntahan ang bahay ng pinsan ni nanay para tingnan kung naroon na ba sila.

Nagsimula na akong maglakad, mga 20 metro din ang layo nila sa bahay namin. Naging ilaw ko ang liwanag na nagmumula sa buwan ng gabing iyon. Malalayo din ang agwat ng mga kabahayan sa lugar namin at medyo inaatake na rin ako ng takot dahil sa mga kwento-kwento sa lugar namin, pero tinuloy ko pa rin ang aking paglalakad. Nang marating ko ang gate ng bahay nila tita Janice, nakinig muna ako sa labas. Tahimik ang bahay nila at malamang wala pa sila. Naaaninag ko ang ilaw sa bintana nila na nagmumula sa altar malapit sa kanilang sala.

Umalis na lamang ako para bumalik sa bahay dahil wala pa naman sila nanay. Ang lamig talaga ng ihip ng hangin. Sa unahan ko ay napansin ko ang papalapit na tao, mga 15 metro ang layo sa akin. Ah, si Kuya Robert! Pauwi na siguro mula sa kapitbahay namin, mukhang kakatapos lang ng pelikula na pinalabas sa betamax. Tumalon-talon pa sya, lumipat-lipat ng side ng kalsada habang humahalingling! Sus, trip na trip akong takutin ng taong ito!

"Kuya Robert!" sigaw ko. Pero hindi sya sumagot. Patuloy lang sya sa paglundag-lundag papalapit sa akin.

Limang metro. Tinakpan ng anino ang daan gawa ng malalagong puno ng mangga ang imahe ni Kuya Robert at pansamantalang nawala sya sa paningin ko. Nang biglang bumulaga sa harapan ko ang isang matandang babae! Hindi sya si Kuya Robert, kundi si Sabel! Ang matandang pinaghihinalaan ng buong barangay na isang aswang! Napako ako sa kinatatayuan ko habang nagsisitayuan ang mga balahibo ko sa katawan. Ni hindi ko maibuka ang aking mga labi, gusto ko syang batiin ng "Magandang gabi" pero walang lumabas na tinig. Napapikit ako at nagdasal. Diretso lang sya sa paglalakad, nilagpasan lamang ako, napakalansa ng amoy nya—animo amoy ng dugo at isdang bato! Samo't saring tanong ang nagsasalimbayan sa utak ko ng mga oras na iyon. Bakit ang lakas-lakas nya para makalundag pa sya ng ganun kaliksi? Saan sya papunta? Bakit sya humahalinghing na para bang sinasapian ng masamang ispiritu? Bakit napakalansa nya? At bakit hindi nya ako pinansin, eh kapag umaga, nginingitian naman ako nun?

Kumaripas ako ng takbo hindi pauwi sa aming bahay kundi sa bahay ng isa pang pinsan ni nanay at kinuwento ko ang nangyari. Doon na ako naghintay sa nanay ko. Di ko na maalala kung paano nya ako nahanap pero hanggang ngayon ay malinaw pa rin sakin ang kakaibang pangyayari na iyon. Parang naririnig ko pa rin ang halinghing ni Sabel. Ang mga kwento ni Tita Janice noong nagbabangluksa sila sa pagkamatay nila ng kanilang ina ay mas nakakakilabot. Nahuli ng ate nya si Sabel na dinidilaan ang duguang kutsilyo na ginamit sa pagkatay sa baboy na ginawang panghanda nung nagbabang luksa sila. Nung tanungin kung bakit nya ginawa yun, ngumiti lamang sya at sinabing nagugutom daw sya. Napakarami ng pagkain nung araw na iyon, bakit duguang kutsilyo ang dinilaan nya?

Marami pang mga pangyayari na kinasasangkutan ni Sabel pero puputulin ko muna dito. Sya nga pala, ang nanay ni Tita Janice at si Sabel ay magpinsan.

Balete

Bukod tanging ako lang ang nabigyan ng solong kwarto sa aming bahay at ito ay nakapwesto sa dulong parte, kaya naman kita sa bintana ang aming likod bahay. Hindi ko ugaling magsara ng bintana dahil gustong-gusto ko ang pinapasukan ng sinag ng araw ang aking kwarto at sa gabi naman ay para maging presko dahil sa hangin. Bakanteng lote ang likod bahay namin na parang kasing laki ng isang classroom, ang bakanteng lote na ito ay napapaligiran ng mga likod bahay, pero bukod tanging bahay lang namin ang may bintana at nagkataon na nasa kwarto ko ito. Sa mismong tapat ng bintana ko ay may puno ng niyog at balete. Hindi ako natatakot kahit pa halos pumasok na ang sanga nito sa bintana ko. Pero isang araw pag-akyat ko sa kwarto ko napaka liwanag na. Pagsilip ko sa bintana pinutol pala ng kalikod bahay namin ang puno ng balete dahil humahampas daw sa bubong nila ang sanga nito. Ilang gabi akong balisa, minsan magigising ng madaling araw dahil may kumakalabit, o kapag gigising ako para umihi, may sumisitsit. Kaya naman madalas hinihintay ko munang magkaroon ng liwanag para makatulog. Pero isang hapon sa sobrang pagod ko nakatulog ako, Topless lang ako. Naramdam kong may dumagan sa likod ko, sobrang mabalahibo, nung una dinedma ko sa sobrang antok, pero nung tumapat yung bibig nya sa tenga ko dinig na dinig ko yung buntong hininga nya at yung braso nya ramdam ko sa leeg ko. Pabigat ng pabigat yung pakiramdam ko, minulat ko ng konti ang mata ko, madilim at mausok. Sumisigaw ako pero walang boses na lumalabas sakin, pumikit ulit ako at nagdasal. Sa isip ko ng paulit-ulit pero pabigat pa din ng pabigat ang pakiramdam ko. Pero hindi ako tumigil magdasal hanggang sa biglang napabangon ako at binuksan agad ang pinto at ilaw pero bago pa ako makabangon nakita ko sa tapat ng kama ko yung salamin, nakita ko yung repleksyon ng isang malaking lalaki na mabalahibo papuntang bintana. After nun, ubo ako ng ubo tsaka bumaba para magsabi sa lola ko, pinagtirik ako ng kandila sa kwarto, kapre daw yun, pinutol daw kasi yung puno kaya nakikituloy sa kwarto ko. Bihira lang kasi akong magbukas ng ilaw kaya laging madilim sa gabi ang kwarto ko at madalas nasa bintana ako kapag nagsesenti at nung panahon na yun sobrang problemado ako, kaya marami akong suicidal thoughts.

Scary Stories 5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon