Third Eye

169 7 0
                                    


Gusto ko lang i-share ang isa sa mga hindi ko malilimutang experience ko about Multo. 9 years old pa lang ako nung magsimula akong makakita ng hindi tulad natin. Itong kwentong ise-share ko ngayon ay nangyari naman noong 2nd year high school ako.

Nasa classroom ako no'n, mga tanghali iyon. Nakaupo lang ako sa upuan ko habang ang mga classmates ko ay may kanya-kanyang mundo rin. Nagulat na lang ako nang may nakita akong nagsusulat sa blackboard pero wala namang tao. "Tulungan mo ako" ang eksaktong nakasulat do'n kaya mas lalo akong nagtaka. Ang sumunod na pangyayari pa ang mas lalong gumulat sa akin, bigla kasing may lumitaw sa harap ko na binatang lalaki. Doon palang ay alam ko ng hindi siya tulad natin. Hindi ako nagpahalatang nakikita ko siya, nagkunwari pa rin akong hindi siya nakikita kahit napakalapit na niya sa akin. Sinabi pa niyang tulungan ko daw siya, gusto niya lang daw makausap ang Nanay niya pero nanatili pa rin ako sa pagpapanggap, hinayaan ko lang siya kahit ang loob-loob ko'y nagwawala na sa matinding takot. Hanggang uwian nakasunod pa rin siya sa akin, sinabi pa niya no'n na "Alam kong nakikita mo ako." Syempre natakot na talaga ako kahit sanay na akong makakita ng multo hindi naman kasi dumating sa puntong kinakausap ako ng mga ito, ngayon lang. Hindi ko na rin naisip ang magdasal no'n sa takot, nagmadali na lang ako sa pag-uwi. Pagdating ko sa bahay, nagtaka agad ang Papa ko. Bakit daw ang tahimik ko, hindi naman daw ako gano'n sa bahay. Maingay kasi akong tao. Kaya napilitan akong magkwento kay papa, sinabi ko dito ang nangyari. Matamang nakinig naman ito at agad na naniwala sa akin dahil kahit ito mismo ay nakita rin ang lalaking sumusunod sa akin. Nakakakita rin kasi ito, sa kanya ko yata namana ang kakayahang makakita ng mga hindi katulad natin. Pinayuhan ako ni Papa na kung hindi naman daw ako sinasaktan nung multo bakit hindi ko na lang daw tulungan kung may maitutulong naman daw ako. Kaya kinabukasan sinubukan kong sundin ang payo ni papa, tinanong ko sa lalaki kung ano ang maitutulong ko sa kanya para tigilan na rin nito ako sa kakasunod. Isa lang daw ang hiling niya, ang makausap ang mama niya kahit sa huling pagkakataon. Ikinuwento niya ng lahat sa akin bago siya namatay, napag-alaman kong nag-iisang anak lang pala siya kaya hindi niya matanggap-tanggap ang biglaang pagkamatay niya. Tumatayo talaga ang mga balahibo ko no'n dahil habang nagkukwento siya, iyak siya ng iyak. Yung iyak na sobrang nakakatakot pakinggan. Birthday niya daw no'n, niregaluhan daw siya ng mama niya ng motor. Noong araw ding iyon, nakipag-racing siya sa mga barkada niya kahit pinagsabihan na siya ng mama niyang huwag lumabas ng bahay at mag-ingat kasi nga kaarawan daw niya. Pero sinuway niya pa rin ito, sa hindi inaasahan, sumalpok daw ang motor niya, hindi na rin nagawang pumreno ng mga barkada niya dahil sa lakas ng pagmamaneho nila kaya sunod-sunod na nasagasaan siya ng mga ito. Pangatlong araw pa bago daw niya nalamang patay na siya.

Takot pa rin ako no'n but at the same time sobrang naaawa ako sa sinapit nito. Tinanong ko siya kung paano ko siya matutulungan, nagulat ako nang sabihin niyang dito rin daw sa paaralan namin nagtuturo ang nanay niya. Isa pa lang guro ang mama niya na kaka-transfer lang sa paaralan namin na teacher ko rin pala sa Arpan subject. Hindi na ako nag-aksaya pa ng panahon, humanap agad ako ng tyempo para makausap si Ma'am Jawali, tinanong ko dito kung totoo bang may anak ito. Sumagot naman ito ng, oo may isang anak daw siyang lalaki pero pitong buwan na daw na namatay sa motor racing. Hindi agad ako nakaimik parang nanigas ako sa kinatatayuan ko. Hindi ko na rin namalayang lumabas na si ma'am sa classroom.

Sumapit ang sabado, hindi na ako nakatiis pinuntahan ko na ang bahay ni Ma'am Jawali kasama yung anak nitong lalaki. Nung nasa loob na ako, bigla akong nakaramdam ng pagdadalawang isip at takot kung paano ko sasabihin dito ang tungkol sa anak nito dahil baka magalit ito sa akin at hindi lang rin ako paniwalaan, isipin pang baliw ako. Nagtalo ang isipan ko, pero wala na rin ako nagawa dahil nandito na ako, idagdag pa ang paulit-ulit na "Sige na, sabihin mo na." na naririnig ko mula sa lalaki. Kinakabahan at parang maiiyak na sinabi ko na nga sa guro ko na nakikita ko ang anak niya. Tama nga ang hinala ko, nagalit ito. Wag ko raw gawing biro ang alaala ng anak niya. Pero nagpatuloy pa rin ako, sinabi kong kasama namin ang anak niya ngayon. Inutos sa akin ng lalaki na sabihin daw sa mama niya na humihingi siya ng tawad, na huwag na itong umiyak gabi-gabi dahil maayos naman na daw siya. Sinabi ko nga iyon na ikinaiyak naman ng ginang. Ilang sandali pa, lumapit sa amin ang katulong nila, may naggigitara daw sa kwarto ni Juls. Iyak ng iyak ang guro ko dahil yun daw ang laging ginagawa ng anak niya pagkagaling sa school, umakyat kami sa kwarto. Nando'n nga yung lalaki, nakangiti na ito pero hindi siya nakikita ni ma'am. Sabi niya sa akin sabihin ko daw sa mama niya na kunin ang sulat na ginawa niya para dito noong birthday niya, nasa ilalim daw iyon ng kutson. Sinabi ko rin agad iyon sa guro ko, may papel ngang nakalagay doon. Mas lalo itong umiyak nang makitang tama nga ang sinasabi ko. Nakaramdam ako no'n ng kasiyahan sa dibdib ko dahil alam kong nakatulong ako kahit papaano.

Naalala ko rin no'n na sinabi sa akin ni Juls na tanggap na daw niya ang kapalaran niya, sa katunayan pa daw ay nalaman niyang pagtungtong niya ng bente uno ay mawawala rin siya sa mundo.

Isa lang po ito sa mga naging karanasan ko na gusto kong ibahagi. Maraming Salamat.

Mhie-mhie.
Zamboanga City.

Scary Stories 5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon