Hello! Silent reader po ako dito. Sana ma-post po itong story na ise-share ko. Salamat po!Ako po si John (first name ko) at dati po akong nagtatrabaho sa isang department store. Malaki po sya parang Puregold.
Nag-start akong magtrabaho doon bilang isang bagger (syempre ganun talaga, alangan namang manager agad hahaha joke!). Syempre bago kaya ayun tahimik muna ako sa umpisa, hinahayaan ko lang sila na magtanong sakin at magkwento tungkol sa mga buhay-buhay nila at tungkol syempre sa department store na yun (hindi ko na sasabihin pangalan nung department store na yun, baka mamaya e may makabasa dito na doon pa nagtatrabaho ipademanda pa ako e). Nagsimula silang magkwento tungkol dun sa department store, nung una e sinasabi lang nila kung sino ang may-ari nun, kung ilang branch yun at pinakilala nila sakin yung mga opisyales nung department store na yun. Hanggang sa kinuwento na rin nila sakin na may nagpaparamdam daw na bata doon, mahilig daw magparamdam yung batang kaluluwa na yun sa bodega. At syempre di ko na pahahabain yung kwento. Dahil sa angking kasipagan ko e na-promote ako bilang displayer (taga display ng mga products) at simula nung na-promote ako nagsimula na din ang pagkakagusto kong mag-resign na. Bakit? Dahil simula nung naging displayer ako nagsimula na ding bumukas ang third eye ko! (naks, third eye) di joke lang. Nagsimula ng magparamdam sakin yung batang kaluluwa (syempre bagong mukha ako sa kanya kaya papansin sya ng papansin hahaha! joke again!).
Unang araw ko bilang displayer e sa mga sabon, diaper, napkin at tissue ako na-assign. Which is nasa 3rd floor at pinakadulo pa nito yung pinaglalagyan. One week din akong naka-training bilang displayer at nakabisado ko naman agad lahat ng product doon. Hanggang sa natapos na akong i-train, so it means na ako nalang mag-isa ang aakyat sa 3rd floor at walang kasama. So ayun na nga umiral na ang pagiging duwag ko at pagiging matalino at the same time. Kaya kinausap ko yung iba kong kasamahan na displayer na kung kukuha sila ng stock sa 3rd floor e, hangga't maaari e magsabay-sabay nalang kami (hindi lang kasi diaper, napkin at tissue ang stock sa 3rd floor, may candies din at mga tinapay at kung nagtataka kayo kung saan nakalagay yung sabon e sa 2nd floor sya, di kasi pwedeng ihalo ang sabon sa mga nakakain na stock gets?) So ayun na nga pumayag naman sila, kaya kapag kukuha kami ng stock e ililista na namin at sabay-sabay na kaming aakyat sa 3rd floor para kumuha. E sa pagmamadali kong kumuha ng stock e may nakalimutan pa ako. Kaya ayun mag-isa tuloy akong umakyat sa taas di na ako nagpasama kasi nagdi-display na yung mga kasamahan ko. Habang nandun ako sa 3rd floor at kinukuha ko yung nakalimutan ko, bigla nalang nalaglag yung isang kahon ng diaper. So ako naman tinignan ko at ang nakapagtataka doon e yung pinaglaglagan e napakalayo mula doon sa pinagkakamadahan nun. Siguro mga apat na hakbang mula doon sa pinagkakamadahan hanggang doon sa pinaglaglagan. At ang nakakapagtaka pa e paanong mahuhulog yun e nakadikit sa pader yung pinagkakamadahan at kahit hangin di kayang galawin yun dahil kulob ang bodega, pwera nalang talaga kung may maghahagis nun. Sa sobrang takot ko hinatak ko nalang yung kukunin ko at tumakbo pababa ng bodega. Di lang sya isang beses nagparamdam sakin, naulit pa ulit. Sa pagkakataong ito e sa display-an na ako ng mga candy. Tamad kasi yung huling nandun kaya ako ang ipinalit, saka sa display-an ng candy ubod ng hirap doon kasi mabili lahat ng tinda na candy doon, dahil nga karamihan ng namimili sa department store na yun e may mga sariling tindahan. Kaya ayun maya't maya ang akyat ko sa taas, sa sobrang busy ko kakaakyat-panaog e nakalimutan ko ng may nagpaparamdam na batang kaluluwa doon. Saka siguro sa sobrang pagod na rin, kaya nagpasya ako na magpahinga muna saglit. Maya-maya nung kukunin ko na yung mga dapat kong kunin e biglang nagtumbahan lahat ng stocks ng candy. At yung pagkakatumba nya parang domino na may tumulak, at nung tinignan ko nagsimula doon sa box ng candy na nakadikit sa pader, na parang imposibleng tumumba kasi bukod sa nakadikit sa pader e nakahelera yun na mas marami sa harapan at kung tumumba man e di siguro na parang domino. At imposible din na bumigay yung mga box nun ng sabay-sabay. Kaya ayun takbo na naman si ako pababa, di ko na pinapansin kung masubsob man ako sa sobrang takot ko. But wait there's more! Dahil nga sa angkin kong kasipagan ako'y na-promote na naman. Sa pagkakataong ito ay bodegero naman na ako. Ang pinakatinatanggihan ng lahat ng kasamahan ko na posisyon sa department store (bodegero means taga ayos ng mga stock sa bodega). Pero sayang kasi, malaki sahod ng bodegero kaya pinatulan ko na. At nung naging bodegero ako, dun ko na na-experience ang di ko pa na-e-experience sa tanang buhay ko. Sa tuwing iiwan ko ng maayos ang bodega, babalikan kong gulo-gulo lahat ng kamada doon na para bang dinaanan ng signal number 99 na bagyo.
Simula 2nd floor hanggang 3rd floor sobrang gulo, yung tipong pagkakagulo na wala ng pag-asang umayos pa. Pero eto ako si masipag ayos na naman ulit, ayos ng paulit-ulit. Hanggang sa nasanay na ako sa ganoon kaya kapag magulo, sisigaw ako sa bodega ng "pwede ba kahit saglit lang huwag mo munang guluhin?" At ayun guguluhin pa din nya, palibhasa batang multo kasi e. Akala nyo yan na ang pinakamalala? Pwes nagkakamali kayo. Eto na ang pinakamalala, sa pagkakataong ito di lang sya nagparamdam kundi nagpakita pa sya sakin. May deliver noon at saktong sa 3rd floor na mga stocks. Kaya ako ayun inayos na naman yung mga ginulo nung bata. Para na rin maibungad o maipaibabaw yung mga lumang stocks. Ako din kasi nagkakamada nun kasi baka mamaya kung anong kamadang balasubas lang gawin ng mga nagde-deliver kaya ako na nagkakamada. Saka binibigyan naman nila ako ng pang meryenda. So ayun na nga nagsimula na silang mag-backload (backload means binubuhat nila ng patalikod yung mga deliver nilang naka-box. backload kasi ang tawag nila kaya backload nalang din tawag ko correct me if I'm wrong ah) Maya-maya naririnig ko yung isang nagde-deliver na may sinisita sa 2nd floor, pero di ko alam kung sino ang sinisita nya. Kaya pag-akyat nya tinanong ko sya kung sino yung sinisita nya. Sabi ko "sino yung sinisita mo?" Sabi nya "ah wala, yung bata kasi hinaharangan yung dinaraanan ko." So ako naman nagulat, kasi wala naman yung anak ng manager namin. Saka kung nandun man yung anak ng manager namin e di nya papapuntahin sa bodega yun. Kaya ako naki-oo nalang sa nakita nya. Pero nakukulitan na daw sila kasi takbo daw ng takbo, minsan gugulatin pa daw sila kaya ako ayun takot na takot na sa 3rd floor. Kasi ako lang naiiwan doon dahil nga kinakamada ko yung mga bina-backload nila. Pero ang pinakamalala e nung inutusan ko yung isa sa mga nagde-deliver na i-backload nya pababa ng bodega yung mga lumang stocks para ma-i-display na sa displaying area, e bigla kong nakita yung bata na nakaupo doon sa bina-backload nung nagde-deliver at nakangiti sakin tapos kumakaway pa. At ang malala di lang pala sya mag-isa may kalaro pa pala syang dalawa. Yung dalawa e naghahabulan sa ibabaw ng mga box. Imbis na matakot ako natuwa pa ako sa nakita ko, ang sasaya kasi nilang naglalaro. Siguro bago sila namatay naglalaro lang sila kaya ayun yung naiwang memory sa kanila. Ngayon malinaw na sakin ang lahat, na kaya pala laging magulo yung bodega dahil araw-araw silang naglalaro doon. Kaya simula nung nagpakita sila sakin di na ako takot umakyat sa 3rd floor. Hindi na rin ako naiinis kapag magulo yung bodega, kasi ang nasa isip ko masaya silang naglalaro doon kahit di ko nakikita. Minsan nagugulat nalang ako na may bumabagsak pero napapangiti nalang ako kasi alam kong masaya silang naglalaro doon. Nga pala isang beses lang silang nagpakita sakin. Siguro dahil di nila ako kayang kausapin kaya pinakita nalang nila kung bakit laging magulo yung bodega.
Totoo nga na mas nakakatakot pa yung buhay kesa sa mga patay na.
Maraming salamat admin kapag pinost nya ito. At maraming salamat din sa mga nagbasa.
Wala akong pakialam kung hindi maniwala yung iba sa inyo. Ang sa akin lang shinare ko lang ang experience ko at di ko na kailangan na paniwalain pa kayo, nasasainyo na yun kung maniniwala kayo.
Adobo palayaw ko.
BINABASA MO ANG
Scary Stories 5
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree