Summer Vacation (Parts 1 & 2)

185 6 0
                                    

Part 1

Walang pasok, bakasyon. Mag-iikaapat na taon na ako sa mataas na paaralan ng panahong iyon ng maisipan ni mama na umuwi sa Iloilo, ang bayan kung saan siya ay isinilang. Pangalawang pagkakataon ko pa lang na makarating ulit sa lugar na iyon, yung una naming punta ay pitong taong gulang pa lamang ako. Dalawang buwan din kaming mananatili doon. Bukod kasi sa malayo sa polusyon ay malapit na rin ang piyesta sa lugar nila mama.

Almost 1 hour lang ang biyahe, from NAIA terminal 3 hanggang Cebu Airport. After nun ay dalawang sakay pa, from Cebu to Iloilo. Napapalibutan ng palayan ang bahay nila mama sa probinsya. Hindi naman kalakihan ang palayan nila. Dadaan ka muna sa mga pilapil bago ka makarating sa bahay nila lola. Walang katabing bahay sina lola, kaya kung may darating na tao sa kanila ay talagang may isinadya lamang or bumisita lang. May mga aso naman sila na tatahol kapag may ibang tao, kaya malalaman agad nilang may bumibisita.

May isa pa namang bahay sina lola, kaso nasa bayan iyon. At ang tumitira doon ay sina Tito Noel ko na lamang. Medyo malayo rin kasi ito sa bukid at palayan namin, kaya napagdesisyunan na lamang nina lola na magpagawa ng isang bahay sa may palayan namin, para na rin mabantayan ang bukid at ang palayan namin.

Gabi na ng dumating kami kina lola. Nasa tarangkahan pa lang ng pilapil ay natanawan agad nila kami. Masayang-masaya si lola ng makita kaming mga apo niya, ganun din ang mga tito at pinsan namin. Kwentuhan, tawanan lang hanggang sa abutin ng antok. Yung ibang usapan nila ay di ko maintindihan kasi lengguwahe ng bisaya ang gamit nila. Pero marunong naman silang magtagalog.

Unang gabi pa lang namin sa lugar na iyon ay nagsimula na ang isa sa mga makapanindig balahibong karanasan namin sa lugar na iyon. Naghahanda na kami sa pagtulog ng gabing iyon, ng maya-maya pa ay may kumatok. Isa, dalawa, tatlong katok. Pagkatapos ay tatlong katok ulit. Paulit-ulit yung katok pero wala namang nagsasalita ng "tao po!" sa labas. Nagkatinginan kaming magkakapatid, kasi lahat kami ay nasa loob na ng bahay, ganun din ang iba pa naming mga pinsan, kaya alam naming lahat ay nasa loob na ng bahay at wala ng nasa labas. Nagtataka kami kung bakit sa ganung oras ng gabi ay may kakatok pa? Nasa gitna ng palayan iyon, ibig sabihin ay may sadya ang nasabing kumakatok. At ang isa pa naming ipinagtataka ay hindi tumatahol ang mga aso nila lola, samantalang pagdating namin kanina ay halos sugurin kami habang kami ay naglalakad sa pilapil.

Napatingin kami kina lola at sa iba pa naming pinsan na noo'y nakatingin din pala sa amin. Pati si mama ay nakatingin din sa aming magkakapatid, na para bang alam na alam niya kung ano ang nangyayari ng gabing iyon. Lahat sila ay walng kibo at ayaw nilang pagbuksan ang tao na kumakatok sa labas. Nagsenyas naman ang lola ko na huwag daw kaming maingay at hayaan na lamang ang kumakatok sa labas. Nagtataka man ay sumunod na lamang kami. Pagkatapos ng tatlong minuto ay nawala na ang nasabing katok. Matapos nun ay may narinig kaming humahalakhak na babae sa labas ng bahay habang papalayo. At maya-maya pa ay tumahimik na ang paligid.

Nang gabi ding iyon ay pinaalalahanan kami ni lola na huwag na huwag daw naming pagbubuksan ang sinumang kakatok sa labas sa mga ganung oras ng gabi. At sa oras daw na magkamali kaming pagbuksan iyon ay mawawala kami. Aswang daw yung kumakatok kanina at kapag pinagbuksan namin ay kukunin kami at gagawing biktima. Daanan daw talaga ng mga ganun ang bukid nila, at sanay na sanay na sila sa ganong sitwasyon, ganun din si mama. Hayaan na lang daw namin kapag nakarinig ulit kami ng mga ganun. At sa loob ng dalawang buwan na ipinamalagi namin doon ay hindi lang isang beses naming naranasan ang mga pangyayaring katulad non.

Part 2

Tanghaling tapat ng pumunta kami ng bukid. Mula sa bahay ni lola ay may daraanan ka pa na sapa, na siyang dumadaloy sa taniman namin ng palay. Sa itaas na bahagi ng sapa ay may malalim na bahagi, na siyang pinapaliguan ng aming mga pinsan. Malinaw at malamig ang tubig doon at tamang-tama sa tag-init.

Ikalimang araw na nun ng bakasyon namin dito sa probinsya at ilang araw na rin ay mahal na araw na. Kasama ko sa pagtungo ng bukid ang Tito Noel, si Nico na anak niya, si Kuya at ang isa ko pang pinsan na si Kuya JP (si Kuya JP ay hindi taga Iloilo pero taga Visayas din siya). Nakatira sila sa Cebu, katulad namin ay nagbakasyon din siya dito sa lola namin. Bago magtungo ng Iloilo ay dinaanan namin sila sa Cebu, dahilan na rin kung bakit hindi kami nag-direct flight ng Iloilo). Naligo sa ilog, sumakay sa kalabaw at nanguha ng mga buko ang ginawa namin ng araw na iyon. Sobrang saya ng ganun at hinding-hindi mo magagawa ang mga iyon kapag ikaw ay nasa siyudad na.

Agaw dilim na, siguro sasapit na ang ikaanim ng hapon noon, ay isa-isa kaming tinawag ni tito upang umuwi na. Habang naglalakad pauwi, ay nagpaalam si Kuya JP kay tito na babalik sa sapa, upang balikan ang naiwang relo. Hindi pa naman kami nakakalayo sa ilog, kaya pinayagan ni tito na bumalik si Kuya JP. Nagpresinta pa ang isa kong pinsan na si Niko na sasamahan si Kuya JP pabalik sa ilog pero tumanggi ang loko na magpasama dahil maaabala lang daw. May labinlimang minuto kaming naghintay, nang maya-maya pa ay humahangos ito. Lambot na lambot ang katawan nito at nanginginig at halos mabuwal sa lupa ng makabalik sa amin. Pinainom muna namin siya ng tubig bago tinanong kung ano ang dahilan kung bakit siya nagkaganun?.

Habang pabalik daw siya ng sapa ay may sumisitsit daw sa kanya sa malaking puno ng mangga (sa laki ng puno ay halos di kayang yakapin ng dalawang tao) hindi niya daw pinansin ito kasi inisip niya baka sinundan lang namin siya at pinagtitripan lang. Dumiretso daw siya ng sapa at kinuha ang naiwan niyang relo. Habang nasa sapa ay may nasalamin daw siya sa tubig na parang apoy sa may bandang likuran niya at dahil kalat na ang dilim ay kumalat ang liwanag niyon sa paligid na kinaroroonan niya.

Akala niya nung una ay kami yun at sinundan lang namin siya. Pero pagharap niya, ay sa halip na kami ang makita niya ay isang bata ang nakita niya! Nakayuko lang ito sa harap niya at sa tantiya niya ay naglalaro sa tatlo hangang limang taon ang edad ng nasabing bata. Hubo't hubad ito at may tangan na sulo, na siyang nagpapaliwanag sa buong paligid. Dahil na rin sa liwanag na dulot ng sulo ay nakita niya ang buong anyo nito! Wala namang nakakatakot sa tindig nito, maputi ito at kulot ang buhok na may kulay na blonde. Sa pakiwari niya ay anak ito ng isang foreigner, dahil na rin sa pangangatawan nito. Tinanong niya ang bata kung taga saan o kung naliligaw ba, pero tahimik lang ito na nakayuko. Dahil na rin sa nakayuko lang ang bata ay na weird-uhan si Kuya JP. Ni hindi niya daw makita ang mukha nito! Dahil sa kyuryusidad ay muli siyang humarap sa sapa at sinalamin ang tubig. Sa tulong ng liwanag ng sulo ay nasalamin niya ang itsura nito! Dahil nakayuko ang bata ay nag-reflect ang mukha nito sa tubig. Sa una niyang tingin ay wala namang kakaiba sa mukha nito. Pero may napansin lang siya sa bandang mata nito, tama ang kanyang nakita! Walang balintataw ang bata! Maya-maya pa ay nakita niya sa reflection ng tubig na ngumisi ito, pero nakayuko pa rin (imagine-nin nyo ang ngisi ni chucky, ganun na ganun daw). Sa takot ay nagtatakbo si Kuya JP hanggang sa makita kami. Kinuwento niya sa amin ang nakita niya. Lahat kami ay kinilabutan sa mga sinabi niya, base na rin sa pananalita niya na pautal-utal.

Dahil dito ay pinagmadali kami ni Tito Noel na maglakad at ng makauwi na. Pagdating sa bahay ay nasermonan pa kami ng lola pati na rin si tito. Kung bakit daw kasi nagpaabot pa kami ng gabi sa gubat. Si Kuya JP naman ay namumutla pa rin at hindi makausap ng maayos. Si Kuya at si Nico naman ay nakatungo lang habang nagsesermon si lola. Ako naman ng mga oras na iyon ay umiikot ang imahinasyon sa nakita ni Kuya JP.

Naengkanto daw si Kuya JP wika ng lola, dahil na rin sa magmamahal na araw na ay nagsisilabasan na ang mga ito. At ang nakita daw ni Kuya JP ay isang uri ng timawo at maaring anak lamang ito. Ang timawo daw ay isang uri ng engkanto na madalas makikita sa mga gubat lalo na kapag mahal na araw. Kadalasan daw sa mga babae nagpapakita ito, dahil malimit daw ay nagkakagusto ang mga ito sa mga babae. Dahil na rin sa malapit na ang mahal na araw ay kung kani-kanino na daw magpapakita ang mga ito.

Kapag may makasalubong ka daw sa gubat na walang kanal-kanal sa pagitan ng mga labi at ilong, at wala daw itong balintataw sa mga mata ay timawo daw ito.

Nang araw na iyon ay inapoy ng lagnat ang pinsan ko, tumagal iyon ng tatlong araw. Ikalimang araw pa lang ng bakasyon namin sa lugar na iyon ay unti-unti ng nagpapakilala sa akin ang mga nilalang na ito, na siyang nagtulak upang isulat at ibahagi ko sa inyo, upang dalhin ko ang mga imahinasyon niyo sa lugar na iyon.

- Mr. Youso

Scary Stories 5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon