Baboy

84 5 0
                                    


Hello sa lahaaaaat!, I'm a silent reader of Spookify at naisipan kong i-share rin ang experience ko when I was 12 yrs old, graduating ako sa elementary that time. Just call me Faith (not my real name).

So eto na, sa probinsya namin wala pang gaanong may kuryente noon. 'Pag may kuryente kayo, ibig sabihin angat talaga ang buhay n'yo. Kaya kapag sumasapit ang 6:30 ng gabi, madilim na talaga. Isang gabi, narinig ko si Nanay na niyayayang bumili ng lutong ulam si Tatay, may kalayuan 'yun at panigurado ay makikipag-kwentuhan pa sila along the way. Kaya sabi ko na sasama ako.

Ako ang bunso saming magkakapatid, 12 kami. O, 'wag kayong  judgemental, ah. Kahit marami kami masaya naman kami. Tsaka noong peace time (unang panahon, hahaha), sabi ng mga parents ko, wala talagang family planning. 14 nga talaga kami, pero namatay ang dalawa--pangalawang panganay at pangalawang bunso na magka-birthday at same araw ng kamatayan, strange diba?

Balik tayo sa kwento, sinama naman ako at pati ate ko ay sinama kasi may project daw s'ya na kailangang bilhin. Habang naglalakad kami papunta roon, sinabihan na ako ng nanay ko na 'wag akong magtuturo at magpapabili (shout-out sa mga bunso riyan, hahaha). Pagdating namin, maraming namimili kaya naghintay pa kami. Sumilip kami ng ate ko sa pinto ng tindahan. 'Pag sumilip ka kasi sa pinto: yung kaliwa ay tindahan, tapos sa kanan naman 'yung sala at nanonood sila ng TV.

Nakita ko ang mga magulang kong nakikipagkwentuhan kina Tito at Tita na may-ari ng tindahan, kaibigan sila ng mga magulang ko at churchmates namin sila. Kami ng ate ko ay pumasok at nakinood. May mga ibang batang nakikipanood din. Nalibang kami kasi nakakatakot 'yung palabas. 'Yung Shake, Rattle and Roll na may refrigerator at isa si Janice de Belen sa mga bida. Mga batang 90's at 80's, alam ninyo 'to sigurado! Sigawan pa kami sa pinanonood namin, tapos narinig ko 'yung Nanay ko na tinatawag na kami ng ate ko, pero sinabi ng ate ko sa Nanay namin na tatapusin na namin ang palabas. Uuwi na raw sila kasi maaga papasok ang tatay ko sa work. Sabi naman ng Tita ko, "Sige, kapatid, umuwi na kayo at ipapahatid ko na lang sila sa mga binata ko." Pumayag naman ang Tatay ko kasi baka gutom na raw 'yung mga kapatid ko na mas matanda sa akin. May tatlong kapatid pa akong naiwan sa bahay, so anim pa kaming walang asawa at sa magulang pa nakatira ('yung anim naman sa kapatid ko, nag-asawa na). Then, may isa akong ate na nagwo-work sa Mabalacat, Pampanga that time.

Lumipas ang isa pang oras at natapos na 'yung movie tapos nagtayuan na kaming mga nakinood.
Narinig ko si Tita na sinabi "O, Erap, hatid mo na si Donna at Faith, umuwi na sina Tita mo." "Opo" sabi naman ni Kuya Erap.

So, habang naglalakad kami, nakahawak-kamay kami ng ate ko, TAPOS NIYAKAP NIYA BIGLA 'YUNG KAMAY KO. Naramdaman ko ang pintig ng puso niya. ANG LAKAS. Kasi napadaan kami sa bakod sa sinasabi nilang bahay na may multo. BATA PA LANG AKO, NARIRINIG KO NA 'YUNG MGA KWENTO-KWENTO ABOUT SA BAHAY NA 'YON. May nakatira sa bahay no'n at ang head of the family nila ay namatay daw nung time na pinanganak ako.

Tinanong ko 'yung ate ko kung bakit parang hindi siya makapaglakad at  kung bakit ang bigat ng mga paa niya. Nakapagitna kami sa dalawang magkapatid na lalaking naghatid sa amin.

Bumulong sa akin ang ate ko at sinabi, "May lalaking nakabarong nasa puno." Tumingin ako at napasigaw nang makita ko. May lalaki ngang nakaangat ang paa tapos nakabarong!!! 'Yung Ate ko nanginginig at umiiyak na. Sabi naman ni Kuya Erap na 'wag daw naming tignan para 'di namin makita (oo nga naman, hahaha). 'Di pa kami nakakalampas sa bakod nila, nang may lumabas na malaking baboy (malaki talaga at parang nag-aapoy ang kanyang mga mata) na 'di namin alam kung saan nanggaling.

Parang maiihi na ako nu'n sa sobrang takot at sinabi ni Kuya dumiretso lang kami at huwag pansinin. Paaano ba naman namin gagawin 'yun, e, nangangatog na kami sa takot ng ate ko. Lumalapit pa sa amin ang baboy, TAPOS 'YUNG ATE KO NAMAN TALAGANG HINDI NA MAKALAKAD! Tumigil siya at ngumawa-ngawa sa daan. Hinawakan s'ya ng dalawang kuya--magkabilang kamay at in-orient kami na tatakbo kami.

So 'yun, tumakbo nga kami at nilagpasan namin ang malaking baboy. 'Di na nmin s'ya nilingon nung nakalagpas na kami. At nu'ng nasa kanto na kami, 'yung ate ko naman ay nagpumiglas at nagsisigaw. Malapit na kami sa bahay namin, apat na bahay na lang, and may tindahan sa harap ng bahay namin.

Dahil nagsisigaw 'yung ate ko, nagtahulan 'yung mga aso at nagsilabasan 'yung mga kapitbahay. Pero siya? Dire-diretso siya sa tindahan sa harap ng bahay namin nu'ng nakakita siya ng maraming tao. Bigla niyang sinubsob 'yung mukha niya sa kandungan ng barkada ng kuya ko (totoo kong kapatid) na nakatambay sa tindahan. Nagulat ako, shookt kaming lahat, aba. Hingal kabayo pa ako no'n sa katatakbo kasi naisip ko na baka abutan kami ng baboy, tumingin naman ako sa likod at wala na siya. Pero nu'ng lumingon ulit ako, nakita kong nahimatay 'yung ate ko at pinagkaguluhan s'ya. Lumabas na rin ang magulang ko kasi nabosesan pala ang ate ko.

Tinanong ng mga tambay kina Kuya Erap kung napaano ba ang ate ko. Pinaamoy nila ng dahong bayabas si ate para magising, nagising naman kaso "histerikal" pa rin siya kaya sinampal na siya at tinanong. Sinabi ng ate ko na may nakita kaming nakabarong na lumulutang at malaking baboy na inakala na kakainin kami.

Hanggang sa nakauwi na rin kami, finally! At sa takot namin ng ate ko, 'di na kami nakakain. Matatakutin talaga ang ate ko at sana pala 'di nalang kami nanood nu'n. Kasi after that incident, kaluskos lang ng kung anong bagay at kahit pati sa ipis ay sobrang takot s'ya. Nilagnat pa ang ate ko nu'n at 'di sya nakapasok kinabukasan kaya 'di rin niya na-pass 'yung project niya.

Sana po ma-post 'to at marami pa akong gustong ikwento. God Bless!

Faith
Pampanga

Scary Stories 5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon