Eyyy, I'm Faith from Pampanga.Ang kuwentong ito ay nangyari 'di pa ako pinapanganak at ginawang panakot sa aming barangay. Panakot ito sa mga pasaway na batang gumagala sa gabi at sa mga naliligo sa ilog.
Kuwento ito sa akin ng Ate Aubrey ko na noon ay may asawa na at ang aming mga kuya na matanda sa kanya ay mga binata pa. Gagamitin ko ang kanyang POV para maintindihan nyo ang istorya.
"Masaya ang buong barangay ng gabing 'yon. Fiesta kinabukasan kaya bisperas pa lang ay marami ng tao. Minsan lang sa isang taon ito mangyari. Busy ang lahat sa mga nilulutong putahe at ang mga binata naman at dalaga ay may activity sa basketball court, may sayawan pagsapit ng gabi. Halos lahat yata ng tao noon ay lumabas para manood ng sayawan. 'Pag ganoon kasi ay sabik makapanood ang tao kahit ang mga sumasayaw ay 'di naman marurunong. Mabubuwisit ka lang manood lalo na 'pag sweet ang tugtog, buti lang sa hindi sila gagalaw.
Ako, bilang bata ay nasa may likod lang nakakapit sa may bakod. Oo, may bakod noon na nagsisilbing harang para sa mga hindi kasali sa sayaw. Hindi pwedeng sumali ang kahit sino lang, may bayad para sa ticket at 'yun ang pass mo para makapasok. Babae at lalaki ay may bayad. Ang pera kasi ay gagamitin para sa proyekto ng mga kabataan.
Ang mga girls ay may nakalaang upuan at 'pag may tugtog ay matatawa ka dahil nagkakandarapa ang mga boys na maisayaw ang mga type nila. Wala naman akong kamalayan noon na may isa palang babaeng inaasar ang isang lalaki na nasa loob ng bakod. Marahil ay nasa kabila akong bakod kaya 'di ko napansin.
Gustong-gusto kong makapanood talaga ng sayawan pero sinusumpong ako ng antok. Niyayaya ko na ang aking nga kapatid na umuwi na lang dahil hindi naman maganda, nakakaantok na. Ang mga nagsasayaw ay tila nagliligawan, sobrang dikit na dikit. Salamat sa Diyos noon biglang dumating ang Tatay namin. Sinusundo na pala kami. Ang takot lang ng dalawa kong kapatid na nakakabata sa akin. Natuwa ako sa pagsundo ni Tatay.
At kaya pala kami sinundo ay dahil may gulong nangyayari. Meron daw isang babaeng nanggugulo sa mga babaeng isinasayaw ng asawa niya. Kung anu-ano raw ang mga patutsadang sinasabi habang nasa labas ng gate. Inaaway daw ang isang lalaki habang nagsasayaw ng mga babae. Hanggang sa nambato na ang babae mula sa labas ng gate. Tinanong ng nakababata kong kapatid kung sino ang babae. Si Jagang sabi ni Tatay, kilala siya ng mga kapatid ko dahil katapat bahay lang namin sila. Pero ako 'di ko kilala dahil 'di ako lumaki sa mga magulang ko.
Si Jagang ay kapatid ng katapat ng bahay namin at mentally challenged siya, pero balitang may relasyon sila nung lalaking binabato nya at inaaway. Buti raw pala tapos na ang away sabi ni Tatay.
Niyaya na raw ng lalaki na umuwi si Jagang at tila naawa ito sa asawa niya. Yakap-yakap pa sa daan habang naglalakad sila. Buong tiwala naman si Jagang na okay na ang lahat. Nabura na ang kanyang sama ng loob sa itinuturing niyang asawa. Nang mag-boyfriend pa lang daw sila ay sa ilog ang kanilang tagpuan 'pag tahimik na ang barangay.
Wala pang kuryente noon. Kaya pagsapit ng gabi, pawang kadiliman ang makikita sa paligid. Sa bawat bahay ay gasera lang ang gamit na ilawan. Ang gasera ay sa loob ng bahay ginagamit. Patipiran sa gas ang mga tao, 'yung mga may afford lang siguro ang may nakaimbak na gas o kerosene.
Nakauwi na kami, nasermunan kami syempre ni Nanay. Bakit daw nagkakagulo na at hindi pa kami umuwi kaagad at nagpasundo pa kami. Mabuti na lang daw natahimik sa sayawan kasi iniuwi ng ginugulo yung nanggugulo.
May nakakita na magkayakap ang dalawa patungo sa ilog. Ang nakakita ay papunta sa sayawan, tiyempong pumwesto sa pwesto kanina ni Jagang kaya sinabi niyang okay na sila.
'Nakasalubong ko pa nga papuntang ilog, doon lagi pumupunta 'yun kapag sabik sa isa't isa', sabi ni Berto at sinabayan nang halakhak.
Lumipas ang magdamag. Naging umaga. Fiesta na, masaya ang mga tao. Ang mga kapitbahay ay naghahanap kay Jagang para tuksuhin. Nagtataka sila bakit walang nakikitang Jagang na palaboy-laboy sa daan at kung saan-saang bahay nagpupunta. Lumipas ang maghapon, wala pa si Jagang. Walang Jagang na lumitaw hanggang kinabukasan pa.
Humahangos ang isang lalaki na basang-basa ang pantalon, galing daw ito sa pagpapaligo ng kalabaw sa ilog. Nakita niya si Jagang sa ilog at namamaga na raw ang katawan. May mga pasa pati sa mukha at isa nang mabahong bangkay! Nagsisigaw ito na nakita niya si Jagang sa ilog ay patay na. Paulit-ulit.
Naglabasan ang buong barangay at sumugod silang lahat sa ilog. Doon sa ilog ay natunghayan nga nila ang wala ng buhay na si Jagang. May mga suso ng nakakapit sa kanya. Lahat ay nakatakip ang mga ilong. Lahat ay hindi makapaniwala sa naging kapalaran ni Jagang, awang-awa sila. May mga pulis na dumating at nakita ang kanyang itsura, usli ang isang mata, maga ang nguso, may pasa ang buong katawan dulot ng inabot na bugbog. Doon lumapit ang lalaking nakasalubong nila Jagang ng gabi ng sayawan at sinabi niya ang lalaking kasama ni Jagang papunta sa ilog. At hindi raw niya akalain na hahantong sa ganito, kasi ang sweet-sweet nila.
Nagsalita na rin ang ibang nakakaalam sa nangyaring away sa sayawan. Ang sabi ng isa,
'Akala po namin ay okay na sila, kasi inamo niya si Jagang. Dahil nu'ng una ay selos na selos ito sa bawat isayaw ni Pekto.'
'Kung ganon ay madali ng maso-solve ang kaso', sabi ng pulis.
Nagawa nilang maiahon ang bangkay sa kabila nang pandidiri nila, dahil nga umaalingasaw na ang amoy ni Jagang.
Nawawala ang suspect, maging ang amo nito ay nagtataka sa kanyang biglang pagkawala. Makalipas ang isang taon nagbalik sa barangay ang salarin. Wala ni isa man ang naglakas loob na magtanong sa kaniya. Nagawa pa niyang maligo sa ilog at bumili sa tindahan ng kapatid ni Jagang. Wala siyang nahalatang may pangyayaring nagpasindak sa barangay nila na siya ang dahilan. Maging 'pag pupunta siya sa tindahan ay wala siyang nahahalata. Ang lahat ay normal para sa kanya.
Pagkaraan ng ilang araw, ganon na lang ang pagkabigla niya nang dumating ang mga pulis sa kanila. Hinuli siya at walang nagawa. Sumama naman siya at ipinagtapat ang kanyang ginawa--kung paano at bakit. Ang buong akala nya ay inanod ng ilog ang bangkay ni Jagang.
Si Jagang naman ay palaging nagpaaramdam sa ilog at nagpapakita 'pag takipsilim na."
Hanggang doon ang kwento ni Ate
Kami rin ay nagkaisip na ayaw magpaabot ng dilim sa ilog.
FAITH
PAMPANGA
BINABASA MO ANG
Scary Stories 5
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree