Nawawala ang Nakaburol

88 5 0
                                    


Faith po ng Pampanga at your service.

Ito ay kwento sa amin ng Kuya Ed ko na nakwento ko minsan dun sa isang kwento ko na bukas ang third eye. Baby pa lang ako nun ng mangyari ito. Nakwento lang nya sa amin ito ng minsang nakikipaglamay kami sa isang kamag-anak.

Sabi ng Kuya ko sa pinsan naming namatayan ng kapatid, "bantayan nyo yan baka mawala".

Nagtaka naman ang mga pinsan ko tsaka kami. Sumagot ang pinsan namin, "Kuya naman e saan naman pupunta, alangan namang pumasyal pa?"

Makinig kayo sabi ni Kuya.

Kuya Ed's POV:

Nung binata pa ako nun at sanggol pa itong si Faith. Nakipaglamay kami ng mga kaklase ko sa Tatay ng isa pa naming kaklase. Ilang barangay ang malalampasan mo, mga tubuhan at tatawid ka pa ng ilog bago ka makarating don.

Huling gabi yun ng burol at maraming tao syempre. May pa-kape at biscuit. May mga nagsusugal. Nagkakantahan kami ng tropa nun habang naggigitara ako ng biglang umihip ang malakas na hangin namatay ang mga gasera na nagsisilbing ilaw. Maging ang mga ilaw na nasa magkabilang sides ng kabaong ay namatay din. Wala pang kuryente non. Kaya gasera ang gamit talaga.

Kinilabutan ako nun ng dumilim may nararamdaman akong kakaiba. Tumaas ang balahibo ko. Natataranta naman ang mga naghanap ng posporo para masindihan uli ang mga gasera. Hindi pa makita ang posporo kaya naghanap pa ng bukas na tindahan.

Natagalan din bago masindihan ang mga ilaw. Nagbalik sa dating pwesto yung mga tao at ako kumakanta na ako nun ng DELILAH ng marinig namin ang komosyon sa loob. May sumisigaw at tumatangis. Ganun naman pag may patay may tumatangis pero weird ito. Mukhang maingay at magulo. Pumasok kami ng kaibigan ko at tinignan kung bakit sila nagkakagulo.

TAKSYAPO!
(expression yan ng mga kapampangan).

Nawawala ang bangkay sa loob ng kabaong!

Takang-taka ang lahat paano ito nangyari. Dapat ay ililibing na ito bukas pero bakit nagkaganon sabi ng mga tao. Pano nila maililibing kung wala siya?

Naghanap ang mga tao pati kami nakisama, ginalugad namin ang mga kapitbahay at kung may kahina-hinala ba. Pati mga kalapit barangay ay naghanap kami. Pero bigo kami.

Hanggang isa sa mga kaibigan ko ang nagpaalam ng umuwi kasi pupunta daw sila sa bayan ng Nanay nya. Sa pagkatawid nya ng ilog ay may nakita siyang aso na may kinakain sa gilid ng pampang ng ilog. Nilapitan nya ito pero ang aso ay galit na galit at tila gusto siyang sakmalin. Nanlikisik ang kanyang mga mata. Sa pag-urong ng kaibigan ko ay may natapakan siyang bato na malaki at dinampot iyon. Ibinato sa aso pero hindi nya ito natamaan. Tumakbo ito at sinundan nya ito ng tingin hanggang biglang nawala. Tsaka nya nilapitan kung ano ang kinakain ng asong yun. Ang bangkay! Ang tatay ng kaklase namin ang kinakain ng aso!

Nagdudumali siyang nagbalik sa bahay ng namatayan at malayo pa ito ay nagsisisigaw na. Pawis na pawis. Nakita daw nya ang bangkay. Sabay turo doon sa ilog.

Mabilis kaming lumabas ng bakuran at nagpunta kung saan ang tinutukoy nya. Laking sindak nga ng lahat ng makita ang bangkay na halos konti nalang ang laman. Mga buto nalang halos ang natira. Yung sa loob nya ay wala na rin.

Magkakatulong naming binuhat ang labi. Pinaayos nalang sa funeral service bago mailibing at hindi nalang binuksan.

Nailibing namang maayos ang bangkay. Ang sabi ng anak ng namatay ng mawalan daw ng ilaw ay lumabas daw siya para sabihin na magsindi uli at may napansin siyang aso na pumasok sa bahay. Akala nya ay pangkaraniwang aso lang ito.

End of Kuya Ed's POV.

Kaya bantayan mo yan baka mawala. May mga aswang na nagdidisguise ng hayop.

Nakakatakot kaya dun sa barangay namin ay hindi iniiwan pag may nakaburol kasi nabalita yun na may nangunguha ng patay. Tsaka patay na nga ilang araw na lang makakasama bakit ipaparamdam pa ang parang wala silang halaga?

Tapos sa Public Cemetery samin  grabe binubuksan ang mga kakalibing pa lang para nakawin ang kabaong o kung may alahas man o gintong ngipin. At ibinebenta. Ang kabaong ay ibibenta uli sa mga funeral services. Nakakalungkot pero it's true pati patay ay pinagkakaperahan at ninanakawan.

Faith♥️
Pampanga

Scary Stories 5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon