Taong mil nueve siyentos otsenta y sinco, panahon iyon ng pagkokopra, at kailangan may umahon sa Haluban sa may Sipocot para asikasuhin ang koprahan. Si Fredie at si Ankol Maximo ang pinapunta ni Lolo para mangasiwa sa koprahan, yamang sila na lang ang maasahan dahil halos lahat ng kamag-anak namin'y lumuwas na ng Maynila upang mag-aral at ang iba'y magtrabaho.
Disi-siyete pa lamang si Fredie noong taong iyon, mapusok, pasaway at kilala sa barangay namin na mahilig sa babae at sabi nga ni Lola ay kapag pinaldahan mo nga daw ang poste ay tiyak liligawan ni Fredie, ganun siya kahilig sa babae.Pag-ahon nila sa Haluban ay sinalubong sila ni Manoy Topeng upang tulungan sila sa dala-dala nilang gamit. Si Manoy Topeng ay matagal ng katiwala ng pamilya namin sa may Haluban upang magbantay ng lupa doon, yumao na ang kanyang may bahay, may anak silang dalaga na sa tantiya ko ay kasing edad lang ni Fredie noong mga panahong iyon.
Pagtuntong sa bahay ng mga katiwala ay agad napansin nila Fredie at Ankol Maximo ang dalagitang anak ni Manoy Topeng "Dalaga na pala ang anak mo, Manoy" bati ni Ankol Maximo. Hindi kumibo ang dalagitang mailap ni hindi man lang naglaan ng oras para masilayan ang mga bisita.
Muli tumakbo ang kapilyuhan ni Fredie, sumesenyas sa tiyuhin niya tuwing hindi nakatingin si Manoy Topeng sa kanila, sumesenyas na pustahan daw sila na kaya niyang mapaibig ang dalaga bago sila bumaba ng Haluban, ngunit hagikgik lamang ang tugon ng tiyuhin nya.May bukod na kubol sa labas na piniling tuluyan ng magtiyuhin upang hindi na mabulabog pa ang mag-ama sa sarili nilang sular. Dumaan ang mga araw at naging maayos naman ang lahat at naging pampalipas oras ng mga kalalakihan ang paglalaro ng chess, mahusay maglaro si Manoy Topeng nito, pero syempre hindi papatalo si Fredie na walang ibang alam gawin kundi magpasikat sa anak na dalagita ni Manoy Topeng sa tuwing ito'y nakamasid habang sila'y naglalaro. May mga pagkakataong nahuhuli ni Fredie itong nakangiti sa tuwing siya ay nawawalan ng galaw sa chess at sa tuwing magbabangga ang kanilang mga mata ay agad na nagkukubli ang dalagita.
Lumilipas na ang mga araw at tila ba nagiging mas mailap pa ang dalagita, ang hangarin ni Fredie na makuha ang dalaga ay tila ba nagiging malabo pa sa sabaw ng pusit, madalas pa siyang kantiyawan ng tiyuhin na mahinang dumiskarte sa mga kababaihan. Hindi siya isang tunay na uragon pangangantiyaw pa ng tiyuhin.
Sumapit ang araw ng paglarga, tapos na ang trabaho kailangan ng bumaba at bumalik, bago pa tuluyang dumilim. Habang gumagayak ang dalawa ay huling kantiyaw ng tiyuhin bago sila lumisan ay "Mahina ka 'doy, aalis na tayo wala ka pa ring goodbye kiss? Nauurangan na ko sayong demunyado ka puro ka yabang." pang-aasar ng tiyuhin.
Bago tuluyang lumisan ay nagpaalam muna sila sa mag-ama at nagpasalamat, alok ni Manoy Topeng, samahan muna kayo nitong dalaga ko pababa at ng hindi kayo makursunadahan diyan sa may bungad ng mga palaboy. Sagot ni Fredie ng "Sige po, sige po!" ngiting wagas ng isang lalaking mahilig dahil sa masosolo ang anak na dalagita kung nagkataon, sabay kaltok sa kanya ng tiyuhin at sabay sabing "Magtigil ka nga!" at baling kay Manoy Topeng "Hindi na Manoy, mas delikado sa dalaga mo na na ihatid kami, kaya na namin 'to dalawa naman kaming lalaki, salamat na lang Manoy." "Kilala kami diyan sa bungad walang mangungursanada sa inyo pag nakita ang anak ko" sagot ni Manoy Topeng. "Hindi na talaga Manoy, salamat." tugon naman ni Ankol Maximo, ngiti na lang ang isinagot ni Manoy Topeng kay Ankol Maximo. Bago bumaba ay nag-abot si Manoy Topeng ng sulo sa magtiyuhin para magsilbing liwanag sa daan pababa, dahil pihadong aabutin na sila ng dilim sa pagbaba.
Inabot na nga sila ng dilim habang binabagtas ang daan pababa, sinindihan na din nila ang tangan-tangang sulo. Habang palapit ng palapit sa bungad ay lalong nagiging masukal ang daang binabagtas pababa. Napakadilim at ang tanging liwanag lang ay ang apoy sa sulo at ang liwanag na nagmumula sa bilog na buwan. Habang naglalakad pababa ay patuloy pa ring kinakantiyawan si Fredie ng tiyuhin niya. Nang bigla ay humangin ng malakas. Namatay ang ilaw sa sulo.
Nagkatinginan ang magtiyuhin, nagtitigan sila ng matagal, nakikiramdam. Biglang nagdilim ang buong paligid, tila ba may humarang sa liwanag ng buwan. Sabay tumingala ang magtiyuhin nanghilakbot sila sa takot sa nakita nila. Isang babaeng nakalutang sa ere na may napakahabang buhok na aabot sa talampakan na naglalaro sa hangin at ang babae ay animo'y lumalangoy sa himpapawid at humuhuni ito katulad ng sa isang malaking ibon. Nauna ito sa daanan papuntang bungad, kung saan sila tutungo, mas minabuti na lang nilang magkubli sa isa sa mayayabong na puno roon, hanggang mag-umaga. "Marahil ay inaabangan tayo non sa bungad" mas masukal kasi sa dulo, mas kulong sila doon kung saka-sakali.Kaya doon na lang sila nagpaumaga at yamang naihi din sa salawal si Fredie sa takot at natulala ay doon na lang sila kumubli hanggang sa mag-umaga. Alas-singko y medya na ng umaga ng sila'y magising at lumargang muli. Pagdating sa bungad ay may nagkukumpulang mga tao at nang makiusyoso sila ay may nakita silang lalaking walang malay na nakasabit paharap sa tuktok ng puno na ibinababa ng mga taga roon sa may bungad at narinig nila sa usap-usapan ay notoryus daw na magnanakaw at mamamatay tao ang taong nasa itaas ng puno at buti naman daw ay nahuli na ito. Nagkatinginan na lang ang magtiyuhin.
- Ngayon alam na ni Papa at Lolo Maximo kung bakit pinipilit sila ni Mang Topeng na ihatid sa may bungad dahil kilalang aswang ang mag-ama sa lugar at walang mangangahas na kantiin sila pag nakitang kasama nila ang anak nitong dalagita.
- Salamat na lang at nauna sa may bungad ang dalagitang anak ni Mang Topeng, marahil nakatunog ito na may masamang mangyayari.
- Hindi na bumalik si papa doon sa koprahan pagkatapos non.
- Anak nga pala ako ni Fredie, ako si Irish at isa din ako sa mga tropa ni...- The Man from Manila
BINABASA MO ANG
Scary Stories 5
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree