Bicol - 1955

373 12 0
                                    


Isa sa mga nakaranas ng kaguluhang dulot ng ikalawang digmaang pandaigdigan ang aking lolo, kaya naman may kahigpitan siya sa mga anak at samin na mga apo niya. Madalas siya ay nakasimangot at laging nakabulyaw, kaya kung minsan siya ay nasa kondisyong magkwento ng kanyang karanasan nung kabataan niya ay hindi ko talaga pinapalagpas ang mga ito, talagang uupo ako sa harapan niya at maglalaan ng oras para makinig. At sa tuwing may ikukuwento siya ay tila baga dinadala ka din niya kung san ang panahon kung kailan mismo nangyari ang mga kaganapang iyon, at halos mapikit ka din dahil tiyak mararamdaman mo kung ano ang eksaktong emosyon ang naramdaman niya habang sinasalaysay ang bawat kaganapan ng mga istory niya.

Magsimula na tayo.

Nior ang palayaw ng aking lolo, limang taon bago ipanganak ang nanay ko nang mamasukan sa Malaria Institution sa isa sa mga opisina nito na nakabase sa Naga, Bicol ang aking lolo na si Nior. Kilala ang Pilipinas bilang isa sa mga pinahirapan ng sakit na malaria mula sa kagat ng lamok, sa katunayan nga ay nung panahon na ipinasa ng bansang Espanya ang pamumuno sa bansang Estados Unidos ay marami sa mga sundalong amerikano ang namatay dahil sa malaria, balik tayo sa istorya. Ang trabaho ng lolo ko dito at mga kasamahan niya ay pumunta sa mga lugar kung saan sila madedestino, makipagtulungan sa mga pinuno ng barangay, magbahay-bahay at ispreyan ng gamot na panglason sa mga lamok ang mga kanal o anumang lugar na maaring ginawang lungga ng nga lamok.
Kadalasan ay tumatagal sila sa isang pagkakadestino nila sa iisang lugar ng dalawa hanggang tatlong araw, kailangan kasi ay bago nila iwanan ang isang lugar ay siguradong nasuyod nila lahat ng lungga ng mga lamok na naghahatid ng malaria, madalas kung kailangan nila magpalipas ng gabi sa isang lugar ay nakikituloy sila sa bahay ng kung sinuman ang punong barangay o kapitan ng lugar na iyon. At isang ekspiryensiya sa buhay niya at ng kanyang mga kasamahan ang hindi nila inaasahan. Isang lugar din sa Bicol ngunit hindi ko mataandan kung saan eksakto sila nadestino, at kailangan nilang magpalipas ng gabi dahil ito ay may kalayuan at isa pa, doon din sila nadestino sa katabing barangay pagkatapos nila dun.
Kinontrata nila ang kapitan na dun nalang magpapalipas ng gabi sa bahay ng kapitan at agad namang pumayag ito, tinanggap sila nito dahil may kalakihan naman ang bahay ng kapitan, ngunit nagpasya ang aking lolo at mga katrabaho niya na sa salas nalang matutulog pagsapit ng gabi. Isang mahabang maghapon ang dumaan, natapos sila sa trabaho bandang alas kwatro ng hapon. Tumambay muna sila sa isang tindahan isang kanto mula sa bahay ni kapitan. Tila baga binuhusan ng malamig na tubig ang buong grupo ng makita nila ang itsura ng mga tindera, napakagagandang mga dalaga ang nagmamay-ari ng hindi kalakihang bahay na may tindahan sa harapan, tatlong magkakapatid na mga babae na may mala-porselanang balat matatangos na ilong at maninipis na mga labi, tila ba mga mestizang babae na may lahing kastila na makikita mo lang sa tele-nobelang kastilain noong dekada nobenta ang kagandahan ng magkakapatid turan pa ng aming lolo. Hindi magmaliw at nagkukumahog ang grupo ng aking lolo sa kagandahan ng mga dilag, at isa pa sa mga katrabaho niya ang nagbiro na silang lahat ay mga binata pa at mga wala pang pananagutan na kung tatanggapin ang alok na lagi silang dadalawin sa kanilang munting tindahan, payagan lamang daw ang hiling ng mga binatang nabibighani sa kanila. Ngiti lamang ang isinasagot ng mga dalaga sa grupo ng mga nagpapanggap na mga binata na sa totoo ay puros pamilyado na. Isang nakakatuwang biro ng alok ng pag-ibig na kung papatulan ng isa sa mga dalaga ay magiging parausan lang sila ng mga lalaking pamilyado, isang birong may kalakip na patibong na mahuhulog ka kung ikaw ay kakagat at magpapadala sa biro ng mga lalaking tigang dahil sa mahabang panahon hindi na nauwi sa kani-kanilang mga asawa at mga kapwa sabik sa init ng kandungan ng isang babae sa gabing malamig, parang mga leon na umaaligid at nakakita ng bibiktimahin.

Kinagabihan, pinaghanda sila ng kapitan ng mainit na sabaw ng nilagang baboy at patis na nilagyan ng sili, at talagang napalaban sila sa kainan hatid ng mainit na sabaw at konting anghang mula sa sili na tamang-tama sa gabing malamig.

Bago pumunta sa pagtulog ay nagkabiruan pa sila ng kapitan sa salas at konting kwento ng kanya-kanyang buhay bago tuluyang ihiga ang mga pagod na katawan at ihanda para sa araw ng bukas, panibangong araw ng pagkayod.

Sa kalagitnaan ng pagtulog mga bandang ala-una ng madaling araw. Ginulat silang lahat ng malakas na kalampag, hindi sa pintuan, ngunit sa bubong ng bahay ni kapitan. Kalampag na nauwi na animo'y may mga taong nagtatakbuhan sa bubungan mismo ng bahay ng kapitan, ang lahat ay nakatingala nakakunot ang mga noo kung ano ang meron sa bubungan, hanggang sa kapwa tumindig ang mga balahibo nila sa narinig. May umaawit ng kundiman sa bubong, tinig ng babae, at hindi nag-iisa ang boses tila baga ay may kasama ito, isang umaawit at may dalawang naghahagikgikan, sa bubong ng madaling araw? Palakas ng palakas ang kalampag at pag-awit at tawanan ng mga  nakabibinging boses, tila ba sumasayaw sila sa ibabaw ng bubong, sa ilalim ng buwan. Matagal na ganun ang tagpo, naguguluhan ang mga lalaki sa mga nangyayari, hindi nila alam kung ano yun. Mga ilang minuto nagsayawan, nagtawanan at naghagikgikan ang mga bisita nila sa bubungan ni kapitan, nang biglang huminto ang ingay at kalampag na nililikha nila. Mga ilang segundong katahimikan,
huminto din maging ang mga kulisap at kuliglig sa paghuni, pati ang hangin ay biglang huminto sa pag-ihip at napalitan ng alinsangan ang malamig na gabi. At muli nagsimula ang kung sinumang nasa itaas ang kumilos, nagsimulang kumilos ng magaslaw at maingay, at napansin nila ang tunog ay nagmumula sa yerong kinakayod, ang kaninang pag-awit at hagikgikan ay napalitan ng pag-angil, animo ay maihahalintunad sa tunog ng isang asong ulol ang nililikhang mga tunog ng mga nilalang na nasa itaas ng bubong. 

Nagsimula ng mamutla sa takot ang grupo ng mga lalaki na nasa salas, palakas ng palakas ang pagkayod ng mga nilalang na nasa taas, napalingon sa bintana si Nior, ang kaninang maliwanag na bintana na kita ang paligid sa labas ay natakpan ng parang kumot na kulay itim, pakpak! isang napakalaking pakpak ang nakaharang sa mga bintana, pinapalibutan. Mabilis na sinabi ni Nior na dumapa lahat sila, May mga manananggal sa bubungan ng tinutuluyan nila, kilala ang mga ito sa pandaragit. Sa kalagitnaan ng pagkataranta nila ay lumabas si kapitan bitbit ang kanyang riple, ikinasa ang riple at itinutok sa kisame, kinalabit ang gatilyo, ngunit nasindak silang lahat dahil hindi pumuputok ang riple, makailang ulit niyang kinalabit ang gatilyo ngunit tila ba umurong din ang itlog ng riple sa takot. Walang nagawa si kapitan kundi kausapin ang mga nilalang na nasa bubungan na tumigil na at patawarin ang mga bisita niya kung sila ba ay kinursunada ng mga ginoo, pero tila ba naintindihan siya ng mga ito ng biglang tumigil at nakarinig silang paglipad ng mga pakpak na pumapagaspas palayo. nawala na ang mga parang kumot na itim na nakaharang sa mga bintana, senyales na nakinig sila kay kapitan. Lumingon si kapitan sa mga ginoo at tinanong kung kinursunada ba nila yung magkakapatid na mestiza sa kabilang kanto, ni isa man sa kanila ay hindi sumagot, sabi ni kapitan na talastas ng mga aswang ang tunay nyong pakay, naaamoy nila ang tunay nyong hangarin wika pa ni kapitan at inutusan silang humingi ng paumanhin sa mga dalaga sa tindahan at mangako ng hindi na uulit pagputok ng liwanag, upang hindi na sila sundan ng magkakapatid. Kinaumagahan agad silang nagtungo sa tindahan, ngunit wala na ang magkakapatid doon, nag-alsabalutan na sila, nagkatinginan na lang sila, napakunot nalang at napailing si kapitan.

PS. Sabi ng lolo ko merong uri ng manananggal na hindi naghihiwalay ang katawan at umaabot ng tatlumpong talampakan ang lapad ng pakpak nito kapag lumilipad, madadama at maririnig mo daw tlga ang pakpak nito sabi ng kapatid ko. baka ibahagi ko sa mga susunod kong kwento.
PPS. Sabi pa ng lolo ko sa angkan ng mga aswang ang manananggal ang pinakadelikado sa lahat at kailangang iwasan.
PPPS. Till next time na lang ulit, may pasok na ko sa office tom., work as usual na ulit.

-The Man from Manila

Scary Stories 5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon