Bicol Dekada Otsenta

141 4 0
                                    


Noon pa ma'y uso na ang mga pa-disco sa mga probinsya lalo na bago sumapit ang piyesta, minsan na din akong nakapunta sa ganitong kasiyahan sa Nueva Ecija noong mga nasa dekada nobenta pa lamang.
Kwento nga pala ito ng kapitbahay naming si Mang Delfin, naikwento niya ito noong minsang nag-inuman sila kasama si Lolo Nior. Yamang puros kami Bicolano sa lugar na iyon ng San Mateo, puro kwentong kababalaghan sa Bicol ang narinig ko. Nagsisitayuan ang mga balahibo ko sa tuwing naaalala ko ang kwento ni Mang Delfin.

Simulan na natin.

Papuntang disco-han sila Mang Delfin at ang pinsan niyang si Abner, at talaga namang gayak na gayak sila at handa na kamong paibigin lahat ng babaeng maisasayaw nila. Halos aabutin ka daw ng kwarenta minutos sa paglalakad, mula sa kanila patungo sa disco-han at ang kanilang madaraanan ay puros kadiliman at malalawak na kapatagan, maraming puno at tanging ang tangan-tangang flashlight ang nagsisilbing tanglaw sa daraanan.

Nasa apat silang magbabarkada noon ang nagkasundong pumunta sa disco-han, sa daan ay nag-uusap at nagpaplano na sila kung paano didiskartehan ang mga dilag na kanilang mapipiling isayaw. Pagdating nila sa disco-han ay mga nanalamin muna sila at siniguradong nasa nais na ayos ang buhok nilang punong-puno ng pomada at tila ba ito ang kanilang anting-anting na gagamitin upang mapa-ibig ang mga dilag sa lugar na 'yon. Pagpasok na pagpasok nila sa bulwagan ay umiikot ang mga mata ng mga binata sa mga dilag na nakaupo at nag-aabang ng mga kabinataan na mahuhumaling sa kanilang ganda.
Kanya-kanya silang pili ng mga maisasayaw, ngunit namumukod tangi si Abner sa kanyang napili.
Pinili nito ang hindi kagandahan at may kaliitang dalaga na nakatayo lamang sa labas ng pintuan, na hindi mo mawari kung siya ba'y kasali sa kasiyahan o napadaan lamang sa lugar na iyon. Nakakulay puting lumang bestida ang dalaga at habang isinasayaw ni Abner ay tila ba hiyang-hiya sa mga matang nakatingin sa kanila. Pagkatapos ng sayaw nila ay bigla na lamang nawala ang dalaga, hinayaan na lang ni Abner at nagpatuloy sa kasiyahan at sa pustahan ng paramiha ng babaeng kanilang maisasayaw. Pasado alas-onse na ng gabi nang matapos ang disco, noong una ay marami pa silang naglalakad pauwi na mga kasabay mula din sa disco-han, ngunit sa kalagitnaan ng daan pauwi ay silang apat nalang muli.

Mahigit kalahati na ang kanilang nababagtas, lagpas ng malalawak na kapatagan ay kailangan mong dumaan sa mapuno at masukal na daanan, yamang hindi pa nga uso ang espaltadong daanan noon.

Habang binabagtas ang masukal na daan pauwi, ay may napansin silang mula sa itaas ay may kumalabog pabagsak sa lupa. Napahinto silang lahat at nakikiramdam. Tinutok ni Mang Delfin ang dalang flashlight kung saan may napansin silang kalabog.

Nang hindi sinasadya ay may nakita silang isang pares ng paa na walang suot na sapin sa paa at tila ba nakabestidang kulay puti, kung aaninagin mong mabuti dahil tinamaan ng ilaw ang laylayan ng kanyang damit. Sabi ng isa sa mga kasama nila Mang Delfin, "Tol, aswang yata 'yan. 'Wag tayong maghihiwa-hiwalay, dahan-dahan lang tayong lalakad palayo at wag nating aalisan ng tingin."

Gayon nga sana ang gagawin nila nang humuni ito ng napakalakas, tila iyak ng demonyo. Nanigas sa takot ang magkakaibigan, nag-abang ng susunod na kabanata. Pagkatapos na pagkatapos ng paghuni nito ay biglang itong sumugod patakbo sa kanila. Natuliro si Mang Delfin sa nangyari, kanya-kanya silang takbo makalayo lang sa impaktong 'yon. Nagulat na lamang siya nang nakarating siya sa barangay nila, ngunit wala si Abner. Agad naman siyang humingi ng tulong sa mga nagroronda doon na balikan si Abner baka marahil sa ngatog ay nabuhol ang mga tuhod at hindi nakatakbo.
Maraming tanod ang sumama sa kanila, pagdating nila doon kung saan sila nagkahiwa-hiwalay ay narinig nila si Abner na umiiyak at humihingi ng saklolo. Sinundan ang tinig ni Abner kung saan nagmumula, at nang matagpuan ay nasa itaas ng puno at nakasabit patalikod, talagang hindi nga siya makakababa doon.

Kwento pa ni Mang Delfin marahil iyon yung babaeng isinayaw ni Abner sa disco.

PS. Noong nag-hayskul ako sa San Mateo palagi akong ginagabi ng uwi dahil dinadalaw ko palagi ang dati kong nobyang taga Banaba, at sa tuwing uuwi ako sa Dulong Bayan ay tila ba may nakasunod palagi sa likod ko, sa twing binabagtaas ko ang Daang Ahas ng Benson patungong Daang Tubo.
PPS. Bilin ni Lolo Nior, kung may napansin akong sumusunod sakin ay wag daw ako tatakbo o wag ding  lalakihan ang hakbang ko, dahil sumusuot daw ang aswang sa pagitan ng hita mo kapag ika'y tumatakbo, ginagawa daw nila ito para madagit ka nila.

- The Man from Manila

Scary Stories 5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon