Dayo

161 8 0
                                    

Is it a friend or an Enemy?

Sa unang taon ng paninirahan namin sa nananahimik naming Baryo ay may isang kababalaghan ang nangyari. Isang araw may isang matandang babae na naligaw sa Baryo namin, kinupkop sya ng kapitbahay namin dahil naawa sa kanya. Pinakain sya at binigyan ng mga damit na maisusuot. Pinatuloy sya habang inaalam kung saan talaga sya pupunta, dahil nga matanda na ay nag-uulyanin na daw sya kaya hindi nya maalala kung saan daw sya paroroon. Tuwing lalabas ako ng bahay papuntang baybay ay madadaanan ko ang bahay na tinutuluyan nya at madalas ko siyang makita sa labas noon at nakaupo sa mahabang upuan. Madalas magtagpo ang paningin naming dalawa kaya naman nginingitian ko sya, magaan kasi talaga ang loob ko sa mga matatanda dahil sa lola ako lumaki. Nakikihalubilo sya at nakikipagkwentuhan sa iba kaya panatag ang loob ng mga tao sa kanya dahil marunong siyang makisama. Lumipas ang Dalawang linggo ng pamamalagi nya sa Baryo namin ng mag-umpisa ang isang pangyayari na gumimbal sa buong Baryo. Dalawang buntis ang nakunan na nakatira banda sa may gitna ng Baryo namin. Ilang hayop ang natagpuang patay na animo'y niluray-luray ang katawan, walang utak at puso. Mapa aso, manok o baboy. Nakakapagtaka yun kaya naalerto ang mga taga Baryo na marahil ay may naligaw na Aswang samin. At dahil bandang bungad kami hindi kami masyadong nabahala dahil nasa taga gitna at taga dulo ang pangyayari hanggang sa kumalat na ang usap-usapang may nakakita sa anyo ng Aswang. Isa daw itong malaking aso na kulay itim ngunit Baboy ang huni kaya naman kung maririnig mo ito ay hindi ka maghihinala dahil maraming may alagang Baboy. Lumipas pa ang tatlong linggo at meron na ring inatakeng hayop banda samin kaya naman naging handa ang mga taga samin. Isang gabi, pinagbilinan ni Kuya Buboy (amo namin sa isdaan) ang mga tauhan niyang lalaki na huwag matutulog at magbantay sa labas ng umbuyan (bodega ng mga tuyo at daing) kailangan daw mahuli ang Aswang. Nabahala si Kuya Buboy dahil naroon ang dalawang anak nya na mga bata pa upang magbakasyon. Magkatabi lang kasi ang bahay ni Kuya Buboy at ang Umbuyan, kaya naman ganun nga ang ginawa ng mga tauhan, may kanya-kanya silang hawak na sandata panlaban sa aswang. May buntot pagi, itak, buho (kawayan na manipis at matulis ang dulo), mayroon ding pana (ginagamit sa pangingisda), bawang, asin at nagkanya-kanya sila ng pwesto sa paligid ng umbuyan. Ngunit kalagitnaan ng madaling araw ay nakatulog sila. Malayang naglakad-lakad ang Aswang sa paligid nila habang nahihimbing sila. Nagising si Kuya Buboy dahil narinig nya ang huni ng Baboy kaya naman naging alisto sya at inihanda ang sarili. Sumilip sya sa may butas ng dingding nila kung saan tanaw ang umbuyan at nangilabot sya ng makita ang isang malaking nilalang na kulay itim at iniikut-ikutan ang mga tauhan niyang nahhimbing sa pagkakatulog, kaya naman dali-dali siyang tumayo at maingat na kinuha ang buntot-pagi. Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto nila at tumakbo palabas saka hinampas ang aswang. Tinamaan nya ito sa likod at nagtaka sya dahil nag-iba ang huni nito. Umalulong ito na parang aso at tumakbo palayo. Nagising ang isa sa mga tauhan ni kuya Buboy dahil nahagip sya ng buntot pagi at nagtamo sya ng sugat sa braso. Pinagalitan sila ni Kuya Buboy dahil inutusan silang magbantay pero natulog sila. Marahil kung hindi nagising si Kuya Buboy ay nilapa na sila ng halimaw. Naging usap-usapan sa Baryo ang pangyayaring iyon kaya naman naalarma ang mga nakatira dun, maging ako ay natatakot. Ngunit napapanatag ang loob ko kapag kasama ko ang lola ko. Dahil sa dami ng pinagdaanan nya laban sa masasamang elemento ay marami na siyang natutunan. Isang araw habang papunta muli ako sa baybay katakataka na wala sa labas ang matandang dayo, samantalang palagi syang nakaupo doon tuwing umaga. Lumipas pa nga ang ilang araw at hindi ko na talaga sya nakita, hanggang sa isang umagang dumaan muli ako doon ay may nahagip ang tenga ko na isang usapan na talaga namang pumukaw ng kuryosidad ko (usyusera talaga tenga ko, pero nangyayari lang po yan kapag naagaw talaga ng isang bagay ang pandinig ko. at sa lola ko lang kinukwento lahat ng weird na natutuklasan ko, pero ngayon sa tingin ko chikadora na ako kasi kinuwento ko na rin sa inyo). At napag-alaman kong may sakit daw ang matanda kaya hindi lumalabas ng kwarto. Hinahatiran lang daw yun ng pagkain sa labas ng kwarto nya, at ayaw lumabas. Nagtataka na rin daw sila dahil hindi naman daw nito iniinom ang mga gamot na ibinibigay nila at may kakaibang amoy daw silang naaamoy na nagmumula sa kwarto ng matanda. Ikukuwento ko sana sa Lola ko yun pagkauwi kaso nawala sa isip ko kaya hindi ko na naikwento. Mga bandang hapon, habang gumagawa kami ng Lola ko ng nilupak ay nagsalita sya "Sa tingin ko ay kilala ko na kung sino ang aswang." Sabi nya. "Sino 'La?" Tanong ko naman. "Makikilala mo din. Kinukumpirma ko pa." Sagot naman nya sa akin. Kinagabihan matapos kumain ay pinagbilinan ako ni Lola na isara ng maigi ang pintuan namin (siya nga pla, iba po yung bahay namin na tinutukoy ko dito ha. unang taon po kasi namin sa probinsya namin e sa tabing kalsada kami nakatira at malapit sa dagat saka kami lumipat doon sa may paanan nung bundok kung saan nabanggit ko sa mga naunang stories ko). Matapos maisara ng maayos ang pintuan namin ay umakyat na ako sa kwarto namin para matulog. Sa kalaliman ng gabi ay nagising ako matapos akong gisingin ng kalabit ni Lola. "Yukari dali gising. May ipapakita ako sayo." Sabi ng lola ko na bumubulong pa. Pupungay-pungay ang mata kong bumangon at gusto kong magwala sa pagkakabitin ng tulog ko pero ng makita ko ang itinuturo ng Lola ko ay na-curious ako. "Bakit 'La?" Bulong ko din. "Dali lapit ka dito. Tingnan mo yun pero huwag kang mag-iingay." Bulong na naman nya. Lumapit kami sa may siwang ng plywood naming dingding at kitang-kita ko ang matandang dayo na nakaupo sa malaking bato. Kitang-kita sya dahil kanto ang bahay namin at nandoon ang poste ng solar na ilaw kaya kilalang-kilala ko kung sino yun. Maya-maya'y dumating ang isang malaking baboy. Ordinaryong baboy lamang ito ngunit napakalaki at nakita kong iniikut-ikutan sya nito habang hinihimas nya ang ulo ng baboy, marahil ay alaga nya iyon. Pero sobrang kilabot ang naramdaman ko ng makita namin kung paano siyang nagbago ng anyo. Naging isa syang malaking nilalang na kulay itim, malalaki ang pangil at matutulis ang kuko. Hindi sinasadya ay nakagawa ako ng maliit na ingay dahil sa pagkabigla. Sobrang liit na ingay lang nun at sobrang liit lang ng siwang sa dingding namin na kung sisilip ako doon at titingnan mo ako mula sa labas ay hinding-hindi mo ko makikita dahil mata lang namin ang kayang sumilip dun, ultimo daliri ng baby ay hindi kasya doon pero napalingon sya sa gawi namin. Nakakatakot ang itsura nya at di ko matagalang tignan kaya naman napaupo ako ng maayos. Tumingin sakin si Lola at sinabing umalis na daw ang aswang. "Jusko 'La. Makatulog pa kaya ako nito sa nakita ko? Hindi kaya tayo saktan nun kasi nakita natin sya?" Natatakot na tanong ko. "Hindi." Maikling sagot ng lola ko. Dahil sinabi ng Lola ko ay naniwala ako.

Scary Stories 5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon