Kerosene

96 3 0
                                    


Blessed evening everyone. This is Faith once again, from Pampanga. Thank you Admin for posting my story and thank you sa mga nag-likes and comments. Natawa ako dun sa isa marami kasi kami dahil wala kaming kuryente. Hindi, sadyang di pa uso family planning noon. Yung kaharap namin ay 7 ang anak, kapitbahay sa kanan ay sampu, sa likod ay 24 buhay lahat yun ahh at sa kaliwa ay tatlo.

Ang barangay namin ay sakop ng Pampanga, oo nasabi ko na pala haha. 9 na barangay pa madaraanan mo bago makarating sa bayan, ganun kami kalayo sa sibilisasyon. 24 kilometers ang layo pag pupunta ka ng bayan sakay ng pampasaherong jeep, punuan talaga pati sa taas at flooring ng jeep, may victor wood pa yun. Yung kahoy na nilalagay sa likod nakaharang sa pinto para makasakay ang dalawang tao. Parang sardinas lang na siksikan haha. Malaki ang populasyon sa barangay namin halos lahat naman ay magkakamag-anak. Masaya, simple, tahimik at walang stress kasi walang mga bayarin like tubig at ilaw. Di tulad ngayon dahil nag-lockdown, kaka-stress mga bayarin. Creepy ang lugar namin dun, maraming matataas na puno ang paligid na mukhang matagal na panahon ng nakatanim. At ang mga bahay namin ay 2-storey haha, big time no? Hindi gawa sa kahoy ang mga yun at duplex sila. Kami ang kadikit namin ay yung may 3 anak so banda kami sa kanan, sila sa kaliwa. Dingding lang ang pagitan kaya dinig mo ang usapan sa kabila. Ang harap ng taas ay may balkonahe na nakakonekta din sa balkonahe ng kapitbahay kaya pwede kaming maglaro doon. Nung lumaki na ko ay natuto na akong lumipat dun sa balkonahe pag makikipaglaro ako sa kapitbahay. Pinsang buo ng tatay ko ang head of the family nila. Si Tito Ben, asawa nya si Tita Flor. Mga anak naman nya sina Kuya Ronnie 10 taon, Kuya Robin 9 na taon at si Lilac 7 taon. Isa syang pipi kaya hindi sya nag-aaral at kami-kami lang ang nagtuturo sa kanyang magsulat. That time wala pang Special Education para sa mga may kapansanan. 8 years old ako nun so that was 1984.

Isang gabi galing ako sa laro at nakita ko ang ate ko na nag-aaral ng lesson gamit ang gasera. Tinanong ko ang ate ko kung nasaan si Nanay, nasa kabila daw. Tumakbo ako palipat sa kabila at nang pagpasok ko pa lang sa pinto ay nakita ko sa kusina ang Nanay ko kasama ang ilan pang kapitbahay. Nagluluto sila, naamoy ko agad ang bango ng ulam (ang nanay ko'y magaling na kusinera at palaging nayayayang magluto sa mga okasyon). Naisip ko baka may birthday. Sa pagpasok ko ay narinig kong binibiro nila si Tita Flor, darating pala si Tito bukas galing Saudi at madaling araw ang alis nila. Gamit ang jeep ng kapatid na babae ni Tito. Ang saya ni Tita, excited din ang mga pinsan ko sa mga pasalubong na dala ni Tito, 3 taon ba naman syang di umuwi. Yung mga Nanay naman binibiro si Tita ng mga birong alam nyo na sa mga mag-asawa. Isa sa narinig ko sabi ng isang kumare nya, (translate ko na agad) "baka naman lumindol mamaya nyan hahaha". Di ko pa naiintindihan yun nung bata ako. Nang maiayos ang lahat ay nagsi-uwian na kami. Para naman makapagpahinga sila kahit paano.

FF: Nakarating na sila sa NAIA  sa wakas kaharap na si Tito. Ang saya nila, halikan yakapan. Syempre si Tito di na nahiya kasi sobrang namiss nya ang pamilya niya lalo na si Tita, kaya kahit kaharap ang mga kamag-anak ay lambingan sila. Nagniningning sa kaligayahan ang mga mata ng Tita ko, lalo syang gumanda. Maputi sya at nung dalaga daw ay palaging kasama sa mga reyna ng Flores de Mayo. Nakauwi naman sila ng maayos at payapa sa Pampanga. Mga 9pm na yun o alam nyo na yung mga taga probinsya diyan haha, pag may dumating na galing abroad, buong barangay ang naghihintay at nahingi ng pasalubong. Kumustahan pagkababa nya at yakapan. Syempre namigay na agad ng pasalubong sa mga tao. Tandang-tanda ko pa binigay sa Nanay ko, isang sabon at isang toblerone na dinisplay ko pa ang box sa divider namin sa sala ng wala ng laman. Hanggang sa niyaya si Tito ng mga katropa nya, inuman na daw. Oo sabik si Tito sa asawa nya pero sabik din sya sa alak. 3 yrs na di nakatikim ng alak ang lalamunan. Alanganin man pero pinagpaalam na sya ng mga barkada kay Tita. Nakasimangot ang Tita ko kasi sigurado asawa nya ang gagastos. At diba nga sabik na silang magpalindol? Sa madaling salita nakaalis na sila at nag-alisan na din ang mga tao. Natulog na ang mga pinsan ko. Bandang 11:30pm ginising ni Tita si Kuya Ronnie, pinapasundo ang Tatay. Nagmamaktol si Kuya non kasi nananaginip daw, maraming tao sa kanila pero bakit nag-iiyakan. Di nya nakita kung bakit kasi nga ginising sya. Tatlong bahay ang layo kung san sila umiinom. Kahit takot sa dilim ay mas takot sya sa Nanay nya, masakit itong mamalo. May dala naman syang flashlight. Pagpasok palang nya nakita na sya ng Tatay nya at sinabi nga nyang pinapauwi na sya ng Nanay.

Ben: Susunod nalang ako 'nak.
Dahil nakainom na kinantiyawan sya ng mga kasama.
Badong: Bakit pre sino bang nakapantalon?

Tawanan sila kaya umuwi na rin si Kuya Ronnie. At nagpupuyos sa galit ang ina ng sinabing susunod na lang daw. Natulog uli ang pinsan ko habang ang Nanay naman niya ay iyak ng iyak dahil sa sama ng loob at kung anu-ano ng naiisip. Mugtong-mugto na ang mga mata nya nun tapos ginising na naman si Kuya Ronnie at Kuya Robin, mga 2am na yun, pinapasundo ulit ang ama. Masungit na ang Nanay nila at bago sila makalabas ng bahay ay may ultimatum na syang sinabi na pag hindi pa daw umuwi ay magpapakamatay na sya. Syempre mabilis na umalis ang dalawa at pagdating doon ay sinabi sa ama na umuwi na kundi daw magpapakamatay na ang nanay nila. Yung mga sulsol ng kainuman nya tawanan na naman.

Badong: Aysus Dios ko! Yung mga misis ganyan talaga mahilig manakot pag di mo napagbigyan.

Tawanan ang barkada bagaman kinabahan na non ang Tito ko pero dahil uubusin na lang daw yun kaya sinabi sa mga anak na susunod nalang. Nakatanaw sa balkon si Tita at nakita nyang di kasama sa pag-uwi si Tito. Nagmumura na sya.

Flor: A***** ang tatay nyo mas inuna pa ang barkada kesa satin kadarating lang inubos ang oras don. Blah blah blah.

Awang-awa ang magkapatid sa nanay nila, nagising na kami non at naririnig namin sila. Pati mga pinsan ko'y umiiyak na at pinabalik na sa pagtulog ang mga bata, pero hindi natulog non si Kuya Ronnie umiiyak pa din. At sya narinig namin na bumaba habang umiiyak nakasilip naman si Kuya Ronnie. Naawa din kami sa kanya non. Tapos iyak sya ng iyak sa sala nila at nagpunta sya sa kusina sa harap ng kalan nila may hinahanap. Bigla nyang kinuha ang asul na galon na lalagyan nila ng gas (tawag namin sa kerosene) at tinungga nya ng tinungga. Nauubo man sya pero patuloy pa rin sa pag-inom hangang halos masaid na ang laman at nagdilim ang kanyang paningin. Si Kuya Ronnie naman non ay nanginginig sa takot sa kanyang nakita hanggang 4am na at naisipang umuwi ni Tito, hinatid pa sya ng dalawang kainuman. Dahil naka-locked ang harap na pinto kaya sa likod sya dumaan. Pagbukas nya sinindihan ang ilaw at sya ay nanghilakbot ng makita ang asawa nyang nakahandusay sa lapag ng kusina at may katabing galon ng gas. Nawala ang lasing nya at nagising sya sa katotohanang nakikita nya ng oras na yun. Nagsisigaw sya at takbuhan kaming lahat pati mga ibang kapitbahay. Nabigla din kami sa aming nakita at marami ang tanong na aking narinig. Ang mga kaawa-awa nyang anak pumapalahaw ng iyak pati kami umiiyak na din. Kinuha ni Tito ang jeep ng ate nya at mabilis na nagpunta sa hospital kasama non ang Tatay ko. Dead on arrival na si Tita at sising-sisi ang Tito ko habang iyak ng iyak yakap-yakap sya. Wala sa sarili ang Tito ko kaya ang Tatay ko ang nag-ayos ng lahat. Syempre sa barangay marami ang intriga, mabilis na kumalat ang balita. Limang araw syang naiburol pero wala pa ring kibo ang Tito ko. Nang mailibing si Tita nangako si Tito na di na sya iinom kailanman. Si Lilac madalas makita ko para syang may kausap pero wala naman. Yung dalawa kong pinsan ayaw ng mag-aral galit sila kay Tito. Di nya alam pano gagawin nya kaya nakiusap sya sa Nanay nya na sa kanila na tumira. Matanda na nun si Lola nasa 65 para sya umantabay sa pag-aalaga ng mga bata. Mula ng mailibing si Tita, pag gabi may naririnig kaming umiiyak (padaing), nakakakilabot at pag madaling araw may naririnig kaming nagwawalis sa bakuran nila. Ginawang panakot samin ng mga Nanay namin nun kaya di kami nagpapagabi sa daan ng mga kalaro ko, isang taon din yun hangganh nakalimutan na rin namin. Pero si Lilac lagi pa ring ganun parang may kausap at may times na nakikita ko syang parang may inaabot. Di ko alam kung imahinasyon ko lang yun pero parang nakikita at kausap ang Nanay nya.

December non uso ang carolling, nagpunta kami sa kanila at habang kumakanta kami sa tapat ng bahay nila, kasalukuyan kaming kumakanta ng Jingle Bells ng may narinig kaming umiiyak ng padaing. Bigla kaming napahinto at nagtinginan, waaaahhh nagtakbuhan kami sa takot. Mula noon pag dumaraan ako sa bahay nila di ko maiwasang maisip ang nangyari.

Sana may natutunan kayo sa kwento ko. Pahalagahan natin ang buhay kasi isa lang yan at hindi satin yan. Dios lang ang may karapatang kunin yan. Pangalawa lagi nating unahin ang ating pamilya kasi anuman ang mangyari, pamilya natin ang ating sandigan sa panahon ng sakuna at may pangangailangan Pangatlo, i-appreciate natin ang ating asawa kahit anumang maliit na bagay ang ginagawa nila bigyan natin ng importansya. Salamat po uli sa mga tumangkilik at nagbasa sa aking kwento, ito ang nagbibigay ng inspirasyon sakin para mag-share ng mga nangyari sa buhay ko na hindi naman ganong nakakatakot pero naging palaisipan sakin hanggang umabot ako sa edad na ito at nagkaron na rin ako ng sariling pamilya.God bless!

Faith of Pampanga

Scary Stories 5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon