Hi! Ako ulit 'to si Jay ng Nueva Ecija. Ang kwento namang ito ay tungkol sa manggagamot namin na kapitbahay. Ang manggagamot na ito ay kilala sa aming lugar at karaniwang dinadayo pa siya ng mga nagpapagamot sa kanya. Bilang kababata ko at palaging kalaro ang anak ng manggagamot namulat ako sa mga bagay-bagay ng paggagamot niya.Unang kwento ito sa akin ng anak ng manggagamot. Itago natin siya sa pangalang Ana. Si Ana ay karaniwang umuuwi sa mga kamag-anak niya sa bukid. Ang bahay ng mga kamag-anak nya ay may kalayuan sa aming lugar. Isang gabi ayon sa kanya ay hindi siya nabalikan ng kanyang tatay upang maisabay umuwi at may inutusan na kaibigang Kapre na maghahatid sa kanya, dahil sa bata pa siya ay sumama siya sa Kapre at ilang hakbang lang daw ay nasa bahay na sila ngunit sobrang baho daw ng Kapre aniya.
Ikalawa sa bahay nila, inusisa ko ang mga gamit ng manggagamot at tinanong ko kay Ana kung bakit madaming kandilang iba't iba ang kulay, ayon sa kanya nire-represent daw non ang mga dwendeng kaibigan ng tatay niya.
Ikatlo ang mga ginagamot sa kanila ng tatay niya. Ang pinaka hindi ko makakalimutan ay ang may nagpagamot na kinukulam noon. Dahil sa gawing likuran iyon ng bahay nila na katapat ng likod namin, sinilip ko kung ano ang ginagawa sa noo'y sumisigaw na babae. Ang tanging hawak ng manggagamot ay hinlalaki nito sa paa at pinipilit pasagutin kung sino ang mangkukulam. Hindi ko na tinuloy pa ang panonood dahil natatakot akong baka makita ako at madamay.
Ikaapat ang bahay nga pala ng manggagamot ay napapaligiran ng malalaking puno. May napakalaking mangga sa mismong likod bahay nila na sa sobrang taba ng katawan ay parang ilang taon na nakatanim. May isang duhat sa gawing likuran pa ng bahay na batid mo ang sobrang katandaan dahil na din sa itsura nito at may isang santol at bayabas sa gilid bahay malapit sa amin. Pinaniniwalaan naming mga kalaro ko noon na ang puno ng mangga at duhat ay tinitirahan ng kung anong elemento. Ngunit pinaputol na ang dalawang puno na ito, noon habang nire-renovate ang bahay namin, sumisigaw ang ate ko habang nag-uurong siya ng pinggan dahil sabi niya ay may nagbabaga daw sa puno ng santol. Inusisa naman ito ng tiyuhin ko at hindi naman ito wiring ng kuryente dahil ito ay mas mataas sa linya ng kuryente. Nakita ko din ito. Ngunit ng ilawan ng flashlight ay nawala na ang baga.
Ikalima, pamangkin ng manggagamot ang best friend ng ate ko at doon ito nakikitira. Isang araw nabalitaan na lamang namin na may malubha itong sakit at hindi matukoy kung ano. Ang mga balat niya ay nasugat-sugat, ang bibig niya ay puro laso at hirap siyang makakain at hindi siya nakakapagsalita. Ayon sa manggagamot may nagkagusto daw na engkanto sa kanyang pamangkin at ito ay naninirahan sa may bayabas sa gilid bahay. Ang bayabas ay nakatapat sa CR ng kanilang bahay at palagi daw nitong pinagmamasdan ang best friend ng ate ko, ito daw ang paraan ng engkanto ng panliligaw ang pagbibigay sakit upang siguro ay makuha nito at maisama sa kanilang mundo. Matagal din ang naging sakit ng best friend ni ate at hirap na hirap siyang pagalingin ng manggagamot. Ngunit isang araw napabalita na lang na gumaling na daw ito at nakahalubilo ko pa sa tapat bahay namin, nakakwentuhan ko pa at nakalaro ng tong-its. Umayos din ang itsura nya at nakakapagsalita na. Ngunit ilang linggo lang ibinalita sa amin na namatay na daw ito at ayon sa mga nakasaksi ay bigla na lang daw itong hinimatay habang nakaupo sa upuan at ang resulta diumano'y nalusaw ang atay.
Ikaanim, nakakainuman ng tatay ko ang mangaggamot na ito, nakakaranas kasi kami palagi na may naglalakad sa bubong namin. Sabi ng nanay ko ay pusa lang daw iyon ngunit ang pusa ay tahimik maglakad sa bubong unless may hinahabol ito at tumatalon. Ngunit ang tunog ng yero ay tila may humahakbang. Ilang beses namin itong inobserbahan at talagang may humahakbang sa aming bubungan. Ayon sa mangaggamot may nakikita daw siyang mahabang buhok palagi sa aming bubungan. Hanggang ngayon hindi pa din ito nasasagot kung ano ito. Ngunit tila nawala na din ang humahakbang sa bubungan namin ngayon.
Ikahuli, sa likod bahay namin ay may mga halaman noon bago ito gawing kusina ngayon. Mahilig kasi akong maghagis ng tubig noon sa mga halaman dito. Isang araw nakaranas ako ng matitinding kati sa katawan, aakalain mong nagkabungang araw ako. Hindi ako tinutubuan basta-basta ng bungang araw. Hanggang pinatignan ako ng nanay ko sa manggamot at doo'y pinabili ang nanay ko ng pulbos sa maliit na lalagyan. Yun ang ginagamit na panghilot sa buong katawan ko at naubos ito sa pangatlong balik ko. Ang sabi sa akin ng manggamot ay ibato ko ang basyo ng pulbos ng ako ay nakatalikod sa likod bahay namin at hindi ito lilingunin, pagkatapos noon ay nawala na ang mga kati-kati ko sa katawan. Ako daw ay napaglaruan ng isang elemento sa likod bahay namin. Ikukwento ko ang elementong ito sa hiwalay na istorya, Ang istorya ng kababalaghan sa loob ng aming bahay.
Hanggang sa muli.
Ito si Jay ng Nueva Ecija.
BINABASA MO ANG
Scary Stories 5
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree