NoSleep (One-Shot Story) : Ang baog kong asawa ay nakabuo ng bata

140 4 0
                                    


Si Janelle at ako ay di magkamayaw sa nararamdaman namin sa isa't isa nung simula. Kami noon ay bata pa at sobrang uhaw sa nararamdaman, masyadong kunektado sa anumang bagay. Nung nag-alok ako ng kasal sa kanya, maluha-luhang sumagot sya ng "oo", mula noon ay nagsimula na syang magtanong sakin, isang tanong na hirap akong sagutin. Kakapitan nya ko kasama ang makinis at namamawis nyang mga hita habang pagod kaming nakahiga sa kama. Ang tibok ng puso nya ay nararamdaman ko habang nakaibabaw sya sakin at bubulong na "Pwede na ba tayong magkaanak?"

Nag-aalangan ako sa umpisa, at mamimili sa mga naipon kong sagot tulad ng, "Malapit na" o kaya "Oo naman, pero hindi ngayon". Bata pa ako at gusto kong mag-focus sa career ko, at ang permanente't biglaang pagpasok sa buhay ng isang magulang na walang karansanan ay nakakatakot isipin. Pero mahal ko si Jan higit pa sa pagmamahal ko kanino man. Nung kinasal kami, ito'y maliit na seremonya lamang, doon bigla akong napaisip na gusto ko na rin magpalaki ng anak. Kahit bata pa kami, totoo naman na hindi na kami bumabata pa. Isang gabi makalipas ang isang buwan nung kasal namin, niyakap ako ni Janelle at nagtanong, "Pwede na ba kong magka-baby?"

Hindi ko malilimutan ang namumuong luha sa pares ng mala-emerald nyang mata sa pagsagot ko ng, "Oo." Kumikinang ito nang may pagmamahal na hindi ko pa nakita noon, at ang pagkagustong makabuo ng sanggol ang namuo sa kanya. Hindi na sya gumagamit ng mga birth control. Noong may nangyari samin, naisip ko na sana noon pa ako sumang-ayon.

Yung mga unang linggo na pinagsasaluhan namin kada gabi, magkayakap, ni hindi na nga kami nakakaisip na magbihis, hanggang magigising ako sa alarm kada umaga. Nagsimula si Janelle na pumunta sa banyo at mag-PT kada dalawang linggo, sa kagustuhan na makita agad ang dalawang linya dito, pero wala. Isang buwan matapos ang pananabik nyang makabuo kami, bigla ay nawalan sya ng gana. Dinadamayan ko sya hanggang sa makakaya ko, at sinabi ko na rin na magpatingin kami sa fertility specialist.

Kinabahan ako habang binibigay ko sa espesyalista ang sample ng aking semilya. Pakiramdam ko makakabuo si Janelle ng bata kahit wala ako, base na rin sa pagkagusto nya na magkaroon ng anak. Kasakiman mang pakinggan pero guminhawa ang pakiramdam ko nang malamang wala sakin ang problema, na kay Janelle. Baog si Janelle; may problema sya sa kanyang obaryo. Nalungkot ng sobra si Janelle.

Sa unang mga linggo sinusubukan ko syang kausaping mabuti at mag-suggest na pwede naman kaming magkaanak sa ibang paraan, pero parang mas napapalala lang yung pagkamiserable nya. Nung nabanggit ko sa kanya yung suhestiyon ng espesyalista na maaaring kumuha ng donor o kaya naman mag-ampon, lumukot at namuo ang galit sa kanyang mukha na hindi nya naipakita ni minsan. Napagdesisyunan ko na hayaan sya na mag-isip mag-isa sa isyu ng pagiging baog nya. Ginawa ko lahat para maging sensitibo, sumuporta at pangalagaan sya, pero lalo syang lumalayo hanggang sa umabot ang mga linggo sa mga buwan. Pakiramdam ko na nawawala na sya sa akin, pakiramdam ko ay dumidilim na ang pagsasama namin. Makalipas ang dalawang buwan naaksidente si Janelle.

Nasa trabaho ako nun, lunch break nung makatanggap ako ng tawag mula sa kanya dun sa ospital na pinapasukan nya. Sabi nya ayos lang sya, ayos lang ang lahat, aksidente nya lang nahiwa't natanggal ang dulo ng hinlalaki nya habang naghihiwa ng gulay. Kinailangan lang itong tahiin. Susugod na sana ko sa ospital pero sabi nya okay lang sya at hihintayin nya ako matapos ang oras ng trabaho ko. Nung sinundo ko na sya sa ospital, dali-dali syang lumapit at niyakap ako ng mahigpit, umiiyak sya, nababasa ng mga luha nya ang dibdib ko habang paulit-ulit syang humihingi ng tawad sa pagiging malamig nya sakin. Nagyakap kami at umiyak, inilalabas ang matagal nang mabibigat na dinadala namin. Inasar ko sya sa maumbok nyang hinalalaki na nakabalot ng gasa, biniro ko sya tungkol sa kung paano sya magtataas ng hinlalaki nya kapag makiki-hitchhike sya. Kako para bang lahat ng bagay ay astig nyang pinahihintulutan. Humalinghing sya, pero ito ang unang beses na tumawa sya simula nung nalaman naming baog sya. Para bang lahat nang bagay ay magiging maayos na.

Nagsisimula na ulit ngumiti si Janelle, tumatawa at talagang namumuhay na muli sa kasalukuyan kasama ako. Ang mga kinang sa kanyang mga mata na aking labis na pinanabikan sa lumipas na mga buwan. Ang pagharap sa katotohanan ay isang paraan para malampasan ang problema, at mukha namang sumusunod sa daloy si Janelle. May mga pagbabago naman sa mood nya, pero patuloy naman syang umiiwas sa pisikal naming pagsasama. Para bang nawalan na sa kanya ng halaga ang pagtatalik kung kaya't wala na syang interes dito.

"Please, huwag ngayon", o kaya naman "Hindi pa ako handa ulit". Tatango na lang ako hihinga ng malalim para malaman nyang naiintindihan ko. Gusto ko kasi kami ang magkasama habangbuhay, kaya di ko sya mamadaliin.

Tapos nun, nagsimula syang magbago ng pananamit. Mga may mahahabang manggas na turtlenecks, at mga pantalon ang ipinalit nya sa mga dating pitis nyang pananamit. Nagpapalit sya ng mahahaba't balot na balot na pangtulog tuwing gabi, pakiramdam ko'y sadya nyang itinatago ang katawan nya sakin. Napansin ko na din ang biglang pagluwag ng mga damit nya, at napansin ko rin na sobra na syang namamayat. Sa loob ng ilang buwan ay napalitan ang magandang katawan nya na pinanabikan ko noon, payat at parang manigas na ngayon.

Nagsimula na akong magtagal sa trabaho, tutok sa pagtaas ng sweldo na pinapain sakin ng boss ko. Isang linggo, sumama ako sa isang trade show sa Miami, iniisip ko kasi na may parte ng sarili ko na gustong tumakas kay Janelle. Hinalikan at nagpaalam ako sa kanya isang umaga nung Biyernes, inaasahan ko na sa Linggo ng gabi ko pa sya makikita pero nagbago ang plano. Pangalawang araw ng trade show ay nakansela ito dahil sa isyu sa kuryente kaya naman bumalik ako ng Sabado sa amin. Pagod ako, gusto ko na lang na maligo, pero bigla akong nag-alala nang hindi sagutin ni Janelle ang mga texts na pinadala ko nung nasa airport ako. Ang pag-aalala ko'y nauwi sa pagkataranta nung tinawagan ko sya pero dumiretso lang sa mailbox. Nagmadali akong umuwi at binuksan ang kandado ng pinto, nakahinga ako ng maluwag pagpasok. Nasa upuan ang coat ni Janelle at bukas ang tubig sa shower.

"Jan, honey, nakabalik na ako, kumusta ang lahat?" Tinawag ko sya, pero talo yata ng lagaslas ng shower yung boses ko.

"Honey" tinawag ko sya at naglakad palapit sa pinto. Dumulas ang sapatos ko sa sahig, nilabanan ko ito para mapanatili akong nakatayo. Nagtaka ako sa nakita ko sa sahig na kulay pula, alam ko na dugo ito. "Janelle!" Sumigaw ako, nabalot ng takot ang dibdib ko. Pinihit ko ang doorknob at binuksan ang pinto, sinundan ko ng tingin ang dugo papunta sa kutsilyo sa sahig. Sa taas nito, nakaupo si Janelle sa gilid ng bathtub at nakahubad.

Ngayon alam ko na kung bakit palagi syang balot na balot manamit nitong nagdaang mga buwan. Malalaki ang tapyas ng kanyang balat at laman. Namamaga at batik ang balat mula sa mga nililok nyang butas mula sa kanyang katawan. Sa ibang parte naman ay malalaking tuyong sugat sa bugbog nyang laman, pasa pasa at may impeksyon na. Malalalim na ukit sa kanyang braso at hita at kita na ang kanyang laman. Yung ibang sugat ay bago lamang at nagdurugo pa. Pinipilit kong manatiling nakatayo habang nakangiti sya sakin na katay-katay na ang katawan, may pinapakita mula sa kanyang manipis at nabalatang braso.

Isang malaking umpok ng laman, nakatahi sa pinagsamang balat ni Janelle. Isang iskultura ng kanyang sariling laman at dugo, tagpi-tagpi, namumulok, tinahi sa porma ng isang sanggol. Isa itong bata na nabuo mula sa kanyang lasog-lasog na katawan, na may ilong gawa sa nabubulok na dulo ng hinlalaki ni Janelle mula sa aksidente at pinagmulan ng kanyang kahindik-hindik na ideya. Hawak nya ang bagay na ito sa kanyang wala nang lamang dibdib at hinehele pabalik-balik sa kanyang luray na kamay.

"Napakaganda nya, di ba?" Tanong nya habang masaya at maluha-luhang nakatingin sa pinagtagping laman. Natumba ako sa nakakalat na dugo sa sahig, habang pinipilit umalis sa nakakahilakbot na eksena. Bago ko tawagan ang ambulansya habang nanginginig-- bago ko masukahan ang sarili ko, bago ako gumapang paalis sa madugong eksena, bago ako makaalis sa nakakahilakbot na pangyayari-- nakita ko ito. Nakita ko yung malabangungot na iskultura ng sanggol na dahan-dahang inililingon ang namamaga nitong ulo patungo sakin, at ngumiti.

- u/mrmichaelsquid

- Mnęmøsyné (Translator)

-cREDDITs-

Scary Stories 5Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon